Maagap ang tugon ng De La Salle University hinggil sa kaso ng pagkakahawa ng isang dayuhang estudyante na tinamaan ng A(H1N1) virus, na uri ng trangkasong nagmula sa baboy. Ito ang dapat gayahin ng ibang paaralan, sakali’t lumaganap ang sakit nang maiwasan ang epidemya. Ayon sa aking nasagap ay isang Hapones ang nahawa, bagaman hindi malala, at kinakailangan pa ng mga awtoridad na kontakin ang embahada ng Japan, bago magpahayag. At ang inuupahan niyang kondominyum ay nasa Malate.
Marahil ay nais ng pamahalaan na huwag maligalig ang taumbayan kaya ibininbin nito kung ano ang pangalan ng gusali. Ngunit sa aking palagay ay malaking pagkakamali ito. Paano kung ang Providence Tower na isa sa magagarang gusali sa Malate ang tinirahan ng naturang tao na nagkasakit? Handa ba ang gobyerno na isara nang dalawang linggo ang gusali, at huwag palabasin ang mga residente nito? Malaking sakit ng ulo ito hindi lamang sa pamahalaang lokal, kundi maging sa mga negosyo sa paligid ng naturang hotel. Gaano man kalaki o kaliit ang hotel ay dapat isara ito nang pansamantala, nang mabatid ng mga residente at iba pang tao ang posibilidad ng pagkakahawa at iba pang dagdag na pag-iingat.
Ang balita ko’y nakilahok na rin ang World Health Organization (WHO) para masupil ang paghawa sa iba pang tao. Maganda itong hakbang, dahil tiyak kong hindi kaya ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang pagsubaybay sa mga hinihinalang maysakit na mga tao. Samantala, ang ilang magulang na nangangambang nahawa ang kanilang mga anak ay walang nagawa kundi kumunsulta sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine) na nasa Alabang. Ang RITM ay nagtataglay ng mga abanseng aparato at kagamitan, bukod sa mga bihasang kawani, na handang tugunan ang samot-saring tropikong sakit, at isa lamang dito ang A(H1N1) virus.
Ang kusang-palo ng DLSU ang dapat gayahin ng iba pang establisimyento sa Malate at karatig-pook sakali’t kumakalat na ang usap-usapan hinggil sa sakit at nababahala ang mga tao. Kailangan na ring makialam si Alkalde Alfredo Lim. Kailangan ang kolektibong pagkilos mula sa iba pang pribadong sektor. Hindi biro ang swine virus, at imbes na enmiyendahan ang konstitusyon ay ang pagsugpo ng sakit ang dapat atupagin ng mga awtoridad.