Month: Marso 2009
Sagop
Ito ang panahon ng kaniyang muling pagsilang. Marahil isa siyang iginagalang na pitho na ibinilanggo sa matibay na abram, pinabaunan ng dalangin at bulong ng kaniyang lipi, bago inilagak sa singit ng yungib. (Ibinabalik ang kaniyang binurong loob ngayon upang ipaloob sa kristal na kahon.) At ang kaniyang kalansay na dumanas ng ritwal ng paglilinis noon ay marahang hinugot na gaya ng sanggol sa puwerta ng sagradong karimlan. Nasilaw ang buo niyang katauhan sa lente, sinag, at kislap ng kung anong aparato. Nang ilapag siya sa hapag-tistisan, bahagyang bumuka ang kaniyang bibig na waring sumisigaw; sumungaw na luha sa kaniyang hungkag na mata ang bulawang kulisap; lumundag ang dagitab sa kaniyang maputing noo; saka biglang umihip ang simoy na waring nagbabadya ng siyam-siyam.
(14 Mayo 2005)
Genoveva Edroza Matute (1915-2009)
Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa. Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.
Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:
Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.
Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”
Hindi rin batid ng nakararami na may mga pinaaral na iskolar si Aling Bebang (na ginagawa yaon bilang pagpupugay sa kaniyang inang si Maria Magdalena), at ang dalawa sa mga ito ay nagpasalamat sa kaniya noong kaniyang burol. Malimit sabihin ni Aling Bebang sa kaniyang mga iskolar: “Mag-aral kayo at magsumikap. At kapag kayo’y nakatapos ay tumulong din kayo sa ibang tao upang mabawasan ang kanilang paghihirap.” Akala ng iba’y sadyang masungit at mahigpit si Aling Bebang, yamang walang anak at maagang nabalo nang yumao ang manunulat na si Epifanio G. Matute. Malambot din pala ang kaniyang puso sa mga kabataang masikap ngunit dukha.
Hindi kataka-taka ang pagmamalasakit ni Aling Bebang sa kaniyang mga kabataang iskolar. Ang pagnanais na umangat sa pamamagitan ng edukasyon ay matutunghayan kahit sa kaniyang kuwentong “Bughaw pa sa likod ng ulap” na tungkol sa magkapatid na naghirap at natutong mabuhay sa pangangalap ng basura nang maulila sa ama pagkaraan ng digmaan, ngunit sa kabila ng lagim ay mangangarap pa rin ang isang bata na makatapos ng pag-aaral.
Sa isang kuwentong pinamagatang “Lola,” inilahad ni Aling Bebang ang isang pangyayari sa pananaw ng isang inang dukha na may sandosenang anak. Nakatagpo ng babae sa ospital ang isang matandang mayaman, na sa unang malas ay pasyente ngunit ang totoo pala’y doon lamang tumitira sa ospital kahit walang sakit yamang walang nag-aalaga sa kaniyang kaanak. Inalok ng matanda ang babae na ampunin na lamang niya ang isang anak, at tutumbasan niya ng salapi iyon para sa ikaaangat ng buhay ng pamilya ng babae. Sa dulo ng kuwento, lumayo ang babae at humabol naman ang matanda. Walang sinabi ang babae ngunit nakintal sa kaniyang gunita ang matandang bihis na bihis at nahihiyasan, iniaabot ang supot ng pasalubong, at ang kanang kamay ay nakalahad na umaabot sa patalilis na kausap.
Ipinamalas lamang ni Genoveva Edroza Matute na kahit sa kuwento ay hindi dapat sabihin ang lahat, at mabisa ang pahiwatig ng mga larawan o tagpo. At kahit sa tunay na buhay, may mga bagay na mabuting ilihim, kahit ang tapat na pagtulong at pagmamahal sa kapuwa at kababayan.
Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado
Si Jose A. Bragado ay isa sa mga iginagalang na manunulat na Ilokano na mangangatha, peryodista, editor, at makata na nagtamo ng mga parangal sa mga institusyong gaya ng GUMIL at UMPIL, at nakapaglakbay sa ibayong dagat upang magbigay ng mga panayam o katawanin ang bansa sa mga kumperensiya. Nakasulat aniya siya ng 16 nobela, 55 maikling kuwento, 55 tula, pitong nobelang pangkomiks, at 157 sanaysay at artikulo.
Pinakabago niyang epiko ang Pamulinawen (1995) na isinulat sa Iluko, at tinumbasan ng salin sa Filipino ni Dr. Crispina B. Bragado. Walang pumansin halos sa naturang epiko, at kung bakit ay dapat nating alamin.
Pinapaksa ng Pamulinawen ang pakikipagsapalaran ni Ricardo na pinaghunos ang pagkatao ng pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang hukbong sandatahang Hapones sa Ilokos, nawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gumuho ang halagahan at lumaganap ang panunulisan, at walang ibang magagawa kundi ang sumapi sa mga gerilya o pumanig sa mga mananakop. Pinatay ng hukbong Hapones si Tandang Angkuan, ang ama ni Ricardo, samantalang nagsundalo naman ang mga kapatid niyang sina Alfredo at Generoso. Naghasik ng lagim si Arrabas na puno ng mga tulisan.
Nagpasiya si Ricardo na hikayatin ang mga kabataan at magtatag ng armadong pangkat na handang lumaban sa mga Hapones at tulisan. Namundok ang pangkat ni Ricardo, at nagsanay sa mga pagsalakay, at tinambangan isang araw ang tropa ng Hapones. Nakaagaw sila ng armas, napatay ang mga kalaban, at ito ang naging sanhi upang mapoot si Kapitan Furukawa ng Imperyong Hapón. Gumanti si Furukawa sa pamamagitan ng panununog, panggagahasa, pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay. Aakalain niyang nagapi na ang mga gerilyang Filipino, ngunit imbes na manghina ay lalong lumakas pa ang pagsalungat.
Nang lumaon, gagamitin ni Ricardo ang pangalang “Pamulinawen” na nangangahulugang “matigas o matibay” gaya ng batong hindi naaagnas o kahoy na taga sa panahon. Tumanyag ang pangkat ni Pamulinawen, at kikilalanin ito ni Koronel Lagmay. Gagawaran si Pamulinawen ng ranggong Tenyente, at pagkaraan ay aatasamg tugisin sina Furukawa at Arrabas. Nakipag-alyansa si Pamulinawen kay Satur upang mabihag si Arrabas, ngunit pagkaraan nito ay naglahong bigla sa salaysay si Arrabas. Masusukol sa isang armadong bakbakan ang tropa ni Pamulinawen at mabibihag sila ni Furukawa.
Muntik nang mapatay si Pamulinawen kung hindi siya sinaklolohan ni Berto na espiya ng tropang Hapones ngunit pagkaraan ay nagbagong loob at sumanib sa kawsa ni Pamulinawen. Pinalaya niya si Pamulinawen at ang iba pa nitong kasama, nagkaroon ng engkuwentro, at napatay si Furukawa. Nagwakas ang epiko sa paglisan ng tropa ni Pamulinawen sa kampo ng mga Hapones, at ipinahiwatig ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsapit ng bukang-liwayway.
Maraming butas ang epiko na kasumpa-sumpa.
Una, problematiko ang daloy ng salaysay, mulang pangangalap ng tauhan ni Pamulinawen hanggang pakikipagbakbakan kina Arrabas at Furukawa. Kaduda-duda kahit ang paghirang sa sarili ni Ricardo bilang tenyente na waring hanggang isip-ranggo lamang ang mga kawal noon. Tumatalon kahit ang transisyon ng mga tagpo, mulang Pamulinawen at Furukuwa hanggang kampo at trintsera. Parang Rambo ang pagsasanay ng mga bagitong gerilya at pananambang sa mga Hapones, at nagapi ng pangkat ni Ricardo ang kalaban kahit wala pa itong sapat na karanasan sa pakikidigma. Hahabulin ni Pamulinawen si Furukuwa, at hahabulin ni Arrabas si Pamulinawen, at si Furukawa naman ay tutugisin din si Pamulinawen. Kung paanong hindi magtagpo ang tatlo sa Ilokos ay isang palaisipan.
Ikalawa, malabo ang mga tauhan sa epiko. Pinakamatingkad dito ang katauhan ni Arrabas na hindi malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos tugisin ng magkasanib na puwersa nina Pamulinawen at Satur. Matapos ipakilala si Arrabas na mabalasik na tulisan ay isinaad na lamang sa Kabanata 8 ang kaniyang pagkamatay sa hindi malamang dahilan. Kaduda-duda rin ang katauhan ni Berto bilang espiya ng Hapones ngunit kumampi pagkaraan sa mga Filipino, at isa siyang halimbawa marahil ng doble-karang espiya. Kung gayon nga, nabigo itong linangin sa salaysay, at parang komiko ang biglang pagbaligtad ni Berto. Mahina kahit ang paglinang sa mga katauhan nina Pamulinawen at Furukawa, at ang kanilang pagiging pinuno ay personal imbes na militar ang pagdulog. Sa Kabanata 6, isinaad doon ang unang paghaharap ng magkatunggali. Nagbigay ng manok kay Furukawa ang nagbabalatkayong magsasakang si Pamulinawen, at itong si Furukawa naman ay tila tunggak na naniwala sa gayong pakana. Kaya pala ginawa iyon ni Pamulinawen ay upang mukhaan lamang ang Hapones!
Ikatlo, nabigong maipakita sa epiko ang lawak ng imahinasyon sa paglalarawan ng mga lunan. Nasayang ang banggit sa Kailokuhan dahil parang palamuti lamang ito na nilalakbay nang mabilis nina Pamulinawen at Arrabas. Maganda sanang tagpo ang panununog ng buong bayan, ang pangungulimbat sa mga ari-arian, ang malaganap na ligalig at gulo ng mga tao, ngunit hindi iyon mapalalawig sa kuwento. Ni hindi rin maipamamalas ang malawak na kagutuman o tagsalat, at natabunan ang gayong tagpo ng panggagahasa nina Furukawa at Arrabas sa mga dalaga, o kaya’y sa pag-asinta ni Pamulinawen sa dati niyang kasintahan at bagong inaasintang dalagang si Brigida.
Ikaapat, kumapal ang epiko dahil ang ilang bahagi ng Kabanata 6 ay inulit lamang sa Kabanata 8, at marahil isama na ang pagkabusalsal ng paglilimbag. Nawala ang mga pahina 88 hanggang 103, at kung naroon man ang misteryo ng pagkamatay ni Arrabas ay hindi na mahalaga.
Ikalima, sumamâ ang epiko sa salin ni Belen, at pambihira ang pananaludtod sa Filipino na mapaiikli at maisislid sa tugma at sukat kung nanaisin.
Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati. Pasibo lagi ang mga Filipino na reaksiyonaryo ang tugon sa pananakop ng mga dayuhan o sa paghahasik ng lagim ng mga tulisan. Napakarupok ng balangkas ng epiko, at mabuway kung gagamiting haligi ang mga tauhang Pamulinawen, Furukawa, at Arrabas na waring hinango sa patakbuhing pelikulang koboy. Kung gagamiting panukatan ang epikong Pamulinawen, masasabing nahuhuli na ang panitikang Iluko sa pambansang antas. At ang epikong ito, na bagaman nasusulat sa Iluko at nagmula sa manunulat na Ilokano, ay hindi dapat mabilis na ipagmagara na mahusay. Kahanga-hanga ang wikang Ilokano, datapwat hindi nangangahulugan iyon na magaling na ang epikong tulang Pamulinawen, na napakalambot kung hindi man walang latoy bilang halimbawa ng matinong panitikan.
Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa pagyao ni Genoveva Edroza Matute, na mas kilala bilang Aling Bebang. Masakit ang pagkawala ng isang manunulat, lalo’t nakapag-ambag siya nang malaki at makabuluhan sa ating panitikan at sa ikagaganda ng daigdig.
Ang Pasamano
ANG PASAMANO
(pagkaraan ng “Tampuhan” ni Juan Luna)
Kung makapangungusap ang pasamano, ano ang wiwikain nito
sa binatang malayo ang tanaw? Sasabihin ba nitong, “Ang bigat mo!”
at itataboy ang lalaki palayo sa babaeng minamahal?
Ngunit maaaring ang iniisip ng lalaki’y ang magkaibigan
sa kabilang bahay, at inaasám na mayakap ang sinisipat na dilag.
Samantala’y bumibilis marahil ang tibok ng katabi niyang dalaga,
na halos magbulkan ang dibdib sa paninibugho. At ang panibugho
na parang tiktik ay tatangayin ng hangin, lalabas sa durungawan,
at titiyakin ang agam-agam sa katapatan ng pagtitinginan.
Hanggang sumapit ang prusisyon, at basagin ng musika ang pagdaramdam.
Baka nasamyo ng pasamano ang halimuyak ng baro ng binibini,
at kung ito’y nagkataong multo, maaaring inakbayan o niyakap
nito ang babae na animo’y nagugutom, nahihilo, o wala sa sarili.
Umikli ba ang dila ng babae na nagtampo’t pumikit sa mundo?
Ngunit maaaring naghihintay lamang siya ng abaniko, panyo, tsaa,
at katagang “Patawad!” mula sa kaniyang malikot na kasintahan.
O baka naman mainit ang ulo ng lalaki, at kailangang iraos niya
ang niloloob sa pagpapahangin? Lumalayo kahit ang napakalapit,
at marahil ito ang sasabihin ng pasamano sa ginoong ilahás kung umibig.
Ang Kahon
ANG KAHON
(salamat sa “Balikbayan Box” ni John Santos)
Maaaring ang parihabang kahon ay matayog na gusali,
at ang loob ay naglilihim ng mga butong bali-bali.
Nagtataglay din marahil iyon ng tsokolate, prutas, alak,
gamot, damit, kompiyuter, retrato, at kung ano-anong
rekwerdo o pasalubong o bakás ng mga paglalakbay.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang laksang silid.
Buksan ang mga silid at lilitaw ang sumpa at salot.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang mga bintana.
Buksan ang mga bintana, at mauulit ang panahon ng pagtuklas.
Maiiwan sa loob ng kahon ang Pag-asa.
Nasa tuktok niyon ang mga aklat ng karunungan o bait
o karanasan na masasagap sa banyagang isla o lupalop.
Sapatos ang palamuti sa garautan, ang sapatos na tumapak
sa entablado at balikat, sa bibitayan at anino upang manaig.
Gawa sa Filipinas ang kahon, ngunit marahil hindi ang laman,
dahil ang anumang umalis sa pantalan o paliparan
ay maghuhunos ng anyo, magpapalit-pangalan, mananariwa
sa pasaporte, retrato, at katauhan. O ito lamang ang nais
mong isipin. May naglaho at maaaring hindi na magbabalik pa.
Ipagugunita ng kahon ang lahat ng balikbayan. At ang balikbayan,
gaya ni Jose Rizal, ay dapat litisin, hatulan, bago kitlin sa Bagumbayan.
Halaman sa Tadyang
Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.
Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.
Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.
Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.
Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.
Agimat
Mahirap paniwalaan ang agimat. Sinasabing nagbibigay ng kapangyarihan sa tao ang agimat, at sa pamamagitan nito ay lumalakas ang tao upang salagin ang bala, makabighani ng binibini, makagapi sa kaaway, at makapagtanghal ng kagila-gilalas na mahika. Agimat ang tagapamagitan ng dimensiyong pisikal at dimensiyong sobrenatural, at upang maganap ito ay kinakailangang taglayin ng agimat ang dalawang katangian: ang habang-alon [wave length] ng materyal na realidad at ang habang-alon ng espiritwal na realidad. Ibig sabihin, dapat makapasok sa dalawang dimensiyon ang agimat—ayon sa paniniwala ng tao—at kung paano nangyayari ito ay isang kababalaghan.
Ngunit bago maganap ito, ang isang bagay, gaya ng kuwintas, susi o panyo, ay kinakailangang magkaroon muna ng di-karaniwang kapangyarihang ikinabit ng isa ring puwersang sobrenatural. Ang isang bagay ay walang kapangyarihang magluwal ng sariling kapangyarihang sobrenatural, dahil kung magkakagayon ay maipapalagay na nakahihigit iyon sa tao at hindi dapat tawaging “bagay.” Ang puwersang ito ay maaaring nagmumula sa isip, dahil ang isip ay maipapalagay na makapangyarihan bago pa man nalikha ang tao. Ang isip ang nakapagbibigay ng sagisag sa isang bagay upang ang karaniwang kuwintas, susi o panyo ay malampasan ang nakagawiang pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit (o silbi nito) at magkarga ng kaisipang matalik sa lumikha at sa tao na gumagamit ng agimat. Halimbawa, ang isip na naglatag ng paniniwalang ang antigong singsing ay makagagayuma sa sinumang dalaga ay maaaring kinakargahan ang singsing ng lakas sa bisa ng paniniwala ng tagapagsuot ng singsing. Kailangang paniwalaan ng serye ng mga tao ang bisa ng agimat, at makulayan ng kung ano-anong sabi-sabi at guniguni mula sa madla upang ang relikya ng nakalipas ay matagumpay na makairal sa makabagong panahon.
Ang isip ay maaaring likha ng tao o kaya’y ng Maykapal. Ipinapalagay dito na ang Maykapal bilang Dakilang Isip ay maaaring makapili ng isang bagay na makakargahan niya ng kapangyarihan upang ang kapangyarihang ito ay magamit ng tao saanman niya naisin. Ngunit maaaring hindi kinakailangang gawin ito ng Maykapal—kung ipagpapalagay na ibinigay na niya ang lahat sa tao at ganap ang talino, kakayahan, at kapangyarihan nito para magtagumpay sa hamon ng kalikasan—maliban na lamang kung hindi sapat ang kakayahan ng tao upang lampasan ang aba niyang kalagayan. Ang tao bilang Mortal ay maipapalagay na may hanggahan dahil sa katangiang pisikal, kaya mananalig ito sa mga di-nakikitang bagay na wala pang sagot ang agham at teknolohiya. Sa kabilang dako, ang pagiging mortal ng tao ay nawawakasan sa lakas ng kaniyang isip na may kapangyarihang magplano, lumikha, manggagad, umimbento, at magdisenyo; at makairal sa guniguni upang ang larang ng guniguni ay magkaroon ng buto’t laman sa realidad. Ang Isip ng Tao ang maaaring nagkakarga ng konsepto, pamahiin, paniniwala, pakahulugan, at pahiwatig sa isang bagay upang ang bagay na ito ay maging tulay ng tao mulang dimensiyong materyal tungong espiritwal. Kaya dumarami ang “lucky charms” na bulaklak ng dila para sa “agimat” o “pantaboy ng malas” na ipinalalaganap ng mga eksperto sa feng shui at astrolohiya.
Pinaniniwalaan ang agimat sa bisa nito. Halimbawa, ang susing may dalawang dahon, pakpak, at mutya na popular noon sa Binangonan, Rizal ay hindi karaniwang susi na magbubukas ng pinto. Magbubukas ng dimensiyong espiritwal ang nasabing susi, upang ang tao na may hawak nito ay makatulay sa larang ng guniguni mula sa daigdig na pisikal at materyal. Kung hihiramin ang konsepto ng Kadungayan ng mga Ifugaw, ang Kadungayan ay daigdig na tinutuluyan ng mga kaluluwa, at makapapasok lamang dito ang tao kung siya ay mamamatay o kaya’y magtataglay ng pambihirang susi na makapagbubukas ng dimensiyong espiritwal. Ang Kadungayan ay salamin ng pisikal na daigdig, at kung ano ang nagaganap sa daigdig ay nagaganap din sa Kadungayan. Maaaring bago maganap sa pisikal na daigdig ang isang pangyayari, gaya ng digmaan o taggutom, ay naganap na iyon sa daigdig ng mga kaluluwa. Ang pisikal na daigdig ay maaaring ekstensiyon lamang ng Kadungayan, o maaaring kabaligtaran, kung ipagpapalagay na parang sirang plaka lamang na inuulit sa Kadungayan ang naganap sa pisikal na daigdig at wala nang panghihimasok na magagawa pa ang tao, maliban na lamang kung mamamagitan ang puwersang sobrenatural.
Kaakit-akit ang agimat dahil ang isang karaniwang bagay ay lumalampas sa ordinaryong pagtingin ng madla. Ang anting-anting, gaya ng ipinamalas ni Nardong Putik o Pepeng Agimat, ay nagiging mabisa sa ating guniguni upang malunasan ang sakit, paghihirap, at kung minsan, kaalipnan ng tao. Sa oras na maging agimat ang isang bagay, ang bagay na ito ay mawawakasan ang tungkulin bilang karaniwang panyo, susi, at kuwintas na pawang materyal na magagamit ng tao. Kailangang taglayin ng agimat ang mabigat na tungkuling iniaatas dito ng Maylikha nito, at iyon ay maging kasangkapan ng tao na lampasan ang anumang pagiging karaniwan. Magsisimula ito sa mga sagisag, pakahulugan, at pahiwatig na pawang hindi mauunawaan mismo ng bagay, bagkus ng mga tao lamang na naniniwala sa kakayahan ng isip na dumako sa dimensiyong kamangha-mangha sa abot ng ating karanasan at kaalaman. Kapag nabigo ang agimat na gampanan ang tungkulin nito batay sa natatanging pakahulugan, pahiwatig, at sagisag na pawang ibinigay ng sinumang maylikha nito’t siyang pinaniniwalaan ng mga deboto, mawawakasan ang turing dito na pagiging agimat, at kailangang magbalik sa sinaunang silbi nito. Tatawagin yaong walang talab, walang bisa, kahit labis-labis ang inaasahan ng tao na tila nasisiraan ng ulo.
Hanggahan ng Kapuluan
Mapanganib ang nilagdaang batas ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ang Batas Republika Bilang 9522 (RA 9522) na nagtatakda ng hanggahan ng kapuluan ng Filipinas. Ang naturang batas ay iniemyendahan ang ilang probisyon ng Batas Republika 3046 na binago ng Batas Republika 5446. Bagaman sa unang malas ay naitakda ang hanggahan ng teritoryo at karagatan ng Filipinas, waring ipinamigay ng Filipinas ang Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) at imbes na angkinin nang lubos ay ipinaloob sa tinaguriang “Rehimen ng mga Pulo” (o mga pulo, batuhan, at tubigang inaangkin at pinagtatalunan ng iba pang bansang karatig ng Filipinas, gaya ng China, Taiwan, Vietnam, Malaysia, at Brunei).
Ayon sa Artikulo 21 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang “Rehimen ng mga Pulo” ay ipinakahulugan sa tatlong paraan: una, ang pulo ay likas na lawas ng lupaing nabuo, na napaliligiran ng tubig, at higit na mataas sa antas-dagat tuwing taog; ikalawa, maliban sa itinatakda ng talata 3 ng artikulo, ang teritoryong dagat, ang sonang kanugnog, ang esklusibong sonang ekonomiko, at ang bahurang kontinental ng pulo ay pawang maitatakda alinsunod sa probisyon ng Kumbensiyong ito na mailalapat sa iba pang lupaing teritoryo; at ikatlo, ang mga batuhan na hindi kayang pamuhayan ng tao o makapagdulot ng kabuhayan ay walang esklusibong sonang ekonomiko o bahurang kontinental.
Maaaring umiiwas lamang sa diplomatikong pagtatalo at digmaan ang Filipinas, at ang pagsasaad ng “rehimen ng mga pulo” ay bulaklak ng dila para masining na ibukas ng Filipinas ang kapuluan nito sa gaya ng Tsina na nanggagalaiti na maangkin ang nasabing pook na pinaniniwalaang mayaman sa langis, mineral, at iba pang yamang-dagat. Ang Batas 9522 ay isa na sanang mahalagang pagkakataon upang sabihin ng Filipinas sa mga kapit-bansa nito at sa buong mundo ang karapat-dapat nitong teritoryo. Ang pagsasaad ng Filipinas ng “rehimen ng mga pulo” sa batas nito ay tahimik na pagsang-ayon sa mga ipinaglalaban ng ibang bansa, at maglulugar sa Filipinas sa desbentahang posisyon sa oras na dinigin ang kaso sa antas ng United Nations. Taliwas sa tindig ng Filipinas, ang Tsina ay mahigpit na iginigiit ang saklaw nitong kapangyarihan sa Spratlys at Scarborough Shoal kahit higit na malapit sa Filipinas ang naturang mga pook.
Masyadong mabait ang Filipinas sa mga karatig-bansa nitong makapangyarihan, kung hindi man kulang sa kapasiyahang pampolitika. Hindi dapat maging tahimik ang Filipinas, bagkus dapat ipamukha nito kahit sa Tsina na may higit na karapatan at kapangyarihan ang Filipinas sa Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal dahil maituturing yaong nakapaloob sa Filipinas, gaya ng isinasaad ng mga naunang batas. Ang dapat atupagin ng Filipinas ay atasan ang mga dalubhasa nito sa pagguhit ng mapa ng Filipinas, at ang mapang ito ang magiging batayan ng usapang teritoryal, ekonomiko, at pangkaligiran.
Maliit ang Filipinas para magpamigay pa ng mga pulo, bahura, at tubigan nito sa kapakinabangan ng iba pang bansa. At ito ang dapat bantayan at ipaglaban ng sinumang Filipino na nagmamalasakit sa buong kapuluan ng Filipinas.
Tao at Pagpapakatao
Ipinagugunita ng isang matandang kawikaan ang tungkol sa pag-iral sa mundo: Madali ang maging tao, mahirap magpakatao. Maraming ibig sabihin ang kawikaan. Una, madali ang gumawa ng bata ngunit mahirap magpalaki ng anak; o kaya’y madaling magsilang ng bata ngunit mahirap magpalaki ng bata. Ikalawa, madali ang mag-anyong tao ngunit mahirap mabuhay nang may dangal ng tao. Ikatlo, ang pagpapakatao ay hindi laging taglay ng tao, dahil maaaring maging asal-hayop din siya. Ikaapat, ang tao ay hindi lamang pisikal na katawan, bagkus nagtataglay din ng diwang espiritwal at intelektuwal na magtatangi sa kaniya sa karaniwang hayop.
Maraming paraan kung paano babasahin ang nasabing salawikain. At ang mga pakahulugan ay maaaring alinsunod sa gumagamit nito, o kaya’y batay sa mga dating interpretasyon sa naturang salawikain. Nagkakatalo lamang kapag inuri ang pakahulugan ng mga salitang gaya ng “tao,” “pagpapakatao,” “madali,” at “mahirap.”
Halimbawa, ang tao ay maaaring sipatin bilang indibidwal na may pisikal na katawan. Magkakaroon ng kalipikasyon ang “tao” kapag isinaalang-alang na hindi sapat ang kaniyang pisikal na pag-iral, o kaya’y ang pagkakaroon ng pisikal na katawang walang pinsala o kapansanan. Ang tao na tinutukoy ay may kakayahang makapag-isip, at dumama ng mga bagay-bagay, at ang gayong mga katangian ay ipinalalagay na higit sa kayang gawin ng bato na ipinukol kung saan, o palumpong na sumisibol sa bukid, o kaya’y áso na maaaring ilahas sa parang o maamong alaga sa loob ng bahay.
Sa kabila ng kakayahang nakahihigit sa hayop, halaman, at bagay, ang tao ay maaaring gampanan ang kaniyang tadhana at tungkulin bilang tao sa tanging paraan lamang na nais niya, gaya ng ipinaaalingawngaw ng awit ni Frank Sinatra. Maaari ding talikdan ng tao ang kaniyang kalikasan, at gawin lamang ang makasariling nais na ikalulugod ng laman, gaya ng makamundong pakikipagkarat sa iba’t ibang tao, at tapos na. Maaaring hanggang doon lamang ang nais niya, at ang gayong kababaw na hangad—kung kababawan mang matatawag—ang magbubukod sa kaniya sa iba pang tao o nilalang sa daigdig.
Ang susi ng salawikain kung gayon ay sa pakahulugan o pahiwatig ng “pagpapakatao.” Ang “pagpapakatao” ay maaaring sipatin bilang panumbas sa “sibilisado,” “pino,” “nakapag-aral,” “sinanay sa kultura,” at iba pa. Ang “pagpapakatao” ay maaaring likas na katangian ng tao, ngunit mahihinuhang kinakailangang linangin pa rin ang ganitong gawi ng tao, dahil ang isang tao ay mababatid lamang ang “pagpapakatao” alinsunod sa itinatakda ng kaniyang lipunang may angking kaayusan, kaugalian, at kaisipan. Ano ang ibig sabihin nito? Ang tao ay makikita lamang ang kaniyang sarili sa piling ng iba pang tao, at ang mabubuo nilang pagsasanib at pagkakasundo ang magtitiyak ng maayos na samahan sa lipunan.
Kaya napakahirap magpakatao. Ang pagpapakatao ay mahabang proseso ng paghubog, at ang isang bata ay kinakailangang salinan ng paniniwala, kaugalian, karunungan, at iba pang kaugnay na bagay na pawang makatutulong sa kaniyang pag-iral bilang tao. Sa kabilang dako, ang bata ay maaaring masalinan din ng mga pamahiin, negatibong asal, katangahan, prehuwisyo, at iba pang kabalbalan mula sa panig ng matatanda, kaya ang bata ay posibleng lumaki na parang masahol pa sa retardadong hayop. Ang isang bata ay maituturing na hindi pa ganap na tao, yamang maaaring hindi pa niya batid ang “pagpapakatao” alinsunod sa pananaw ng mga nakatatanda, bukod sa hindi kayang arukin ng muslak ng isip ng bata ang malalim na konsepto ng pakikipagkapuwa. Ang bata ay maaaring nakatuon pa lamang sa kaniyang sarili, at habang lumalaon ay saka pa lamang niya matutuklasan ang ibang tao at ang bisa ng pakikisalamuha, na pawang makatutulong naman upang matuklasan niya ang pambihirang katangian niya bilang indibidwal.
Relatibo ang magiging pakahulugan ng “mahirap” at “madali” kung iuugnay sa “tao” at “pagpapakatao.” Kung may ibang babae na madaling mabuntis, o kaya’y lalaking mabilis makabuntis, may ibang tao na hindi kayang gawin iyon at maaaring may kinalaman sa pinsala sa panloob nilang organ. May ibang pagkakataon na hindi madaling mabuntis ang isang babae, dahil maaaring kulang sa semilya ang lalaki o may pinsala sa obaryo ang babae. Bagaman napapanghimasukan ng agham ang reproduktibong katangian ng tao, hindi nangangahulugan ito na ganap nang nangingibabaw ang tao sa kalikasan. May mga bagay na hindi maipaliwanag, kaya ang pagiging baog ay idinaraan sa pagsasayaw sa Obando, o pananalangin kay Santa Clara habang naghahain ng itlog. Ang pagbubuntis at pagsisilang ng sanggol ay higit sa pagtatagpo ng itlog at tamod. Kinakailangan ang elemento ng kemistri ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan upang lumikha ng supling na magluluwal ng pinagsanib nilang katangian.
Ang pagpapakatao ay maaaring subhetibo, at nagmumula ang gayong pagtanaw mula sa ibang tao. Halimbawa, ang pagpapakatao ni A ay maaaring batay sa kapisanan, kaugalian, at kalakarang ipinatutupad ng lipunang kinapapalooban din nina B, C, D, at iba pa. Ang buong kaisipan at katauhan ni A ay huhubugin ng kaniyang lipunan, at maaaring mamulat lamang si A sa ibang pag-unawa kapag natuklasan ang iba pang lipunang kinabibilangan nina E, F, at G, o kaya’y maliligaw sa ibayong-dagat na kinaroroonan nina X, Y, at Z.
Ang pagpapakatao ay magiging matagumpay lamang sa bisa ng pakikipagkapuwa. Ang indibidwalistang pag-iral ay hindi nangangailangan ng pagpapakatao, dahil bakit pa niya iisipin ang pagpapakatao kung higit niyang nanaising mag-isa at mamuhay nang tila ermitanyo? Maaaring ang pagbukod ng isang tao sa kaniyang lipunan at paglayo kung saan ay dulot ng hangaring “abutin ang makalangit na lunggati” gaya ng ginawa ng mga sinaunang mananampalataya. Ngunit kahit ang gayong gawi ay hindi nangangahulugan ng panghabambuhay, dahil ang paglayo sa kaniyang lipunan ay pagtalikod sa itinatakda ng kaniyang kalikasan bilang tao.
Mahalaga ang konsepto ng pagpapakatao, at mauugat ito hindi lamang sa panig ng relihiyon o kabutihang-asal, kundi sa pagbubuo at pagpapalakas ng kultura o kabansaan. Kaugnay ang pagpapakatao sa pakikipagkapuwa, na ang isang tao ay kabiyak ng iba pang tao, at ang pag-iral ng isa ay nakasalalay sa aksiyon at pagpapasiya ng iba pang tao. Sa pagpapakatao, sinisikap ng indibidwal na tuklasin ang kaniyang sarili habang tinutuklas ang misteryo ng kapuwa tao, at ang gayong proseso ay hindi lamang isahang daloy at paayon, bagkus maaaring maging magkasalungat o nagsasalimbayan. Ibig sabihin, ang pagdulog ay hindi dapat tingnan sa linear na pagdulog lamang, kundi sa sari-saring paraan.