Genoveva Edroza Matute (1915-2009)

Geneveva Edroza Matute

Genoveva Edroza Matute

Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.  Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.

Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:

Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.

Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”

Hindi rin batid ng nakararami na may mga pinaaral na iskolar si Aling Bebang (na ginagawa yaon bilang pagpupugay sa kaniyang inang si Maria Magdalena), at ang dalawa sa mga ito ay nagpasalamat sa kaniya noong kaniyang burol. Malimit sabihin ni Aling Bebang sa kaniyang mga iskolar: “Mag-aral kayo at magsumikap. At kapag kayo’y nakatapos ay tumulong din kayo sa ibang tao upang mabawasan ang kanilang paghihirap.” Akala ng iba’y sadyang masungit at mahigpit si Aling Bebang, yamang walang anak at maagang nabalo nang yumao ang manunulat na si Epifanio G. Matute. Malambot din pala ang kaniyang puso sa mga kabataang masikap ngunit dukha.

Hindi kataka-taka ang pagmamalasakit ni Aling Bebang sa kaniyang mga kabataang iskolar. Ang pagnanais na umangat sa pamamagitan ng edukasyon ay matutunghayan kahit sa kaniyang kuwentong “Bughaw pa sa likod ng ulap”  na tungkol sa magkapatid na naghirap at natutong mabuhay sa pangangalap ng basura nang maulila sa ama pagkaraan ng digmaan, ngunit sa kabila ng lagim ay mangangarap pa rin ang isang bata na makatapos ng pag-aaral.

Sa isang kuwentong pinamagatang “Lola,” inilahad ni Aling Bebang ang isang pangyayari sa pananaw ng isang inang dukha na may sandosenang anak. Nakatagpo ng babae sa ospital ang isang matandang mayaman, na sa unang malas ay pasyente ngunit ang totoo pala’y doon lamang tumitira sa ospital kahit walang sakit yamang walang nag-aalaga sa kaniyang kaanak. Inalok ng matanda ang babae na ampunin na lamang niya ang isang anak, at tutumbasan niya ng salapi iyon para sa ikaaangat ng buhay ng pamilya ng babae. Sa dulo ng kuwento, lumayo ang babae at humabol naman ang matanda. Walang sinabi ang babae ngunit nakintal sa kaniyang gunita ang matandang bihis na bihis at nahihiyasan, iniaabot ang supot ng pasalubong, at ang kanang kamay ay nakalahad na umaabot sa patalilis na kausap.

Ipinamalas lamang ni Genoveva Edroza Matute na kahit sa kuwento ay hindi dapat sabihin ang lahat, at mabisa ang pahiwatig ng mga larawan o tagpo. At kahit sa tunay na buhay, may mga bagay na mabuting ilihim, kahit ang tapat na pagtulong at pagmamahal sa kapuwa at kababayan.

78 thoughts on “Genoveva Edroza Matute (1915-2009)

  1. Bago ang lahat, ipana-aabot ko ang aking pakikiramay.

    Naaalala ko ang isa sa mga akda niya, ang nabasa kong “Kuwento ni Mabuti” sa asignatura naming Panitikan.

    Isa siyang inspirasyon. Tatatak sa amin ang inyong alaala; ng inyo pong mga akda.

    Salamat. Nawa’y maging matiwasay ka sa itaas.

    Like

  2. talagang napakaganda ang kanyang pagkukuwento kahit na hindi maganda ang ikinuwento..iyan ang isa sa pinakamahalagang katangia ng isang manunulat….mapaganda ang isang bagay na sa isang tingin ay pangit…sana maging national artist siya..reflect na reflect talaga sa kanyang mga akda ang kanyang pagiging nasyonalismo..

    Like

  3. maaari nyo poh ba akong matulungan tungkol sa kwento ni mabuti,
    eto poh ang mga katanungan:
    *Rason ng pagkakasulat
    *paksang diwa
    *paano isinulat

    salamat poh, sana’y matulungan nyo ako

    Like

    • Tila asignatura mo iyan at sa akin mo ipinagagawa. Ang “rason ng pagkakasulat” na binanggit mo ay hindi ko mababatid yamang diskarte na iyon ng manunulat. Kung iyan ang tanong ng iyong guro ay isang malaking pagkakamali, dahil wala namang binanggit si Aling Bebang hinggil diyan. Dapat mo ring matutuhan na ibukod ang buhay ng manunulat sa kaniyang mga akda, dahil hindi lahat ng akda ng manunulat ay may katumbas na pangyayari sa realidad.

      Samantala, ang “paksang diwa” at “paano isinulat” ay maaaring mahugot mo sa artikulong isinulat ko hinggil sa kuwento ni Mabuti sa aking ibang paskil. Hanapin mo ang naturang akda sa aking imbakan ng paskil. Ayoko nang ulitin pa iyan.

      Like

  4. ahmm maari po bang malaman ang website kung saan pwede basahin ang walong taon gulang ni Aling Bebang??
    kailangan lang po para sa ulat basa namin maraming salamat po

    Like

    • Hindi ko alam kung may websayt na naglalathala ng buong kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Sa aking palagay ay bawal ilathala ang buong akda nang walang pahintulot mula sa awtor o sinumang kaanak niyang pinagpasahan ng karapatang-ari. Ang tanging magagawa mo ay pumunta sa silid-aklatan, gaya sa Pambansang Aklatan, upang makakuha ng sipi ng kuwento. May ilang antolohiya ng kuwento ni Aling Bebang na makukuha ka roon.

      Like

    • Nasagot ko na iyang tanong mo. Balikan mo na lamang aking nakaraang mga akda hinggil kay Genoveva Edroza Matute. Balikan mo rin ang orihinal na kuwento niya, at maikli lamang iyon at matatapos ang pagbasa sa isang upuan lamang.

      Like

  5. Maaari mo bang pangalanan ang mga akda ni Genoveva na iyong paborito? gusto ko kasing basahin pa ang iba nyang akda….yong mga maikling kwento….

    Like

  6. Nakalulungkot na ang isang magaling na manunulat at guro ay pumanaw na. Ngunit nakatutuwang isipin na ang tulad niya ay nag-iwan ng isang ng marka sa puso ng bawat mambabasa, at nagbigay inspirasyon sa isang tulad ko. Simula pa ng ako ay nasa elementarya naging panatiko na ako ng ginang sa pagbabasa ng kanyang mga akda. SALAMAT PO GINANG MATUTE

    Like

    • may alam po ba kayong website kung saan ko mahahanap ang mga mga bagay bagay tungkol sa buhay ni Genoveva E. Matute?hindi ko po ksi mahanap ang mga akdang kanyang ginawa,at ang kanyang akdang panulat,,,maari nyo po ba akong tulungan?? salamat po

      Like

      • Maaaring magtungo ka sa wikifilipino.org at kung kulang pa iyon, ay magtungo sa inyong silid-aklatan. Makabibili ka rin ng sipi ng kaniyang kalipunan ng mga kuwento na inilathala ng Ateneo de Manila University Press at Anvil Publishing Inc.

        Like

  7. Maligayang Araw ng mga Ina sa lahat ng ina sa mundo!

    magtatanong lang po sana, maaari po bang i-reprint ko ang mga kwento ni Gng. Genoveva E. Matute bilang likom?

    Marami kasi akong natutunan na mga aral sa kanyang mga kweto at gusto ko po sanang ibahagi sa mga kabataan ngayon. at kung maaari lang po sana, maipost ang mga kwentong ito sa internet. Marami kasi sa mga kabataan ngayon na hindi nagbabasa ng aklat sa silid-aklatan sa halip, sa internet na naghahanap.

    Like

    • Hindi mo maaaring ilathala sa elektronikong paraan, gaya sa internet, nang basta-basta ang mga akda ni Genoveva E. Matute. Ito ay dahil ang karapatang-ari ng kaniyang mga akda ay taglay pa rin niya (na maaaring ipinasa sa kaniyang malapit na kaanak), at posibleng managot ka sa mga pabliser ni Aling Bebang, gaya ng Ateneo de Manila University Press, DLSU Press, at Anvil Publishing Inc.

      Bagaman makatutulong iyan sa maraming kabataan, makabubuting ihingi mo muna ng permiso sa mga kinauukulang pabliser ang balak mong pagpapalathala sa iyong websayt o blog.

      Like

  8. Ako po’y isang mag aaral na hayskul sa ikaapat na taon. Labis akong nagagalak na ang akda ni Ginang Matute na “Paglalayag sa puso ng isang Bata” ang aking napili upang suriin para sa proyekto ko sa Filipino IV. Nagalak rin maging ang aking Guro sa aking napiling kwento. Sa kadahilanang pareho naming gusto ang mga akda ni Ginang Matute. Maging sa Thesis nya sa kanyang pag aaral sa kolehiyo, ang akda ni ginang matute ang kanyang ginamit. 🙂 Ako’y nakapulot ng maraming aral mula sa kanyang mga akda na pa-tungkol sa pag uugali at kilos ng mga bata. 🙂 Maraming Salamat po sa inyo, Ginang Matute! 🙂

    Like

  9. sana tangkilikin o maalala pa sila ng mga tao at basahin pang muli ang kanilang mga ginawa upang malaman nila kung gaano kahalaga ang mga ito at kung gaano kaganda ang mag ito upang makagawa rin sila ng katulad ng kwentong ganito

    Like

  10. Nalungkot ako nang malaman kung patay na si GEM..Dahil sa kanya namulat ako..Iyon lamang nakararanas ng lihim na kalungkutan ang maaaring makaranas ng lihim na kaligayahan…siya ang tesis ko na dapat parangalan….Maraming salamat..mananatili kang una sa listahan ng aking paboritong manunulat…wala kang katulad

    Like

  11. Isa talaga si GEM sa mga manunulat na aking hinahanga-an mula pa noong nasa hayskul pa lang ako. nagayon ay kumukuha ako ng kursong AB-Filipino sa MSU-IIT at panay po ang suri namin sa mga maikling kwento ni GEM. Tunay na makakapulot tayo ng mga aral na ating mai.aaplay sa ating buhay. 🙂

    Like

  12. Matapos kong mabasa ang artkulo niyo na patungkol sa isa sa dakila nating manunulat na si Gng. Genoveva Edroza-Matute o mas bansag na Aling Bebang, isang tanong ang pumasok sa aking sipan: “May sisibol pa kayang manunulat na katulad niya?”.
    Hangad ko na sana maging isa rin ako sa mga manunulat na gustong sumunod sa yapak niya at ng iba pang mga Pilipinong manunulat.Isa po akong estudyante na kasalukuyang nasa ikaapat na taon sa sekondarya. Maraming salamat po sa pagbabahagi ng mga mahuhusay na paraan niya ng paglikha ng mga akda.

    Like

  13. Sana marami pang Mabuti tulad niya. Hindi lamang po siya Palanca winner noong 1951, sa bawat panaginip ko patuloy pa rin po ang pagiging mabuti niya. Marami pang Mabuti sa mundo. Iilan lamang ang karapat-dapat para matawag man lamang na Mabuti. Sana tayong lahat ay makapagturo nang tama at wasto kung hindi man tayo mga guro. Magawa po natin ang nararapat.

    Maraming sana sa ating buhay at sana mayroon pa pong buhay para sa pag-asa may Mabuti pa, may mabuti pa.

    Like

  14. nakakagulantang na pumanaw na ang isa sa mga hinahangaan kong tagapagsulat ng mga maikling kwento ng panitikang tagalog sa mga tekstura filipino ng High Skul. Nakakalungkot ngunit nagiwan siya ng bakas ng diwa sa mga magaaral na tumatangkilik sa kanyang mga kwento. Isa sa mga paborito ko ay ang PITAKA

    Like

  15. Hello, alimbukad… pinakapaborito ko pa rin ang kwento ni GEM na Ang Kwento ni Mabuti. Ang husay noon para sa akin. Marami sa kanyang mga isinulat ay nabasa ko. Sila ni Kerima Polotan-Tuvera ang hinahangaan ko sa mga Pilipinang manunulat, ahaha.^^

    Ngayon lang yata ako naligaw banda rine. Nakiki-komento na rin… 🙂

    Like

  16. Uhm paturo naman po O.o kasi di ako mahilig mag fil kasi

    1. Uri ng panitikan
    2. pagkilala sa may akda
    3. Layunin ng Akda
    4. paksa o tema ng akda
    5. Mga tauhan sa Akda
    6. Tagpuan
    7. Nilalaman/balangkas ng mga pangyayari
    8. Ideya / kaisipang taglay ng Akda
    9. Istilo ng pagkakasulat ng akda
    10. buod

    TUngkol ito sa Story ni Genoveva Edroza Matute

    Salamat!

    Like

  17. Hello po! Report ko na po kasi sa Monday at nangangailangan po ako ng buod o pinakamensahe ng kwento ni Gng. Matute ng, “Ako’y Isang Tinig.” Ilang beses ko na po ito binasa ng paulit-ulit ngunit hindi ko ito maintindihan. Maari niyo po ba ako tulungan? Salamat po!

    Like

    • Pumunta sa silid-aklatan ng inyong paaralan at doon mo hanapin. Madali lamang unawain ang mga kuwento ni Aling Bebang Matute; ang kinakailangan lamang ay tiyaga at diksiyonaryo.

      Paumanhin, hindi ako gumagawa ng asignatura ng mga estudyante.

      Like

  18. magandang araw po
    naging maestra ko si GEM noong nag-aaral pa ako sa PNC (PNU ngayon), MAESTRA ng maikling katha at MAESTRA sa kanyang mga mag-aaral, napakapalad ko na naging guro siya sa loob ng apat na taong pamamalagi ko sa kolehiyo— nanghihinayang ako na hindi nalaman ang kanyang pagpapanaw sa tamang araw, maaaring nakarating ako at nakapagbigay ng huling paggalang sa kanya—
    siya ang nakapagpausbong ng aking hilig sa pagsusulat— maraming salamat Maestra GEM, hiyas ng Panitikang Pilipino

    Like

    • Hindi ko masasabi ang personal na katangian ni Aling Bebang Matute, ngunit kung pag-uusapan ang kaniyang mga katha’y masasabing mapangahas, malandi, mapagpalaya, at matalino. Gayunman, hindi lahat ng kaniyang akda ay mataas ang uri.

      Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.