Agimat

Mahirap paniwalaan ang agimat. Sinasabing nagbibigay ng kapangyarihan sa tao ang agimat, at sa pamamagitan nito ay lumalakas ang tao upang salagin ang bala, makabighani ng binibini, makagapi sa kaaway, at makapagtanghal ng kagila-gilalas na mahika. Agimat ang tagapamagitan ng dimensiyong pisikal at dimensiyong sobrenatural, at upang maganap ito ay kinakailangang taglayin ng agimat ang dalawang katangian: ang habang-alon [wave length] ng materyal na realidad at ang habang-alon ng espiritwal na realidad. Ibig sabihin, dapat makapasok sa dalawang dimensiyon ang agimat—ayon sa paniniwala ng tao—at kung paano nangyayari ito ay isang kababalaghan.

Ngunit bago maganap ito, ang isang bagay, gaya ng kuwintas, susi o panyo, ay kinakailangang magkaroon muna ng di-karaniwang kapangyarihang ikinabit ng isa ring puwersang sobrenatural. Ang isang bagay ay walang kapangyarihang magluwal ng sariling kapangyarihang sobrenatural, dahil kung magkakagayon ay maipapalagay na nakahihigit iyon sa tao at hindi dapat tawaging “bagay.” Ang puwersang ito ay maaaring nagmumula sa isip, dahil ang isip ay maipapalagay na makapangyarihan bago pa man nalikha ang tao. Ang isip ang nakapagbibigay ng sagisag sa isang bagay upang ang karaniwang kuwintas, susi o panyo ay malampasan ang nakagawiang pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit (o silbi nito) at magkarga ng kaisipang matalik sa lumikha at sa tao na gumagamit ng agimat. Halimbawa, ang isip na naglatag ng paniniwalang ang antigong singsing ay makagagayuma sa sinumang dalaga ay maaaring kinakargahan ang singsing ng lakas sa bisa ng paniniwala ng tagapagsuot ng singsing. Kailangang paniwalaan ng serye ng mga tao ang bisa ng agimat, at makulayan ng kung ano-anong sabi-sabi at guniguni mula sa madla upang ang relikya ng nakalipas ay matagumpay na makairal sa makabagong panahon.

Ang isip ay maaaring likha ng tao o kaya’y ng Maykapal. Ipinapalagay dito na ang Maykapal bilang Dakilang Isip ay maaaring makapili ng isang bagay na makakargahan niya ng kapangyarihan upang ang kapangyarihang ito ay magamit ng tao saanman niya naisin. Ngunit maaaring hindi kinakailangang gawin ito ng Maykapal—kung ipagpapalagay na ibinigay na niya ang lahat sa tao at ganap ang talino, kakayahan, at kapangyarihan nito para magtagumpay sa hamon ng kalikasan—maliban na lamang kung hindi sapat ang kakayahan ng tao upang lampasan ang aba niyang kalagayan. Ang tao bilang Mortal ay maipapalagay na may hanggahan dahil sa katangiang pisikal, kaya mananalig ito sa mga di-nakikitang bagay na wala pang sagot ang agham at teknolohiya. Sa kabilang dako, ang pagiging mortal ng tao ay nawawakasan sa lakas ng kaniyang isip na may kapangyarihang magplano, lumikha, manggagad, umimbento, at magdisenyo; at makairal sa guniguni upang ang larang ng guniguni ay magkaroon ng buto’t laman sa realidad. Ang Isip ng Tao ang maaaring nagkakarga ng konsepto, pamahiin, paniniwala, pakahulugan, at pahiwatig sa isang bagay upang ang bagay na ito ay maging tulay ng tao mulang dimensiyong materyal tungong espiritwal. Kaya dumarami ang “lucky charms” na bulaklak ng dila para sa “agimat” o “pantaboy ng malas” na ipinalalaganap ng mga eksperto sa feng shui at astrolohiya.

Pinaniniwalaan ang agimat sa bisa nito. Halimbawa, ang susing may dalawang dahon, pakpak, at mutya na popular noon sa Binangonan, Rizal ay hindi karaniwang susi na magbubukas ng pinto. Magbubukas ng dimensiyong espiritwal ang nasabing susi, upang ang tao na may hawak nito ay makatulay sa larang ng guniguni mula sa daigdig na pisikal at materyal. Kung hihiramin ang konsepto ng Kadungayan ng mga Ifugaw, ang Kadungayan ay daigdig na tinutuluyan ng mga kaluluwa, at makapapasok lamang dito ang tao kung siya ay mamamatay o kaya’y magtataglay ng pambihirang susi na makapagbubukas ng dimensiyong espiritwal. Ang Kadungayan ay salamin ng pisikal na daigdig, at kung ano ang nagaganap sa daigdig ay nagaganap din sa Kadungayan. Maaaring bago maganap sa pisikal na daigdig ang isang pangyayari, gaya ng digmaan o taggutom, ay naganap na iyon sa daigdig ng mga kaluluwa. Ang pisikal na daigdig ay maaaring ekstensiyon lamang ng Kadungayan, o maaaring kabaligtaran, kung ipagpapalagay na parang sirang plaka lamang na inuulit sa Kadungayan ang naganap sa pisikal na daigdig at wala nang panghihimasok na magagawa pa ang tao, maliban na lamang kung mamamagitan ang puwersang sobrenatural.

Kaakit-akit ang agimat dahil ang isang karaniwang bagay ay lumalampas sa ordinaryong pagtingin ng madla. Ang anting-anting, gaya ng ipinamalas ni Nardong Putik o Pepeng Agimat, ay nagiging mabisa sa ating guniguni upang malunasan ang sakit, paghihirap, at kung minsan, kaalipnan ng tao. Sa oras na maging agimat ang isang bagay, ang bagay na ito ay mawawakasan ang tungkulin bilang karaniwang panyo, susi, at kuwintas na pawang materyal na magagamit ng tao. Kailangang taglayin ng agimat ang mabigat na tungkuling iniaatas dito ng Maylikha nito, at iyon ay maging kasangkapan ng tao na lampasan ang anumang pagiging karaniwan. Magsisimula ito sa mga sagisag, pakahulugan, at pahiwatig na pawang hindi mauunawaan mismo ng bagay, bagkus ng mga tao lamang na naniniwala sa kakayahan ng isip na dumako sa dimensiyong kamangha-mangha sa abot ng ating karanasan at kaalaman. Kapag nabigo ang agimat na gampanan ang tungkulin nito batay sa natatanging pakahulugan, pahiwatig, at sagisag na pawang ibinigay ng sinumang maylikha nito’t siyang pinaniniwalaan ng mga deboto, mawawakasan ang turing dito na pagiging agimat, at kailangang magbalik sa sinaunang silbi nito. Tatawagin yaong walang talab, walang bisa, kahit labis-labis ang inaasahan ng tao na tila nasisiraan ng ulo.

Advertisements