Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

Tinangkilik ng Philippine Daily Inquirer ang krusada ni Antonio Calipjo Go laban sa mga teksbuk na hitik umano sa mga pagkakamali. Na maganda sa isang panig, ngunit kung wawariin nang maigi ay higit na masisipat na pampolitikang hakbang iyon sa larangan ng paglilimbag ng teksbuk kaysa pagpapataas ng kalagayan ng edukasyon sa Filipinas.

Hindi nabibigyan ng sapat na kritika ang mga rebyu ni Go sa naturang mga aklat, at kahit ang PDI ay tila ginagamit na manyika lamang si Go imbes na magsaliksik at sumangguni sa mga eksperto kung gaano katumpak ang mga opinyon ni Go. Nagiging martir tuloy si Go gaya ng dapat asahan, at ito ay isang kalabisan. Ang panibagong mga banat ni Go sa limang teksbuk sa elementarya na inilathala ng PDI noong 2 Hunyo 2009 ay napakababaw at nabigong sipatin ang nilalaman, balangkas, pamamaraan, disenyo, at iba pang kaugnay na bagay na pawang matalik  sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Kahanga-hanga sa unang malas ang paglalahad ni Go ng mga detalye hinggil sa mga mali sa gramatika at palaugnayan ng mga lahok sa limang teksbuk. Gayunman, hindi dapat ganito ang paraan ng pagsusuri ng mga aklat. Ang pagpulot ng mga katiting at paglilista nito ay ikinukubli ang konteksto ng pagkakasulat, ang nilalaman ng akda, ang estilo ng paglalahad o paglalarawan, ang punto de bista ng mga tauhan, ang panahon at espasyo nang likhain ang akda, ang lalim o babaw ng pananaliksik, at iba pa. Makabubuti kung susuriin ni Go ang buong aklat, at isaad kung ano-anong kuwento, tula, sanaysay, dula, balita, talahanayan, larawan, at iba pang aralin ang marapat tanggalin at ibasura nang ganap. Sa ganitong paraan ay mababatid kung saan nagmumula si Go, kung tumpak ang mga lente na ginamit niya sa pag-urirat ng bawat akda, at kung dapat paniwalaan ang kaniyang pinagsasasabi.

Ang pagpulot ni Go ng mga katiting at pagpapamukha niyon sa madla upang hiyain ang mga awtor o pabliser ay isang uri ng kayabangang pangkaisipan na dapat iwaksi, at dapat ituring na maling halimbawa sa mga bata. Maaaring sadyang walang tiwala si Go sa burukrasya at pamahalaan? Ano’t anuman, may mga ahensiyang malalapitan si Go, at ang mga ahensiyang ito ay makatutulong din sa kaniya sa pagtiyak ng kaniyang mga hinuha o opinyon. Ang problema kay Go ay waring siya lamang ang tama sa daigdig, at kapag hindi nasunod ang ibig niya ay ngangawa siyang parang sutil na anghel. Dapat tandaan ni Go na nakapaloob siya sa sistema, at ang sistemang ito ay hindi mababago ng isang tao bagkus ng sari-sari ngunit nagkakaisang mga tao na pawang may malasakit din sa edukasyon. Ang pagsusuri ng mga teksbuk ay dapat ginagamitan ng matibay na batayan at subok na pamantayan, at ang mga batayan o pamantayang ito ay maaaring may kaugnayan sa teorya at praktika ng pagbasa, at hindi sa paraang bara-bara.

Sa susunod na pagrepaso ni Go at paglitis sa mga sangguniang aklat sa elementarya o hay-iskul ay inaasahan ko ang higit na matalas na paraan ng pag-urirat ng mga aklat. Kailangang patunayan ni Go na hindi siya pipitsugin, na malalim ang pagkaunawa niya sa panitikan, wika, kultura, kasaysayan, agham, matematika, at iba pa, yamang iginagalang siyang edukador, tagapangasiwa, manunulat, editor, at pabliser. Halimbawa, maaaring talakayin sa susunod ni Go kung gaano kaepektibo ang isang teksbuk upang mahubog ang pagbabasa, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at pakikisalamuha ng mga bata, at kung paano mapahuhusay ang naturang aklat sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga akdang sinulat ng Filipino at tumatalakay sa usapin ng Filipinas. Maaaring talakayin niya kung lumilihis ang mga layunin at tuon ng bawat aralin o aklat, alinsunod sa itinatakda ng kurikulum. Maaaring ipaliwanag din niya kung saan sumasablay ang serye ng mga tanong sa bawat yugto ng aralin, at kung paano pa mapalilinaw ang mga tanong para madaling maunawaan ng bata. Maaaring ipaliwanag din ni Go ang paghahati-hati at pagkakasunod-sunod ng mga paksa sa aklat, o ang pagkakayari ng buong balangkas ng teksbuk, at kung ano ang dapat unahin at kung ano ang dapat ihuling talakayin. Ang mga sisipiin niya sa bawat teksbuk ay dapat ipaliwanag din ang konteksto at ang pakahulugan o pahiwatig, upang maiwasang malito ang bumabasa sa kaniyang artikulo. Makabubuti kung tatalakayin ni Go ang paghubog sa kasanayan ng mga bata, alinsunod sa nilalaman at saklaw ng mga akda. Kailangang pabulaanan din ni Go ang mga maling impormasyon, halimbawa sa kasaysayan o panitikan, at magsaad ng mga tiyak na tugon at mapagtitiwalaang sanggunian.

Kung mabibigong gawin ito ni Go, mananatili siyang alingawngaw lamang ng pahinagpis na kritika hinggil sa mga teksbuk sa elementarya man o hay-iskul. Hindi sapat ang paglilitanya ng hinagpis. Paglulustay ng papel at laway ang sinauna kung hindi man baryotikong paraan ng komentaryo. Kinakailangang makita rin ng mga guro, magulang, at estudyante ang mga alternatibong pagtutuwid sa mga pagkakamali, gaya halimbawa ng masinop na rebisyon ng mga talata at pagkakasunod-sunod ng diwain sa buong sanaysay, imbes na magtuon sa mga simpleng lihis na gramatika at nawawalang bantas sa isang pangungusap lamang. Ang problema kay Go ay hindi ko pa siya nakikitahan ng malalimang pagsusuri sa mga aklat. Huwag niyang sabihing wala siyang pook na paglalathalaan. Imbes na gamitin niya ang PDI ay maaaring lumikha si Go ng websayt o blog at doon niya ibuhos ang walang pangingimi niyang banat na hitik sa matalim na pag-iisip imbes na pabugso-bugsong damdamin. Makaiiwas din ang PDI na mabatikan ng politika, kung sakali’t magkataong may kapatid itong kompanyang naglalatha rin ng mga teksbuk para sa kapuwa pribado at publikong paaralan.

Mahalaga ang mga teksbuk para sa mga kabataang mag-aaral. Ngunit dapat tandaan ninuman na ang teksbuk ay isa lamang sa maraming tulay ng pagtuturo sa mga bata. Ang pag-aaral ay hindi dapat nakukulong sa teksbuk, dahil hindi maiiwasan ang mali rito yamang napakaatrasado ng sistema ng pagbubuo o paglikha ng mga teksbuk sa Filipinas. Napakaatrasado dahil hangga ngayon ay tinitipid sa atin ang mga manunulat, editor, kritiko, tagapagtasa, ilustrador, potograpo, at tagarepaso, bukod sa napakahina ng produksiyon ng aklat. Ang pagtuturo ay hindi dapat ikahon sa teksbuk, at ang mga bata ay dapat turuan ding lumaya sa teksbuk, at matutong magsaliksik mulang silid-aklatan hanggang pamayanan hanggang cyberspace at kung saan-saan pa.

9 thoughts on “Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

  1. Kadalasan mga mali sa teksbuk yung spelling… Pero minsan tsumatsamba sa mali yung mga general info tulad ng dates ng mga okasyon, historical events, at minsan pati scientific facts may mga errors din. kawawa naman yung mga bata baka madala nila sa paglaki

    Like

  2. ..mahusay ang naging pagsasaliksik sapagkat nabigyang linaw ang mga katanungan ng mga ma-aaral..
    maraming salamat, ng dahil sa pananaliksik na iyon ay naitama ang naging mga pagkakamali sa aklat na iyon.

    Like

  3. Ginoo,

    Eh bakit naman po inaamin tila DEPED na mayroon ngang mga maraming mali ang ni mga textbook na kanilang pinagawa?

    Marahil, kung may mga eksperto na lalabas at sasalungatin ang mga mali na itinukoy ni Ginoong GO, eh marahil ay magkakaroon ng balanse ang pagtingin ng mga tao patungkol sa ating mga aklat. Ngunit tila walang eksperto na lumalabas din sa media, at ito lamang ay nagpapatibay sa kanyang akusasyon na tama siya, lalo na’t umamin din ang DEPED.

    Sabihin na natin na may Politikal na kulay itong paglabas ni Mr. Go, maitanong ko kayo. May mga mali ba talaga ang mga aklat o wala??????????????

    Maghihintay ako sa iyong kasagutan.

    salamat po

    Like

    • Hindi komo’t walang sumasalungat kay Antonio Calipjo Go ay “magpapatibay na iyon sa kaniyang akusasyon.” Ang ganiyang lohika ay dapat nang ibasura. Paumanhin kung hindi mo naunawaan ang aking artikulo.

      Kung binasa mo nang maigi ang aking artikulo, naunawaan mo sana ang aking mga panukalang pagsusuri hinggil sa mga teksbuk. Ang ginagawa ni Go ay paimbabaw na pagsusuri lamang—na malayo sa dapat asahan sa mga akademikong gaya niya.

      Bagaman pananagutan ng DEPED ang pagsala sa mga teksbuk na ipakakalat sa mga paaralan sa buong bansa, pananagutan din ng mga kritikong gaya ni Go na itaas ang antas ng pagsusuri sa mga teksbuk, at lampasan ang pagkutingting sa gramatika o palaugnayan ng mga pangungusap, at pag-uyam sa mga awtor o pabliser.

      Like

  4. Maraming salamat po sa inyong pag paunlak sa aking tanong, naintindihan ko po ang iyong ibig iparating sa inyong kasagutan.

    Ngunit sa aking palagay ay isang ordinaryong mamamayan lamang si Ginoong Go, at wala siyang kapasidad upang makita o magsulong ng isang pagbabago o Paradigm Shift sa edukasyon.

    Ngunit, bagama’t sa paimbabaw na pag kritiko sa mga aklat ay napakaraming kamalian nang nakikita ang isang ordinaryong mamamayan na handang magsunog ng kilay ng walang bayad upang kilatisin ang mga aklat na ito, ay dapat po pasalamatan ito at hindi po natin i kritiko dahil tila kulang pa ang kanyang ginawa.

    Marahil ang mga malalalim na suhestyon na gaya ng inyong sinasabi ay magagawa lamang ng mga taong masasabing eksperto sa larangang ito na gaya ninyo at hindi ng mga ordinaryong mamamayan lamang sa larangan nang edukasyon na gaya ni Ginoong Go.

    Naiintidihan ko po ang inyong ibig sabihin, at lahat po tayo ay naghahangad na mapabuti ang antas ng ating edukasyon dahil dito nakasalalay ang pagbabago na ating hinahangad sa ating bayan at hindi sa pagpapalit ng administrasyon.

    salamat po.

    Like

    • Hindi ordinaryong mamamayan si Antonio Calipjo Go, dahil naging bahagi siya sa produksiyon ng mga teksbuk bukod sa naging administrador ng isang paaralan. Malaki ang inaasahan sa pagiging akademiko niya, at dapat niyang matutuhan ang pagiging kritiko sa sukdulang pakahulugan.

      Like

  5. Panahon na upang simulan ang pagbabago.
    Atin nang itapon ang ideolohiya ng paurong napagkikritika sa ating kapwa, kung gusto man ni G. Go nang pagbabago di ba’t mas nararapat na konstruktibo ang kanyang ginawang hakbang at hindi lamang himaymay na pagtira sa intellect ng mga awtor at ng iba pang responsable.
    Mas nararapat ngayong tignan sa buong laki ang problema sa mga librong ito.
    Ang mga Problema’y pinapatay sa ugat at hindi sa pagpukol sa mga ibinunga nito.
    Nakalulungkot mang isipin totoong walang laman ang latang matunog.

    Like

  6. Ang malaking problema ni Antonio Go, ay pumili lamang sya ng mga ilang linya sa libro at nililift nya. Ang nangyayari, nawawala na sa konteksto. Kamakailan lamang ay inatake ni Go ang mga aklat ng UP NISMED. Sa aking pagkakaalam, sya ay English major, so hindi ko alam, kung ano ang karapatan nya magreview ng libro sa Biology at Earth Science.

    Kung hindi ako nagkakamali, nagreview din sya ng mga libro sa History ilang taon na ang nakakaraan. Ganun ba sya katalino?

    Sa mga hindi nakakaalam, kinasuhan ng Phoenix si Go ng pangingikil. Ito ang website.

    http://www.journal.com.ph/index.php/metro/12408-trial-vs-school-exec-resumes.html

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.