Pangkatang Gawain bilang Alternatibong Edukasyon

Sinasalubong ng tag-ulan ang pasukan ng mga estudyante tuwing Hunyo. At sa panahong ito, muling ililitanya ang mga problema sa pasilidad at paaralan, ang kakulungan sa bilang ng guro at kagamitan, ang mabagal na burukratikong palakad sa Kagawaran ng Edukasyon, ang mga pagbabago at kung minsan ay kamalian sa mga sangguniang aklat, ang pagsisikip ng mga lansangan, ang pangangailangan sa seguridad at kalinisan, at iba pa. Pinakamahirap tugunan ang kakulangan ng mga aklat at kagamitan, at ang guro ay napipilitang umisip sa malikhaing paraan kung paano matuturuan nang magaan, mabilis, at epektibo ang mga bata.

Mahirap ang pagtuturo ng guro ngayon dahil ang isang seksiyon ay binubuo ng halos 50 o higit pang estudyante sa elementarya at hay-iskul. Sa ganitong kalaking bilang, ang guro ay mababagahe sa dami ng mga batang susubaybayan, sa kapal ng papeles na papasadahan o gagraduhan, at sa paghahanda ng lingguhang aralin. Hirap din ang guro dahil sa kakulangan ng silid o pasilidad. Masuwerte na ang guro sa pribadong paaralan na may bilang ng estudyante na mulang 25–30 na nakapaloob sa maluwang at malamig na silid-aralan. Masuwerte rin ang mga estudyante dahil matututukan sila nang maigi ng kanilang guro. Ang tanong: may solusyon ba para maturuan nang mahusay ang isang seksiyong may malaking bilang ng estudyante?

Mayroon, sa aking palagay. Ang paraan ng pagtuturo sa mga estudyante ay maaaring hiramin sa padron ng microfinance na lumalaganap ngayon sa mga maralitang pamayanan. Ang mga bata ay maaaring pagpangkat-pangkatin sa tiglilima o tigpipitong katao. Ang bawat pangkat ay magiging responsable sa bawat kasapi, kaya kapag nagloko ang isang kasapi ay puwedeng managot ang buong pangkat. Ang pagtuturo ng guro ay maaaring iangkop sa bilis ng pagsagap ng kaalaman ng bawat pangkat, dahil maaasahan dito na may pangkat na mabilis matuto kompara sa ibang pangkat na sadyang mahina ang ulo. Hinihikayat din sa panukalang pagpapangkat ang sabayang pag-aaral, pagbabasa, konsultasyon, at pagrerepaso, bukod pa ang paghihiraman ng mga aklat.

Sasabihin ng iba na humihikayat ito ng katamaran. Na posibleng mangyari, dahil maaaring sa kagustuhan ng isang bata na makapasa ay gagawin ang lahat kahit ang pangkatang proyekto na iniatas ng guro. Ngunit hindi ito ang ídeal. Sa pagbubuo ng maliliit na grupo, tinatangka rito na palakasin ang konsepto ng bayanihan at kusang-palo [initiative] sa maliit na antas; at ang bawat kasapi ay inaasahang mag-aambag sa anumang malikhaing paraan para sa kapakanan ng kaniyang grupo at sa paglago niya bilang indibidwal. Ang pagsubaybay sa paglago, halimbawa sa pag-unawa sa mga aklat o aralin, ay hindi lamang responsabilidad ng guro kundi ng bawat pangkat na inaasahang magtuturo sa sinumang kasapi na mabagal sumagap o hindi makaintindi ng impormasyong ibinigay ng guro. Ang sinumang ayaw pumaloob sa grupo ay malayang humanap ng iba pang kasama, alinsunod sa pagtatalaga ng guro, ngunit ang gayong pagsama ay hindi lamang dahil sa pakikipagbarkada at pagpapalusot.

Ang pagbubuo ng maliliit na pangkat ay isang panukalang pagdulog sa pagtuturo ng mga bata. Mamamaos sa kasisigaw ang guro na may 50 o higit pang estudyante bawat seksiyon. Kailangan niya ng alternatibong paraan, bukod sa paghawak ng mikropono at pagkasangkapan sa mga ipinapaskil sa pisara. Kung walang makakatuwang ang guro sa kaniyang tungkulin, marahil ang isa niyang masasandigan ay ang maliliit na pangkat ng mga estudyante. Kailangang makumbinsi ng guro ang mga bata na mahalaga ang pangkat, at ang pangkat na ito ay hindi dapat tingnan sa negatibong paraan bagkus sa positibong paraan. Ang maliliit na pangkat, gaya sa microfinance ni Muhammad Yunus na nagpauso ng Grameen Bank sa Bangladesh, ay humihikayat ng pagtutulungan, pamumuno, at pagbabayanihang naghahasik ng diwain ng kolektibong kabutihan at paggawa para iangat ang bawat isa.

Maaaring pangarap lamang ito sa ngayon. Ngunit naniniwala ako na may bisa ang maliliit na pangkat. Ang pagsulong ng maliliit na pangkat, kapag pinagsama-sama, ay isa nang malaking organisasyon ng epektibong edukasyon.

Eskandalo

Hiram na salita mula sa Espanyol ang “eskandalo” na ibinatay naman sa salitang Latin na “scandalum” na ang ibig sabihin ay “balakid, kasalanan.” Ang salita sa Latin, ayon sa diksiyonaryong internasyonal gaya ng Webster’s (1976), ay nagmula umano sa salitang Griyego na “skandalon.” Pangunahing lahok sa diksiyonaryo ang pakahulugang “kasiraan sa relihiyon sanhi ng taliwas na asal mula sa relihiyosong tao.” Kaugnay ng pakahulugan ang pagkakasala, pagdududa, o pagkalito na idinulot sa isang tao dahil sa paglabag sa etika o relihiyon. Maaaring tumukoy din ang eskandalo sa asal o gawi na nagiging sanhi o humihimok na mapahina ang pananampalataya o relihiyosong pagsunod sa pinaniniwalang diyos o relihiyon.

Ikalawang pakahulugan ng eskandalo ang “pagkawala o pagkasira ng puri sanhi ng tunay o inaakalang paglabag sa moralidad o kabutihang-asal.” Kaugnay ng pakahulugang ito ang “nakahihiyang pagpaparatang o bintang at paninisi na walang batayan.” Ang dalawang pakahulugang ito ang malimit lumulutang sa isip ng Filipino kapag may nabalitaang nakayayanig na pangyayari mulang korupsiyon sa gobyerno hanggang korupsiyon ng laman. Nasisira ang reputasyon ng tao dahil sa kasalanang moral. Mahihinuha sa pakahulugang ito na malaki ang ipinapataw na pagpapahalaga sa mga pananaw sa kabuuang lipunan.

Ang ikatlong pakahulugan ng eskandalo ay tumutukoy sa “pangyayari o pagkilos na lumalabag sa kabutihang-asal o establisadong pagkaunawa hinggil sa moralidad.” Sa ganitong yugto, ang tao ay ipinapailalim sa isang kaayusan, at ang kaayusang ito ay itinatakda ng mga awtoridad, kundi man ng mayorya, ng lipunan.  Nakatimo sa pakahulugan ang “tao” na ang asal ay labag sa moralidad. Halimbawa, ang sex ay hindi maituturing na eskandalo agad. Ang pagkakarat ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan ay nagkakaroon ng kulay ng eskandalo kung ilalantad palabas ng silid ng pribadong tahanan, at ipalalaganap sa madla upang hiyain, kalibugan, dumugin, at pagpistahan ng sambayanan ang grapiko kundi man akrobatikong pagtatalik.

Tumutukoy ang ikaapat na pakahulugan ng eskandalo sa “tsismis o pagpapakalat ng usap-usapan na nagpapatingkad ng mga totoo o maling detalyeng pawang nakasisira sa dangal ng isang tao.” Mahihinuha sa ganitong pakahulugan na malaki ang pananagutan ng mga tagapagpakalat ng tsismis o maling balita, dahil ang gayong pananalita’y umiiwa sa pagkatao na pinatutungkulan. Ang isang maliit na bagay ay napalalaki ng tsismis, at kahit ang totoong bagay ay napalalabis upang maging katawa-tawa o kahiya-hiya ang lagay ng isang tao.

Ang ikalimang pakahulugan ng eskandalo ay maaaring tumukoy sa “poot, kahihiyan, pagkalito, at pag-aalinlangan na pawang hatid ng lantarang paglabag sa moralidad, kabutihang-asal, o kuro-kuro ng relihiyoso.” Mahihinuha sa pakahulugang ito na nagkakaroon ng ikatlong dimensiyon ang eskandalo, na hindi na lamang sangkot ang tao at ang asal nito kundi ang “maaaring maidulot ng pangyayari” sa mga tao, kapisanan, lipi, at propesyon. Halimbawa, ang pag-inom ng alak ay hindi maituturing na eskandalo, maliban na lamang kung matapos kang uminom ay magwala ka sa bar, manapak ng di-kakilala, o mantsansing sa sinumang babaeng mapadaan para pag-usapan ng buong bayan. Sa ganitong lagay, ang propesyon o kapisanan ng tao na naghasik ng eskandalo ay nadadawit, lalo kung siya ay doktor, pulis, guro, at pari na pawang inaasahang may pamantayang moral bilang propesyonal. At yamang nadadawit ang kapisanan na kinabibilangan ng eskandalosong tao, ang kapisanang ito ay may karapatang patalsikin ang sinumang kasapi na lumabag sa itinakdang panuntunan para sa buong kasapian.

May kaugnayan sa hukuman ang ikaanim na pakahulugan ng eskandalo. Ito ay ang “pagsasabi ng walang kaugnayang bagay sa paglilitis o pagdinig at humahangga sa paninirang puri.” Halimbawa, may publikong pagdinig sa hukuman, at nagkataong ang isang tao na hiningan ng paliwanag ay nagsabi ng kung ano-anong kabulaanan para siraan ang isang babae, samantalang ipinagtatanggol ang sarili. Ito ang eskandalo, at dapat patawan ng karampatang parusa upang maibalik ang dignidad ng siniraang tao.

Ang mga pakahulugang binanggit dito na hinango sa diksiyonaryo sa Ingles ay malaki ang kaugnayan sa relihiyon, ngunit lumawak nang lumawak ang mga pahiwatig, at ngayon ang “eskandalo” ay halos itumbas sa “kahihiyan,” “kabastusan,” “pagtatalik,” at “kalibugan.” Ang larawan ng “balakid sa daan” ang matalinghagang panumbas sa kabiguan ng isang tao na makamit ang marahil ay pinakamabuti sa kaniyang panig. Ang eskandalo ay nagiging “patibong” na iniuumang sa isang tao upang mabihag siya ng matalinghagang kasalanan na nasa katauhan ng demonyo. Ang kakatwa’y sa panahong ito, ang demonyo ay maaaring walang sungay at napapakisig o napaaamo ng kosmetiko at propaganda, at ang eskandalo ay nagiging masaganang piging na tila dapat pagsaluhan ng madla.

Sa Filipinas, ang eskandalo ay kaugnay ng puri o dangal. Ang puri o dangal ay higit sa pagkabirhen sa sex, o sa kulay ng balát, o sa propesyon, at may kaugnayan sa kataasan ng kalooban. Ito ang idinidikdik ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang puri ay umuugnay sa kalooban ng tao, sa pagpapahalaga at paggalang sa kaniya, at kung minsan ay ikinakabit sa pinakamatimyas o pinakadakilang katangiang pinapangarap na makamit ng karaniwang tao upang mapanatili ang ginhawa. Ang puri ay nakasalalay sa pananaw at pagpapahalaga ng malalapit na tao kompara sa “ibang tao.” Nasisira ang puri o dangal dahil sa matatabil na dila na nagpapakalat ng paratang, bintang, o anumang kaugnay na bagay na maaaring nilululon nang buong-buo ng madla. At kapag nawalan ng puri ang tao, wala na rin siyang mukha na maihaharap sa publiko. Ang “mukha” na ito ay hindi lamang panlabas na anyo, bagkus ang buong tiwala sa katauhang ipinamamalas sa pakikipagkapuwa.

Nagiging makapangyarihan ang eskandalo alinsunod sa pagsagap ng madla sa anumang tsismis, balita, at propaganda, lalo’t susuhayan ng video o retrato. Nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa mga promotor at tagapagpalaganap ng mga pangyayari at pagpapakahulugang ipinalulunok sa madla nang maitanghal ang “katanggap-tanggap” o “kasuklam-suklam.” At nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa pagpapakitid sa pananaw o kaalaman na siyang ibig lamang iparating sa lahat para pumabor sa isang panig. Ang “puri” o “dangal” ng tao na idinawit sa eskandalo ay mahihinuhang laging nasa bingit ng pagtanggap ng lipunan, dahil ang lipunang ito ay nagtatakda ng kaayusan para mapanatili ang kapanatagan, katarungan, at kabutihan ng mga mamamayan. Kapag ang konsepto ng “puri” o “dangal” ay mananatiling sinauna at bansot—na laging ang kaligtasan ay nasa katanggap-tanggap na pakikipagtalik, kung hindi man sa lamad sa pagitan ng mga hita— alinsunod sa itinatakda ng relihiyon o pananalig, ang eskandalo ay maaasahang laging mananaig.

Lunan at ang Paglalarawan ng Tagpo

Maselang gawain ang paglalarawan ng mga tagpo, lalo kung ang mga tagpo ay nagpapahiwatig ng kung anong damdamin o kaisipan mula sa isang tiyak na persona. Ang tagpo ay maituturing na ekstensiyon ng persona, bagaman ang tagpo kung minsan ay maaaring taliwas sa ipinahihiwatig ng isip, loob, at kilos ng persona. Ang tagpong tinutukoy dito ay hindi lamang ang lunan sa tula, bagkus sumasaklaw din sa kalooban o isipan ng persona hinggil sa espasyo at panahon na kaniyang ginagalawan.

Hinihingi ng pagtula ang masinop na pagpili ng detalye, at ang mga detalyeng ito—gamitan man ng mga ordinaryong salita at imahen—ay nakapag-iiwan ng bakas sa guniguni ng mambabasa. Heto ang isang halimbawa ng paglalarawan na mula kay Porferio Requinto sa kaniyang tulang “Apat na Alimpungat”:

Apat na Alimpungat
ni Porferio Requinto

I.
Pulang langit sa asul na karagatan.
Humahapon sa atin ang araw.

II.
Hininga sa hininga.
Halos eternal.
Kasing lalim ng dilim.

III.
Matamang pagbabantay ng buwan.
Habang buhay hinabol ng gabi ang umaga.

IV.
Pila ng mga poste.
Saan sa karimlan patungo ang liwanag?
Magagawa ba nating makabalik?

Mahalagang pansinin ang pamagat ng tula. May apat na alimpungat na nais ipahiwatig ang tula. Ang unang yugto ay kakatwang pag-aagawan ng kulay ng langit (pula) at dagat (asul), samantalang ang pangmaramihang persona ay mahihinuhang sinisigan ng araw. Pambihira ang ganitong tagpo, na waring ang persona ay nasa hanggahan ng panaginip at realidad, at ang araw ay waring sumisiping sa persona para maganap ang di-inaasahang ekstasis ng karimlan. Ang ikalawang yugto naman ay tipid na tipid ang deskripsiyon, na ang paghabol sa hininga ay sinlalim ng dilim. Dito ang lunan ay muling sumasanib sa persona. Pagsapit sa ikatlong yugto, ang alimpungat ay lumihis sa labas ng silid at natuon sa buwan, at sa pagsasadula ng siklo ng pagbabago ng oras. Maaaring ang yugtong ito ay panuhay sa dalawang naunang yugto, bagaman masasabing marupok ang “pagbabantay ng buwan“ na mahihinuhang ang binabantayan ay ang pagtatalik ng persona. Samantala, ang ikaapat na yugto ay nakatuon pa rin sa labas ng katauhan ng persona, at ipinahiwatig ang nakahihindik na tagpo ng karimlan sa personang mahihinuhang kausap ang kaniyang kasintahan o kabiyak.

Mapapansin sa tula ni Requinto na ang “alimpungat“ ay maaaring sipatin bilang magkakabukod na pangyayari ngunit magkakaugnay. Ang inaasahang liwanag na maidudulot ng poste ng koryente sa ikaapat na yugto ay hindi sapat upang punuan ang kahungkagan o kawalang-katiyakan sa sarili ng persona. Ang dalawang magkasunod na retorikang tanong ay mahihinuhang walang sagot, at masasagot lamang ito sa pamamagitan ng pahiwatig ng persona. Ang alimpungat sa tula ay maiisip na biglang pagkatanto sa mga nagawa ng persona, na maaaring tinitingnan ang sex bilang bawal o wala sa panahon. Mahirap arukin ang “pagbabalik“ dahil hindi naman ipinahiwatig sa tula kung saan nagmula ang persona, at mahihinuha lamang na maaaring galing ang persona at ang tiyak nitong kausap malapit sa dalampasigan. Ang tanong na “Saan patungo patungo ang liwanag?“ ay hindi talaga nakatuon sa kalikasan, kundi sa kalooban ng persona. Ang dilim na taglay ng persona ang maaaring nagnanasa ng liwanag, at ang liwanag na ito ay maaaring kaugnay ng sex o kaya’y marubdob na pagmamahal.

Maiiba naman ang rendisyon ni Charles Bonoan Tuvilla sa kaniyang tulang “Sa pananampalataya“:

Sa Pananampalataya
ni Charles Bonoan Tuvilla

Lumabas ka nang kumapal ang pagtitipon. Isa pa,
hindi mo matalikurang narito ang kasalanan,
nag-aanyong paniki, nakasabit patiwarik

sa inyong ulunan. Sinalubong mo ang mga huling
dumating, silang nagpalusong rin
ng daliri sa bukal ngunit ang nasalok ay

alikabok. Miyerkules de senisa. Naghukay ka
ng masisindihan sa iyong bulsa; hindi mo
mabugaw ang itim sa iyong lalamunan.

Nang nakita mong may namahingang
kulisap sa bukas na palad ng isang rebulto, tila
hinihintay mo itong ikulong, tirisin ng poong-

bato; na ito’y magkuyom-kamao. Tumalikod ka
at sumabay sa mga pupungas-pungas
na mga anino subalit ikaw lang ang yumuyuko,

ikaw na may malinis na noo.

Sa tulang ito, ang tagpo sa loob ng simbahan ay maglalaro sa guniguni ng personang nasa ikatlong panauhan. Masasabing omnisyente ang nagsasalita sa tula, at sa kaniyang pananaw ay ilalarawan ang madulaing tagpo sa loob ng simbahan at ang paglalarawan sa mga deboto, na pawang minamasid din ng persona. Ang panahon ay Miyerkules de senisa, nag-uunahan ang mga tao sa pagtitika, samantalang ang persona ay naisip na ang kasalanan ay nasa loob ng simbahan o nasa hanay ng mga mananampalataya. Ang kasalanan ay iwinangis sa paniki, na ang nakatiwarik na anyo ay maaaring pahiwatig ng pagtulog o kaya’y pagmamasid nang pabaligtad sa daigdig. Ang persona ay maaaring sipatin na ibig manigarilyo at pawiin ang paninikip ng lalamunan, o kaya’y nais magsindi ng kandila para isagawa ang kaugalian. Susuhayan ang ganitong hulagway ng kulisap sa palad ng rebulto, ngunit ang gayong tagpo ay tutumbasan ng pahiwatig ng poot imbes na pagkalinga. Mahihinuha ang pagtanggi ng persona na magpalagay ng krus na abo sa noo, at ang gayong gawi ay doble-talim: una, pagsalungat sa mga debotong nagpapakrus sa noo ngunit mapagbalatkayo; at ikalawa, pagtatanghal ng kalinisan ng budhi nang salungat sa itinatadhana ng tradisyon ng Kristiyanismo.

Malikot ang imahinasyon ng tula. Ang persona ay tumitingkad sa pagpasok sa loob ng simbahan, sa pagmamasid sa mga deboto at rebulto, sa pagtingala sa bobeda, at paglabas pasalungat sa agos ng mga tao. Banayad ang pahiwatig ng paghihimagsik (i.e., pagtalikod ng persona), dahil maaaring may pambihirang sensibilidad ang persona para mabatid na nasa simbahan ang kasalanan, at ang kasalanang ito ay maaaring pagsasadula ng paglilitis, pagpapahirap, at pagpapako kay Hesus (tao) bago naging Kristo (tagapagligtas). Paanong nabatid ng persona na nasa loob ng simbahan ang kasalanan? Ang gayong kabatiran ay maaaring hitik sa prehuwisyo o kaya’y ganap na pagkatanto sa mga pangyayari, at posibleng siya ay isa ring matapat na alagad ng simbahan. Maaaring ang persona ay isa ring Kristo, ngunit hindi niya ililigtas ang mga deboto. Lalabas siya ng simbahan bilang pagtutol sa balighong kalakaran. Tiyak na tiyak niya na ang kaligtasan ay nasa loob ng sarili imbes na umasa sa pangako ng di-tiyak na kalangitan, ngunit walang makapapansin sa kaniya kundi ang omnisyenteng tapaglahad sa tula.

Ang paglalarawan ng tagpo ay hindi lamang pagkatalogo ng mga sunod-sunod na pangyayari. Ang paglalarawan ng tagpo ay hindi pagtitipid ng mga salita para ipaubaya sa mga mambabasa ang anumang pagbasa sa akda. Ang paglalarawan ng tagpo ay lalong hindi paglulubid ng mga salita nang walang direksiyon. Ito ay may kaugnayan din sa komplementaryong ugnayan ng pook, espasyo, at panahon na pawang ginagalawan ng persona, at nagtatakda kung paano palilitawin ang damdamin o kaisipang nais ipahatid ng persona ng tula. Ang lunan, kapag iniangkop sa persona, ay lumalabas sa malamig nitong lagay, nagkakaroon ng kulay, at nagpapatindi sa anumang pahiwatig na ibig iparating ng tula.

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.

The Joke

Isang uri ng sining ang pagpapatawa, at ang pagpapatawa ay maaaring isang anyo ng pang-uuyam, panlilibak, pagkutya, at pagtuligsa sa pinatutungkulan. Tumatalab ang pagpapatawa dahil maaaring ang mga ginagamit na salita, sagisag, kilos, at pagpapahiwatig ay batid ng kapuwa nagpapatawa at ng mga tao na nakikinig at nonoood o nagbabasa. Kinakasangkapan ng pagpapatawa ang taktika ng pagbanda, kung hihiramin ang termino sa bilyar, at humahamon sa guniguni at isip ng mga sumasagap nito. Ang ligoy ang nagpapagaan ng banat na taglay ng biro, na isinasakatawan ng kawikaang, “Hinampas ang kalabaw, sa kabayo ang latay.”

Isang mababaw na uri ng pagpapatawa ang karaniwang paggagad lamang sa isang bagay, at ito ang malimit mapanood sa telebisyon at kasangkapanin ni Michael V. at kapanalig. Halimbawa, ang anunsiyo ng isang produktong sabon ay binabago ang pangalan at pag-arte ng mga tauhan, na lalahukan ng mga salitaang bakla o kung anong kabalbalan. Sa ganitong paraan, tinatangka ng nagpapatawa na kilitiin ang manonood tungo sa isang bagay o kabatiran na alam na niya ngunit inuulit lamang na parang sirang plaka. Paraan ito ng pagpapamalay na de-kahon, habang nagkukubli ng promosyon ng produkto, at humahangga ang pahiwatig tungo sa kubeta.

May pagpapatawa na layong manlibak, mangutya, at manuligsa, at ang nagpapatawa ay lumulugar sa posisyong nasa mababa upang yanigin ang poder ng makapangyarihan. Maihahalimbawa rito ang mga patawa ni Pilandok hinggil sa datu, o ang iba pang kuwentong kutsero, na humahatak para gisingin ang mga mambabasa mula sa kapanatagan at tahimik na pagtanggap. Ngunit may mga patawa na nasa posisyong pumapabor sa nakatataas laban sa pinaghanguan ng patawa o biro upang gawing lehitimo ang ugnayan ng mga kapangyarihan. Sa ganitong laro ng kapangyarihan, ang mga pinatutungkulan ng biro ay mababang uri na maaaring sipatin nang mapanlahat at mapansaklaw, kahit na ang biro ay walang katotohanan alinsunod sa lohika. Isang halimbawa ang biro ni Alec Baldwin hinggil sa Filipina Mail Order Bride doon sa palabas ni David Letterman.

Tinitingki ni Baldwin ang isang katotohanan sa lipunang Filipino, at ito ay may kaugnayan sa mga Filipina na nakikipagsapalaran sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan upang pagkaraan ay maganap ang kasalan, o kung hindi man, ay relasyong seksuwal. Pinalilitaw ng gayong sistema ang Filipina bilang kasangkasapan at produkto na maaaring tumbasan ng salapi at gamitin ng kung sinong masalapi o makapangyarihan. Bagaman makatotohanan nang bahagya ang biro ni Baldwin, tumitindi iyon dahil sa relasyon ng mga kapangyarihan, at ang imahen ng Filipina ay inilalagay sa isang kahon na para bang ang lahat ng Filipina ay produkto na magagamit ng mga Amerikano, kumikilos na parang robotikong nilalang, at handang magpakantot anumang oras para pagparausan ng libog o sama ng loob.

Ang pananaw ni Baldwin ay hindi nalalayo sa iba pang nasyonalidad na inaakala na gayon kadaling makakuha ng asawang Filipina. Isang order lamang, at presto, maihahatid na sa iyong tahanan ang babae. Nagkakaroon ng lakas ng loob ang gaya ni Baldwin na magpatutsada sa mga Filipina dahil ang pagpapakilala at pagpapahalaga hinggil sa babae at sex ay hinihigit at ginagawang lehitimo ng makabagong midya, gaya ng internet, bukod sa mga pahayagan, magasin, aklat, at iba pang babasahin. Ang pananaw ay nagmumula sa mga dayuhan batay sa mga hinuha o maling akala, at pinalulusot ng ating pamahalaan at iba pang sangay ng lipunan, kaya nagmumukhang ordinaryo na lamang ang gayong pangyayari. Ang pag-uulit-ulit ng mga baluktot na kuwento at propaganda hinggil sa Filipina ay nagiging totoo o katanggap-tanggap habang tumatagal, sa bisa ng makapangyarihang meme.

Masakit man ang patutsada ay hindi lamang dapat mauwi sa mapanuligsang tugon at protesta ang lahat upang yanigin sina Baldwin at Letterman, sampu ng kanilang manonood. Kailangan nating tingnan bilang mga Filipino ang ating mga sarili, palawakin ang tanaw, magsumikap na lumikha araw-araw ng mga bagay na makapagpapabago ng larawan ng ating pagkamamamayan, pagkalahi, at pagkabansa. Nananatiling mababa ang pagtanaw sa mga Filipino dahil nananatiling nakapailalim ang iba pang maririkit at matatayog na katangian ng mga Filipino at iyon ang dapat matuklasan muli ng daigdig. Ang kinakailangan lamang ay ibunyag ang mga katangiang ito na bumubuo sa kolektibong pagtanaw ng kabayanihang mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan—na maaaring simulan nating mga Filipino sa samot-saring paraan o anggulo, gaya lamang ng pagsulat sa blog na ito.

Ang Mananayaw

Lingid sa kaalaman ng marami, ang salitang “búgaw” na katumbas ng “pimp” sa Ingles ay isang matandang salita sa Tagalog. Karaniwang ginagamit ito bilang panukoy sa pagtataboy ng mga ibon o hayop o tao palayo sa isang pook na pinagkukulumpunan nito. Sa pabalbal na paraan, ang “bugaw” ay hindi nagiging tagapagtaboy, bagkus mistulang tagapamagitan sa dalawa o mahigit pang tao upang magkaniig sila. Mahihinuha sa ganitong aksiyon na ang pagbubugaw ay patalinghagang paraan ng “pagbubulid sa kasamaan” at ang tao na ibinubugaw ay nalilihis ng landas tungo sa “pugad ng kaginhawahan” na sumasagisag sa pamilya.

Mahalaga ang ginagampanang papel ng bugaw dahil ito ang humahanap ng kostumer para sa sinumang puta, anuman ang kasarian nito. Bugaw din ang nagsasara ng transaksiyon sa panig ng kostumer at puta, at kumakatawan sa puta sa pakikipagnegosasyon hinggil sa upa sa serbisyong seksuwal. Ngunit bugaw din ang malimit gumagatas sa kapuwa parokyano at puta, kaya ang naging taguri sa kaniya noon sa Tagalog ay “linta” na hindi lamang sumisipsip ng dugo bagkus sumisigid pa hanggang buto at loob.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

Matutunghayan ang konsepto ng “bugaw,” “puta,” “linta,” “baylarina,” at “kalapati” sa mala-nobelang Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario. Ang nasabing katha ay itinuturing na panganay na proyekto ng Aklatang Bayan na noon ay pinakamalaking samahan ng mga manunulat na Tagalog, at suportado nina Faustino Aguilar at Carlos Ronquillo. Maituturing na proyektong eksperimental tungo sa nobela ang katha ni Almario, at ito ay may kaugnayan sa paglilinang ng mga uri ng prosa, habang sinisikap na payabungin ang Tagalog bilang isa sa mga wika ng panitikan ng madla. Ani awtor sa pambungad ng aklat:

Sa gitnâ ng masinsíng úlap na sa kasalukuya’y bumábalot sa maunós na langit ng Lahíng Tagalog, ang Aklatang Bayan ay lumabás.

Layon? Iisáng-iisá: makipamuhay, ibig sabihi’y makilaban pagkât ang pakikipamuhay ay isáng ganáp na pakikitunggalí, isáng lubós at walâng humpáy na pakikibaka.

At makikibaka kamí laban sa masasamâng hilig, mga ugali’t paniwalà, magíng tungkól sa polítika, magíng sa relihiyón at gayón sa karaniwang pamumúhay; yamang ang mga bagay na itó’y siyáng mga haliging dapat kásaligan ng alín mang bayan: tatlóng lakás na siyáng bumúbuó ng káluluwá ng alín mang lahì. (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Payak lamang ang istorya ng Ang Mananayaw. Ipinakilala sa simula ng salaysay ang tatlong tauhang sina Pati, Sawi, at Tamad. Si Pati ay isang marikit na mananayaw sa salon, si Sawi ay estudyanteng mayaman ngunit muslak na mula sa lalawigan, at si Tamad ay lumaking ulila at hampas-lupa hanggang maging batikang bugaw ng mga mananayaw o puta. Nagkutsaba sina Pati at Tamad kung paano mabibihag si Sawi, at mahuhuthutan ng salapi. Naging tulay si Tamad upang mapalapit si Sawi kay Pati, at si Pati naman ay ginamit ang sining ng pang-aakit at panlilinlang upang mahulog ang loob ng kabataan. Nalibugan si Sawi sa kagandahan ni Pati, hanggang makipagtalik nang paulit-ulit subalit ang kapalit ay salapi. Naubos ang yaman ng kabataan, naisanla kung hindi man ipinagbili ang mga gamit, nalubog sa utang, itinakwil ng mga magulang, hanggang layuan ng matatalik na kaibigan. Huli na nang matuklasan ni Sawi ang pakana nina Pati at Tamad, at kung hindi pa nahuli niya sa aktong nagtatalik ang dalawa ay baka tuluyang masiraan ng bait si Sawi. Halos patayin sa sakal ni Sawi sina Pati at Tamad, at sa labis na poot ay sinurot ang babae. Subalit matalinghaga ang sagot ni Pati, at ito ang magpapabago ng timbangan ng halagahan sa lipunan:

At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ’t sa isáng pag-lalahò ng isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulóng-gulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:

“Walâ kang sala, ang sabi mo?”

“Walâ, walâng walâ.”

“At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlungi?”

Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót. “Pagkât alám mo nang akó’y MÁNANAYAW….” (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Ang tindig ni Pati, na pinaikling “kalapating mababa ang lipad,” ay gumaganti ng sampal sa kabataang si Sawi. Para kay Pati, batid ni Sawi ang propesyon niya bilang mananayaw; at bilang mananayaw ay maaasahan ang pagbibili ng aliw o katawan katumbas ng salapi. Iba ang pagpapahalaga ng dalaga sa “puri” na noon ay ikinakabit sa “virginity” at “honor.” Samantala, napakamuslak [naive] ni Sawi at ang gayong katangian ay maaaring sanhi ng malayaw na pamumuhay na ipinatamasa sa kaniya ng kaniyang mayayamang magulang. Para kay Sawi, ang “puri” ay napakahalaga sa babae, at ito ang ilalaban nang patayan ng lalaki sa oras na siya’y pagtangkaang lapastanganin o gahasain.

Ang sinaunang pananaw ni Sawi hinggil sa puri ang magpapabigat din sa kaniya sa dulo ng salaysay. Mawawalan ng puri si Sawi dahil sa labis na pagkakalulong sa sex, sayawan, alak, at layaw. Ang pagkapalungi ni Sawi ang simula ng pagkakatuklas muli ng karunungan, bagaman maaaring huli na ang lahat. Walang makaaalam kung ano ang sasapitin niya sa buhay, at maipapahiwatig lamang ng kaniyang labis na pagkapoot at pagkasuklam sa babaeng dati niyang minamahal ang madiling na wakas.

Mahalagang papel din ang ginampanan ni Tamad, dahil ang kaniyang kasamaan ay magpapamalas ng mga baluktot na pagpapasiya ni Sawi. Gaano man kasamâ si Tamad, ito ay dahil wala siyang magulang, anak, kapatid, kamag-anak, at nahubog ang kaniyang pagkatao sa mga pook na gaya ng bilyaran, sabungan, pangginggihan, bahay-sayawan, at iba pang aliwan. Ang pagsandig ni Tamad sa salapi ay pailalim na pagsurot sa balighong lipunan, na salát sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang paggatas ni Tamad kay Sawi ay masisipat kung gayon na isang paraan ng pagbawi ng yaman o dangal, bagaman yaon ay maituturing na marumi o sungayan.

May babala ang kathang “Ang Mananayaw” ni Rosauro Almario para sa mga kabataan. At ito ay ang pag-iingat na mabitag sa pain ng mga bugaw at puta, at ang pagpapahalaga sa pagkakamit ng edukasyon. Ang edukasyon ni Sawi ay pambihirang edukasyon mula sa unibersidad ng lansangan—na ang mga propesor ay puta at bugaw. Kailangan ni Sawi ang matinding pagbabago ng katauhan upang maibalik ang kaniyang nadungisang dangal, na magsisimula sa pagtalikod sa layaw na ipinalasap nina Pati at Tamad o ng mayayamang magulang, at pagharap sa pagbabanat ng buto, gaya ng isinasaad ng Katipunan nina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio.

Sanggunian:

Almario, Rosauro. Ang Mananayaw.  Santa Cruz, Maynila: Limbagan at Litograpía ni Juan Fajardo, 1910.

Si Juan Masili at ang Anyo ng Mala-Nobelang Tagalog

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mahabang kuwentong matataguriang mala-nobela ang akdang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan (1906, Luzonica Libreria) ni Patricio Mariano. Masasabi ito kung ang gagamiting pamantayan ay ang mahabang tradisyon ng pagsulat ng nobela sa Ewropa. Mura pa ang edad ng pagsulat ng nobela sa Tagalog noong bungad ng siglo 20, at ang mga manunulat ay nasa yugto ng pangangapa. Ang totoo’y malabo pa noon ang pagkilala sa nobela bilang isang uri ng prosa, kaya ang ibang akdang tinatakang nobelang Tagalog ay nasa anyong patula na mahihinuhang naanggihan ng impluwensiya ng awit at korido.

Isa sa mga katangian ng mala-nobelang Tagalog ay ang paggagad sa kasaysayan, bagaman ang kasaysayang ito ay maaaring pinanghihimasukan ng guniguni. Sa paggagad sa kasaysayan, ang mga tauhan ay nailalarawan nang tila kontemporaneo sa isang takdang panahon, at ang awtor ay kalahok sa pagsasalaysay upang ang komunikasyon ay maging matalik pagsapit sa mga mambabasa. Ang ganitong teknik ay pagtataasan ng kilay sa Ewropa o Estados Unidos, ngunit noon ay mahalaga ito sa Filipinas dahil ang awtor at ang mga mambabasa ay waring nag-uusap lamang sa pantay na paraan. Napapalapit sa mga mambabasa ang akda dahil ang pagsasalaysay ay waring lumilingon sa paglalahad ng mga epikong bayan at sinaunang dula, upang lumitaw na maging kapani-paniwala. Samantala, ang sinasabing kasaysayan dito ay higit na makiling sa kasaysayang pabigkas (na gaya ng epikong bayan) kaysa kasaysayang pasulat (na gaya ng kronika). Nailalantad ng gayong kasaysayan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang personalidad, at ang tao na ito ay maaaring wala sa poder ng pamahalaan bagkus nasa hanay ng mga karaniwang mamamayan.

Maaaring hango sa mga balita o maalamat na pakikipagsapalaran ang buhay ng pangunahing bida, at ang bidang ito ay lilihis sa nakagawiang katangian ng hari at reyna o prinsipe at prinsesa sa kung saang kaharian. Ang bida ay karaniwang tao na nasusugatan at nasasaktan, at kung may kapangyarihan man siya ay maaaring sanhi ng pangyayaring napasapi siya sa isang kilusan o pangkat na magbibigay ng lakas sa kaniya upang gampanan ang mabigat na tungkulin. Ang banghay ng salaysay ay maaaring dumako sa tunggalian ng mga uri, lahi, kasarian, at paniniwala ngunit hindi magiging sentro ang tunggalian bagkus ang paghuhunos ng kalooban ng mga tauhan. Ang ganitong tunggalian ay nagtatangkang isiwalat ang kasamaang dulot ng pagbabalatkayo, at ang wakas ng salaysay ay nagsasaad ng resolusyon hinggil sa maaaring maging tadhana ng mga magkatunggaling panig.

Maihahalimbawa ang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan ni Mariano. Sa akdang ito, isiniwalat ang buhay ng tulisang nagkukubli sa pangalang “Juan Masili” na kilabot noon sa bayan ng Morong (na ngayon ay kabilang sa lalawigan ng Rizal). Binuksan ang salaysay sa paglalarawan kay Juan Masili na lumunsad sa kabayo at sinalubong ng bati ni Pating. Nag-usap ang dalawa hinggil sa kanilang bihag, at sinabihan ni Juan Masili ang kasama na ingatan ang kanilang bihag. Napadako ang usapan hinggil sa masaklap na buhay ni Juan Masili at ikinuwento niya kung bakit siya napalulong sa buhay na maligalig.

Mula sa dukhang pamilya si Juan Masili, at noong dose anyos siya ay ginahasa ang kaniyang inang si Mencia na nagsadya kay Kapitan Tiago. Nagkasakit si Pitong na ama ni Juan at inutusan ang kaniyang esposa na kunin ang bayad sa utang na dalawampung kabang palay kay Kapitan Tiago. Ngunit imbes na magbayad ay niyurakan pa ang dangal ng babae. Umuwing sugatan si Mencia, at matapos magsumbong kay Pitong ay namatay. Nagngitngit ang ama ni Juan at tinangkang itakin ang salarin, ngunit nahuli at siya pa ang ipinakulong at pinahirapan. Nakita ni Juan Masili ang lugaming katawan ng ama, dahil ikinalaboso din ang naturang bata dahil sa paratang na anak siya ng mga manloloob.

Nakalaya lamang si Juan Masili makaraang tumanggap ng ilang latay mula sa mga guwardiya sibil at ilibing ang kaniyang ama. Lalayas na sana siya sa kung saan nang makilala niya ang tao na nagpalibing sa kaniyang ina. Inampon si Juan Masili at pinag-aral kasama ang anak ng mayaman doon sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Lilipas pa ang pitong taon at magbabago ng anyo si Juan Masili hanggang makatagpo niya sa isang pagtitipon ang mag-amang Kapitang Tiago. Naungkat ang nakaraan at matapos ang mainit na pagtatalo ay tinaga ng sundang ni Juan ang mag-ama. Tumakas si Juan Masili tungo sa Novaliches at di-naglaon ay sumapi sa mga tulisan. Naging pinuno ng tulisan si Juan Masili nang yumao si Kapitan Tankad.

Hindi karaniwang tulisan si Juan Masili dahil mangulimbat man siya ng yaman mula sa mga masalapi ay ipinamamahagi yaon sa mga dukha. Ngunit higit pa rito, binibihag niya ang mga babaeng sapilitang ipinakakasal ng kanilang mga magulang sa kung sino-sinong lalaking maykaya. Ngunit hindi pinagsasamantalahan ang mga babae bagkus ay pinalalaya pa mula sa kaayusang patriyakal ng lipunan. Ginagawa umano ito ni Juan Masili upang ipadama sa mayayaman ang kanilang pagkakamali at nang ganap na masindak:

“Ay …matanda kong Pating! Nalalaman mo baga kung bakit ako nambibihag ng mga binibining anak ng mayayaman? Upang malasap ng mayayamang iyan ang pait ng magdamdam nang dahil sa kapurihan. Lahat ng makaalam ng pagkabihag sa isang binibini’y magsasapantaha na hindi na dapat asahang mauuwi na taglay ang linis na dating kipkip, kahit tunay na alam mong kung sakali’t may dalagang nagluwat nang apat na araw sa ating yungib ay hindi dahil sa ating pinipiit o dahil sa ikinahihiya niya ang mabalik sa sariling tahanan, sapagkat wala na ang kaniyang kalinisan, kundi dahil sa talagang nasa lamang ng may katawan ang lumagi pa nang isang araw sa ating tahanan.” (Binago ang ortograpiya para sa modernong mambabasa.)

Pinakasukdulan ng salaysay ang pagdakip kay Benita na napipintong ikasal kay Kapitan Ape. Hindi mahal ni Benita si Kapitan Ape, bagkus si Enrique. Sinunog ng mga tulisan ang bahay ng kapitan, itinakas si Benita, dinala sa yungib ng San Mateo, at doon niya natagpuan si Enrique na bihag rin. Kapuwa wala nang pag-asang magkakabalikan pa ang magkasintahan, kung hindi dahil kay Juan Masili. Iyon pala’y si Enrique ang anak ng mayamang umampon kay Juan Masili noon at naging matalik niyang kaibigan. Lumipas ang dalawang buwan at ikinasal ang magkasintahan, at naging ninong pa si Pedro Gatmaitan na tunay na pangalan ni Juan Masili.

Masasabing dramatiko ang daloy ng kuwento dahil ang magkasintahang Benita at Enrique ay kapuwa walang lakas na lutasin ang kanilang kapalaran hinggil sa sapilitang pagpapakasal na utos ng magulang. Si Juan Masili ang puwersang wala sa kumbensiyonal na ekwasyon, at ang pagpapakilala sa kaniya ay pagpapahiwatig ng pagtatakwil sa sinaunang kaugaliang pagpapakasal na nagsasaalang-alang lamang sa antas ng kabuhayan imbes na sa tunay na itinitibok ng kalooban. Ang imahen ni Juan Masili bilang tulisan ay taliwas sa itinatakda ng maykaya at makapangyarihan, at ang panunulisan ay higit sa pangungulimbat ng salapi at pamimihag ng babae, bagkus umuugnay sa pagpapakalat ng yaman at pagpapanumbalik ng puri o dangal ng babae.

Mahalaga ang puri ng babae sa akda ni Mariano. Ang puri ay mahihinuhang lumilingon sa konsepto ng puri ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at ang babae ay nakakargahan ng iba pang pahiwatig gaya ng Inang Bayan. Ang pagdakip sa babae mula sa mga kamay ng tiwaling maykaya’t makapangyarihan ay mahihiwatigang simula ng pag-angkin muli ng pag-asa at ginhawa sa panig ng kasintahang lalaki. Mahalaga ang “pag-asa” at “ginhawa” dahil ang mga ito ang sangkap upang ganap na makamit ang sukdulang pag-ibig na sumasaklaw sa buong lipunan, gaya ng pakahulugan nina Bonifacio at Jacinto. Ang kasintahang lalaki ay masisipat dito na sumasagisag sa mga anak ng bayan na nagmimithi ng kalayaan, at ang pag-ibig ng lalaki-babae ay hindi lamang nasa antas na pisikal bagkus ideolohiko at espiritwal.

Kapansin-pansin din ang wakas ng katha ni Mariano dahil si Juan Masili ay ibinunyag na si Pedro Gatmaitan na tanyag noong makata at awtor ng koleksiyong Tungkos ng Alaala (1913). Maaaring ang pagkasangkapan sa pangalan ni Pedro Gatmaitan ay isang paraan ng pagpapakilala kay Gatmaitan bilang makata at manunulat, ngunit masasabi ring malikhaing gawi iyon ng awtor dahil ang Pedro Gatmaitan na tinutukoy ay naglaho nang sumiklab ang digmaan sa Kabite noong 1892 ayon sa pagwawakas ng akda.

Magaan basahin ang katha ni Patricio Mariano tawagin man iyong “mala-nobela,” “nobeleta,” at “mahabang kuwento.” Wala sa taguri ang susi sa pag-unawa sa katha ni Mariano bagkus nasa pag-alam sa mga dalumat na isinaad sa salaysay mulang detalye sa kasaysayan hanggang pagpapangalan ng tauhan hanggang gusot at kalutasan ng mga pangyayari. Ang mga makasaysayang pook gaya ng Morong, Yungib Pamitinan, at Novaliches ay nagkakaroon ng ibang gulugod kapag pinanghimasukan ng guniguni, gayundin sa pagpapakilala sa mga tauhang gaya ni Juan Masili, Kapitan Tiago, Benita, Enrique, at Pating. Samantala, ang awtor bilang tagapagsalaysay ay gumaganap ng papel bilang tagapamagitan mulang akda tungong mga mambabasa at siyang nagpapakilala sa konsepto ng “tulisan,”  upang ang kathang-isip ay pumiglas at ganap na maging makatotohanan sa isip o puso ng madla.

Sanggunian:

Mariano, Patricio. Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan. Santa Cruz, Maynila: Luzonica Libreria, 1906.

Panahon ng Pasadya

Maskara (2009), kuha ni Beth Añonuevo.

Maskara (2009), kuha ni Beth Añonuevo.

Maramihang produksiyon ang tatak ng kasalukuyang panahon, at ito ay umaayon sa tagapangalakal imbes na konsumidor. Isinasagawa ang maramihang produksiyon upang mahigit ang tubo sa produkto, mapabilis ang paglikha ng mga bagay, lumikha ng kumbensiyon o uso, magtaguyod ng pabrikang may monopolyo ng disenyo at tatak, magtatag ng malawakang kaayusan, at magpalaganap ng isahang panlasa at pananaw. Maramihang produksiyon ang isa ring ikinakatwiran ng mga negosyante upang mapababa umano ang presyo ng kalakal, halimbawa na ang aklat, damit, prutas, at sapatos. Bukod dito ay napagagaan ang pagtuturo ng paggamit ng kasangkapan o aparato, halimbawa na sa pagpapakilala ng bagong kompiyuter, selfon, kotse, at lutuan.

Sa maramihang produksiyon, kontrolado ang disenyo at nilalaman ng produkto para sa malaking bahagi ng populasyon, at anuman ang mga ito ay alinsunod sa pakana ng mayhawak ng makinarya ng paggawa. Nagiging malaking negosyo ang maramihang produksiyon, ngunit nakapagbubunga rin ito ng nakababatong kumbensiyon, kalakaran, at kaisipang de-kahon. Pumapabor ang maramihang produksiyon sa panig ng malalaking negosyo, at ang paglikha ng produkto ay lumalayo sa pangangailangan ng mga tao at pook samantalang pumapanig sa lubos na pagtubo ng negosyo. Nagbubunga ng reaksiyon ang maramihang produksiyon, at isa rito ang penomenon ng “pasadya” o “pagpapasadya” [customization].

Umiiral ang pasadya bilang pagbalikwas sa kumbensiyong itinatadhana ng maramihang produksiyon. Sa pagpapasadya, naigigiit ng indibidwal o pangkat ang sarili nitong disenyo at nilalaman ng produkto. Halimbawa na rito ang pagpapasadya ng awto o motorsiklo, na binabago hindi lamang ang gulong o kulay, bagkus maging ang estereo, salamin, ilaw, makina, at kung ano-ano pang bahagi ng sasakyan. Hindi malalayo rito ang pagpapasadya ng pantalon, tisert, o sapatos na pawang iniaangkop sa pangangailangan ng tao na nagsusuot habang isinasaalang-alang ang kaniyang panlasa sa moda, porma, propesyon, at panlabas na anyong ibig ipamalay sa madla. Ang pagpapasadya ay matutunghayan kahit sa paglikha ng blog o pook-sapot, at waring nagpapakilala na natatangi ang mga may-ari niyon bilang manunulat, tagadisenyo, at manlilikha.

Ibinibigay ng pagpapasadya ang anumang nabigong ihain ng maramihang produksiyon. Ang pagpapasadya ay maaaring magtampok ng pagpapasimuno ng kabaguhan o uso, at ang anumang pagbabago sa produkto ay laging humahamon sa orihinal na pagkakabuo ng isang bagay. Halimbawa, ang pagpapasadya ng sapatos ay maaaaring isaalang-alang ang kumbensiyon ng pagsasapin sa paa, ngunit higit pa rito ay nagiging kapaki-pakinabang ito kung umaangkop sa talampakan, sakong, at bukong-bukong upang maisaayos ang anumang pisikal na pinsala sa paa. Ang pagpapasadya ng kompiyuter ay maaaring nagsasaalang-alang sa trabaho ng manunulat, at anumang programang nakalahok doon ay para sa pagpapabilis ng trabaho at pagbubuo ng panibagong disenyo.

Nagiging makapangyarihan ang pagpapasadya dahil kaya nitong uyamin ang malalaking negosyo. Sa pagpapasadya ng sopa, halimbawa, ang upuan ay maaaring malahukan ng malikhaing guniguni ng nagpapagawa, at ang gumagawa ay napipilitang mag-isip at lumikha ng muwebles na lampas sa karaniwan. Naisasaalang-alang ang espasyo ng bahay, ang kulay ng paligid, at ang pangangailangan ng pamilya. Sa larangan ng agrikultura, ang pagpapasadya ng makinaryang pambukid ay naisasaalang-alang ang lupain, ang panahon, ang lakas-paggawa, at ang pagpapalago at pag-aani ng mga pananim. Kahit ang pagpapasadya ng estereo ay kumakasangkapan sa bisa ng pagrereksiklo ng mga piyesa, at sa kombinasyon ng mga luma at bagong bahagi ay mailuluwal ang bagong disenyo.

Ang pagpapasadya ay may kapakinabangan sa kapuwa mayaman o dukha. Ang pagpapasadya ng mayaman para sa kaniyang kagamitan ang magtatakda ng henyo at galing ng nagpapagawa at gumagawa. Ang pagpapasadya ng dukha para sa kaniyang kasangkapan ay nagpapalitaw ng kaniyang talino at kahusayan mulang pagkokomponi hanggang reimbensiyon ng mga produktong dating saklaw lamang ng mga maykaya. At ang pagpapasadya ninuman ay maaaring walang kinalaman sa kaniyang uri o kasarian, ngunit higit na nagpapalutang ng kadalubhasaan sa isang larang, gaya sa sining o inhinyeriya o medisina. Ibig sabihin, ang pagpapasadya ang magtatakda ng hanggahan ng bukod-tangi doon sa hanay ng marami ngunit karaniwan o de-kahon.

Nagiging makapangyarihan ang pagpapasadya, dahil ang tatak ng damit ay hindi na lamang basta may pangalan ng mananahi o tagadisenyo, bagkus umaangkop sa pangangailangan o layaw ng konsumidor. Nagiging makapangyarihan ang pasadyang gitara dahil sa kakaibang tunog bukod sa posibilidad na makapagdaragdag iyon sa imahen o alamat sa gitaristang rakista. Nagiging makapangyarihan ang pagpapasadya dahil naibubunyag niyon ang ginhawa, pakinabang, at kung minsan ay yabang ng may-ari. Ang pagpapasadya ay nakatuon para sa indibidwal, na magtatanghal ng kaniyang kaakuhan, at ang ganitong rebeldeng pagtanaw ay maituturing na pagsalungat sa kumbensiyong itinatadhana ng malalaking negosyo at malawak na lipunan.

Hindi ako magtataka kung sumapit din ang yugtong may pagpapasadya kahit sa panitikan, tagurian man iyong “vanity publishing.” Sa pagpapasadya, ang pabliser ay maaaaring makipagkutsaba sa awtor kung ano ang ibig nilang ilathala. Ang awtor ang malimit nagsasabalikat ng gastusin sa pagpapalimbag, at naililimbag ang mga aklat nang walang pakialam ang pabliser kung kumita man iyon o hindi. Naigigiit ng awtor ang nais niya kahit sa nilalaman o disenyo, ngunit sa ilang pagkakataon ay napalalampas kahit ang kaniyang malikhaing katangahan at pananaw sa katotohanan. Sa ganitong pangyayari, napabibilis ang produksiyon ngunit bumababa ang kalidad ng akda. Kung paano malulutas ang ganitong gusot ang isa pang dapat pag-isipan ng sinumang ibig pumalaot sa paglalathala ng sarili’t pasadyang akda.

Nanay

Magsisilang ka nang taliwas sa nakagawian, at magigitla ang mga saksi sa pagsirit ng dugo mo’t pag-uha ng sanggol. Nakatadhana marahil ang suwerte sa apat na dingding ng silid, waring nagdiwang ang mga anghel sa kung saang lupalop, at ang pintuan ay nagbubunyag ng pambihirang daloy ng simoy at sinag. Ang suwerte ko, wiwikain mo, ngunit higit na masuwerte ang aking panganay.

Mag-aalaga ka ng supling na parang ang gabi’y umaga, at ang umaga’y tanghali, at ang tanghali’y pagnanakaw ng idlip. Wala kang lakas na sobrenatural, ngunit bakit halos wala kang pahinga? Susulyapan mo ang iyong sanggol, na pagkaraan ay magiging malikot na paslit, na gigilas na kabataan. Kukusutin mo ang paningin, at ang kahapon pala ay waring katimbang lamang ng isang saglit.

Kakayod ka sa pabrika o opisina, habang ang isip ay di-makali sa pag-aalala. Maglalakad sa  guniguni ang iyong anak, at ang anak na ito ang pagsisikapan mong bilhan ng pagkain, damit, aklat, at laruan.  Marahil lalayo ang iyong pook ng trabaho, at ang pook na kinalalagyan mo ay hindi na lamang limang kilometro mula sa iyong tahanan kundi limang daang libong kilometro na banyaga sa iyong kinagisnan.

Anuman ang mangyari’y mananatili kang ina, ayon sa kawikaan. Ina ka ng sanlibo’t isang katangian, ina ng maraming lahi o wika, at parang mahabang debosyon ang magiging pagkilala sa iyo. Magiging demonyo ka sa paningin ng esposa ng anak mo, ayon sa kasabihan, hanggang sumapit ang kabatiran sa kaniyang labis ang iyong kadakilaan para magpalaki ng tagapagligtas ng sambayanan.

Walang maitutumbas na kayamanan, o pagpaparangal,  sa iyong pagpapagal. Ano’t anuman, mananatili kang Nanay sa sukdol na pakahulugan, at ito ang mahirap maunawaan kahit na tigulang na ang iyong apo’t panganay.

Ina at Anak, guhit ni Alex Santos

Ina at Anak, guhit ni Alex Uy.

Hunyango sa Bato

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Paglalakbay, pakikikipagsapalaran, at paghuhunos ng inhinyerong nangangarap maging manunulat ang pinapaksa ng Hunyango sa Bato (2004) ni Abdon M. Balde Jr. Maluwag ang sipat ng pangunahing tauhan, at sa kaniyang pananaw ay mauungkat ang mga kontrobersiyal, at malimit maanomalya, na pagawaing-bayan at multi-milyong proyektong pang-inhinyeriya. Kabilang sa binanggit ang pamosong pagguho ng Ruby Tower sa Binondo, ang pagkatibag ng imbakang minahan sa Mindoro, ang kahindik-hindik na pagtatayo ng Film Center, ang pagpapasemento ng mga daan mulang Pampanga at Cotabato hanggang paliparan sa Nepal at Indonesia at iba pang negosasyon sa pagawaing-bayan sa Asya.

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Nagbabago ng kulay ang pangunahing tauhang di-pinangalanan, at ang paghuhunos na ito ay alinsunod sa pakahulugan niya ng paglikha ng balatkayo upang matanaw ang daigdig sa lilim ng karimlan. Matututuhan niya ito bilang tagamasid sa isang matandang malimit sumaksi sa mga kaso sa hukuman doon sa Bikol, at tataglayin hanggang sa pagkuha ng kursong inhinyeriya imbes na panitikan, alinsunod sa dikta ng ama. Gagagarin ng kabataan ang matanda sa mga pagkukuwento nito, at ito ang simula ng pagtatanim ng hilig sa pagsasalaysay na hitik sa siste at detalye, habang ikinukubli ang mga pailalim na puna sa kapuwa at lipunan.

Masisilab ang tauhan nang magsimulang maging inhinyero at kumuha ng proyekto mulang pagtitibag ng bato sa Rizal hanggang pagpapatag ng daan sa Zambales. Ang mga tauhang masasalubong niya ang uugit nang malalim sa kaniyang pagkatao hanggang pumalaot sa pandaigdigang larang.

Habang lumalaon, ang pangunahing tauhan ay kakainin ng sarili niyang anino bilang inhinyero. Malalasap niya ang lahat ng pighati at sarap, at sa pamamagitan ng paggamit ng isa pang tauhang babaeng kausap, ay ilalantad ang kabulukan ng paligid. Ang kabulukang ito ang magsisimulang gumapang sa katauhan ng inhinyero, upang sa bandang huli’y ibunyag sa mga peryodista ang mga lutaang ginagawa sa mga proyektong pagawaing-bayan ng pamahalaan at siyang tinutustusan ng salapi mula sa mga dambuhalang dayuhang institusyon. Ito marahil ang paglilinis ng tauhan, upang hindi kainin nang ganap ng bulok na sistema. Ngunit bitin ang salaysay, at maaaring nakahanda ang nobela para sa kasunod na pakikipagsapalaran.

Ang inhinyerong naging manunulat bilang tagapagsalaysay ay kahanga-hangang bahagi ng nobela. Nagsasalimbay ang mga salaysay na mapagkakamalang kumpisal na nagkukunwang sanaysay, at ang mga nakapahilis na talata ang magbubukod sa isa pang salaysay sa panig ng lalaking tagapagsalaysay na kausap ang mahihinuhang kasintahan o asawa niya. Habang lumalaon, paliit nang paliit ang nagiging puwang ng usapan ng magkabiyak, ngunit ang babae ang magpapagunita sa lalaki sa lunggati nitong maging mahusay na kuwentista.

Ang totoo’y hindi naman isinaad sa nobela kung paano maging mahusay na manunulat. Walang mababanggit sa nobela kung paano nagpakadalubhasa sa sining ang inhinyerong mapangarapin. Ang higit na mahalaga ay ang pagpapamalay na ang kadalubhasaang dapat taglayin ng sinumang manunulat ay nasa masinop na pagmamasid sa kaligiran. Ang anumang nasagap sa daigdig ang magiging mahalagang sangkap ng kuwento at magkakatalo na lamang kung paano isasalaysay ang gayong kalalim na pagmamasid. Ibig sabihin, mananagot ang mangangatha hindi sa katumpakan ng kaniyang datos, kundi kung gaano kahusay niyang napangatawanan ang kaniyang kasiningan sa pagkatha.

Maraming ibinubunyag ang nobelang Hunyango sa Bato, na kahit ngayon ay mainit na tinatalakay sa senado. Posibleng malikhaing tsismis lamang ang alingasngas sa mga pagawaing-bayan, ngunit anuman ito ay matagumpay na nailahok ng awtor sa kaniyang akda.

Ang pangunahing tauhang inhinyero ay masasabing matagumpay na nakapanaig sa kaniyang kaligiran dahil marunong siyang sumabay sa agos, wika nga. Ang pagsabay na ito ay pagkilala sa dambuhalang estruktura o sistema na pinaaandar ng mga tao na kabilang sa mayhawak ng salapi o kapangyarihang siyang kumokontrol sa lipunan. Naging bahagi siya bilang empleado sa gayong sistema, na bumabayad ng salapi upang magamit ang talino at lakas ng mga manggagawa. Maaaring pagkaraan ng ilang taon ay magiging bahagi ng burukrasya ang naturang inhinyero, ngunit hindi niya malalabanan ang sistema alinsunod sa patakaran nito bagkus alinsunod lamang sa abot ng kaniyang kakayahan, katusuhan, at kalakasan. Nakatakdang kainin ng bulok na sistema ang inhinyero, at maaaring ang solusyon upang makaligtas siya sa pagkatiwalag sa lipunan at sarili ay sa paraang lisanin ang kaniyang nakasanayang burges na pamumuhay bilang inhinyero at maghunos sa ganap na mangangatha.

Nakapanghihinayang lamang at maraming nakalusot na tipograpikong mali sa teksto ni Balde. Halatang minadali ang produksiyon ng aklat, at nawa’y maituwid ang mga ito sa susunod na edisyon upang makita nang lubos ang Hunyango sa Bato.