Kahulugan ng Talinghaga

Binanggit ni Lope K. Santos ang apat na katangian ng katutubong pagtula, at kabilang dito ang tugma, sukat, talinghaga, at kariktan [Santos: 1929]. Mahaba ang kaniyang paliwanag sa kapuwa sukat at tugma, ngunit manipis ang talakay hinggil sa talinghaga at kariktan. Hindi malalayo ang pag-aaral nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado sa pag-aaral ni L.K. Santos, ngunit imbes na “talinghaga” ay gagamitin ni Regalado ang salitang “kaisipan.” Ang “kaisipan,” ani Regalado, ay “siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat. Dito nakikilala ang tunay na manunula. Dito nasusukat ang ilaw ng pag-iisip at ang indayog ng guniguni ng isang ganap na makata” [Regalado: 1947]. Mahihinuha sa talakay ni Regalado na ang kaisipan ay sumasaklaw sa buong retorika ng pagtula.

Mahirap ipakahulugan ang “talinghaga” dahil salát na salát ang pakahulugan dito sa mga diksiyonaryo, at kahit ang Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay tinumbasan lamang iyon ng “misteryo” kumbaga sa kaisipan, at “metapora” kumbaga sa kataga at pangungusap,  at siyang nakalahok din sa akda ni L.K. Santos. Para kay L.K. Santos, ang talinghaga ay hindi lamang sumasakop sa “sinekdoke,” “metapora,” at “metonimiya” bagkus sa kabuuan ng retorika at poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at sari-saring pamamaraan ng pamamahayag nito. Taglay nito ang “di-tuwirang pagpapahayag ng damdamin, hangad, bagay, o pangyayari sa pamamagitan ng kataga o paglalarawan ng mga pangungusap na nilapatan ng tugma at sukat.”

Para kay L.K. Santos, may dalawang uri ng talinghaga: una, ang mababaw; at ikalawa, ang malalim. Ang una’y tumutukoy sa madaling maunawaan ng nagbabasa o nakikinig; samantalang ang ikalawa ay nangangailangan ng malalim na pag-iisip at tuon upang maunawaan ang kahulugan. Ipinanukala naman ni Virgilio S. Almario na sinupin “ang mga butil ng halagahan, paraan ng pahayag, at tayutay na ginagamit noon ng mga makatang Tagalog.” Sa pamamagitan nito’y mauunawaan ang talinghaga, malilinang ang anumang maituturing na katutubo at mapauunlad ang anumang kabaguhan. Ang paliwanag ni Almario hinggil sa talinghaga ay nakapaloob sa aklat na Taludtod at Talinghaga (1991). Ipinaliwanag niya roon ang pakahulugan at ang mga mekanismo ng talinghaga sang-ayon sa naging gamit nito sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.

Ang “talinghaga,” ani Almario, ay ang “buod ng pagtula. Ito ang utak ng paglikha at disiplinang pumapatnubay sa haraya at sa pagpili ng salita habang isinasagawa ang tula. Sa gayon, napaghaharian nito ang pagbukal at pagdaloy ng diwa gayundin ang kislap ng tayutay at sayusay na isinasangkap sa pagpapahayag.” Mabigat pa rin ang paliwanag ni Almario, at para masuhayan ang gayong pahayag ay gagamitin niya ang “panloob at panlabas na puwersa” na pawang kaugnay sa paglalarawan o pagsasalaysay ng tula, at nakaaapekto sa pagsagap sa isang bagay, pangyayari, o persona. Ang panloob na puwersa ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga salita o sagisag na ginagamit sa loob ng tula, samantalang ang panlabas na puwersa ay may kaugnayan umano sa anumang umaantig o nakaaantig sa diwa o guniguni.

Kung paglalangkapin ang siniping mga pakahulugan, ang talinghaga ay maaaring magtaglay ng mga sumusunod na katangian: una, ito ang sisidlan ng diwa; ikalawa, ito ang palaisipan na nakasakay sa pahiwatig at ligoy; ikatlo, ito ang disenyo at paraan ng pagpapahayag, paglalarawan, o pagsasalaysay; ikaapat, ito ang buod na nilalaman ng tula. Maidaragdag ko rito ang isa pang elemento, at ito ang resultang diwain sanhi ng kombinasyon ng mga salita, sagisag, pahiwatig, pakahulugan, at disenyong taglay ng tula. Ano ang ibig sabihin nito? Ang talinghaga ay hindi malamig na bagay na nakatago sa loob ng tula. Nabubuo ito sa pagsasalikop at pagsasalimbayan ng mga salita at disenyo sa loob ng tula, at naihahayag sa isang pambihirang pamamaraan. Ang dalawa o higit pang salita na pawang may kani-kaniyang pakahulugan o pahiwatig ay nagkakaroon ng isa o higit pang resultang pahiwatig o pakahulugan kapag pinagsama-sama. Mababatid ito sa ganitong hatag: A+B=C. Tumatayo ang A sa unang salita, ang B sa ikalawang salita, at ang resultang pahiwatig ay ang C, bagaman ang C na ito ay maaaring hindi lamang isa ang pahiwatig, gaya ng bugtong, bagkus iba-iba ang pahiwatig, gaya ng iniluluwal ng salawikain. Ipinapalagay dito na ang A ay hindi lamang simpleng singkahulugan ng B. Tingnan ang halimbawang ito:

Ang tubig ma’y malalim
malilirip kung libdin
itong budhing magaling
maliwag paghanapin.

Sa naturang kawikaan, isinasaad na gaano man kalalim ang tubig, gaya sa dagat o ilog, ay madali itong mababatid kung nanaisin ninuman kompara sa “budhing magaling” (mabuting kalooban) na mahirap matagpuan sa libo-libong tao. Kasalungat ng “budhing magaling” ang “budhing masama” na tumutukoy sa mga tao na may negatibong asal o ugali. Sa naturang tula, ang talinghaga ay ang bunga ng kombinasyon ng “tubig,” “budhi,” “malilirip,” at “maliwag.”  Talinghaga rin ang konseptong nabuo sa paghahambing ng “budhi” at “tubig,” ng “malalim” at “magaling,” at ng “malilirip” at “mahirap hanapin.” Ang “tubig” o “budhi” ay hindi maituturing na talinghaga agad hangga’t hindi lumalampas ito sa likas o nakagawiang pagkakaunawa rito, saka naiuugnay sa iba pang salitang may partikular ding diwain. Samantala, ang “tubig,” na ikinabit na pahambing sa “budhi,” ay mahihinuhang lumalampas sa ordinaryong pakahulugan, nagiging talinghaga, at nagiging kasangkapan upang maitanghal ang kakatwang katangian ng kalooban ng tao.  Heto ang isa pang halimbawa:

Ang katakatayak, sukat
makapagkati ng dagat.

Ipinahihiwatig ng matandang kawikaang ito, na itinala nina Noceda at Sanlucar, na ang isang patak na alak ay makapagtataboy palayo ng mga alon. Sa ibang anggulo, ang “patak ng alak” ay kaya umanong makahawi ng dagat, gaya sa Biblikong alusyon. Ang talinghaga rito ay hindi lamang ang “utak” o “diwa” ng pagkakalikha. Tumitindi ang pahiwatig ng paglalarawan sa kombinasyon ng mga salitang “katakatayak” at “dagat” na bagaman magkasalungat ang katangian (maliit ang una at malaki ang ikalawa) ay kayang makapagluwal ng kabatirang maparikala. Hinihikayat ng tula ang mambabasa na aninawin kung ano ang “katakatayak” o “dagat” nang higit sa karaniwang pagkakaunawa rito ng mga tao. Ang katakatayak ay mahihinuhang metonimiya lamang ng bisyo o paglalasing, kung ibabatay sa kaugalian ng mga tao noon na mahilig uminom ng alak, gaya ng tuba o lambanog. At ang “dagat” ay maaaring hindi ang pisikal na dagat, kundi maaaring tumukoy sa “kaugalian,” “lipunan,” “katahimikan,” at iba pang diwaing matalik noon sa mga katutubo. Sa naturang pahayag, ang resultang kabatiran ay maaaring magsanga-sanga, dahil ang “katakatayak” ay maaaring sipatin sa doble-karang paraan: positibo (dahil sumasalungat sa nakararami) at negatibo (dahil maaaring taliwas ang patak o gawi sa itinatakda ng kalikasan).

Ang resultang diwain ay masisipat na hindi rin basta ang “buod” [summary] ng tula, kung isasaalang-alang ang mga tulang pasalaysay. Ang serye ng mga pangyayari ay dapat may kakayahang magluwal ng isang pahiwatig nang higit sa dapat asahan. Maaaring ihalimbawa ang tula ni Regalado na pinamagatang “Ang Salát sa Isip”:

Ang aking si Kuting may nahuling daga
kinakagat-kagat sa aming kusina,
nang aking makita, sa daga’y naawa,
pusa’y binugaw ko, daga’y nakawala.

Nang kinabukasan, ang bago kong damit
uka’t sira-sira sa pagkakaligpit,
ako ang naawa’y sa akin nagalit,
ganyan kung gumanti ang salát sa isip!

Maituturing na tulang pambata ito na hinggil sa istorya ng dagang nahuli ng alagang pusa ng persona. Ang hatag ng mga pangyayari ay masisipat nang ganito. Una, naawa ang persona nang akmang kakainin ng pusa ang daga.  Ikalawa, pinalis ang pusa. Ikatlo, nakatakas ang daga. Ikaapat, gumanti ng paninira ang daga sa persona. At ikalima, salát sa isip ang daga. Kung wawariin, ang resultang diwain o talinghaga ay hindi ang simpleng pagganti ng daga. Ang literal na daga ay maaaring lumampas sa nakagawiang pagkakaunawa rito ng madla sakali’t ikinabit sa “pag-iisip.” Bagaman may utak ang daga, nabubuhay ito batay sa instinct at alinsunod sa likás na pangangailangan. Ang pagganti nito ay pagpapamalay ng mataas na kalooban, na matataglay lamang ng tao. Samantala’y may ilang tao na walang utang na loob, at kahit tinulungan na’y nagagawa pang gumanti sa negatibong paraan para manaig sa kapuwa. Sa tula, hindi na magbubulay pa ang daga na tinulungan ito ng persona, at wala itong hangad na pumantay sa antas ng tao. Pabaligtad na ipinahihiwatig wari ng tula na may ilang tao na gaya ng daga, at ito ay hindi lamang dahil sa kasalatan sa isip kundi sa pagtalikod sa makataong damdamin. At ang awa ay hindi dapat ibinibigay sa lahat ng pagkakataon, dahil ang “awa” ay nararapat lamang sa sinumang makauunawa ng gayong kaselang damdamin. Ang nasabing kabatiran ang maituturing na talinghaga.

Ang “talinghaga” ay nadaragdagan ng pakahulugan habang lumilipas ang panahon. Masisipat ito hindi lamang bilang resultang diwain o pangyayari, bagkus maging sa pagpapahiwatig ng aksiyon o pagbabago ng mga tauhan, lunan, at panahon. Heto ang isang tanaga na pinamagatang “Tag-init” (1943) ni Ildefonso Santos:

Alipatong lumapag
Sa lupa—nagkabitak
Sa kahoy—nalugayak
Sa puso—naglagablab!

Sa tanagang ito, ang “alipato” na tumutukoy sa munting apoy mula sa lumilipad na titis o abo ay maituturing na lumalampas sa ordinaryo’t nakagawiang pagpapakahulugan. Ang pagbabagong idinudulot ng alipato ay serye ng mga pambihirang pangyayari. Una, pagkatuyot ng lupa. Ikalawa, pagkasira ng kahoy. At ikatlo, pagkabuhay sa damdamin. Ang alipato kung gayon ay masisipat na pahiwatig ng munting pangyayari na makalilikha ng malaking pagbabago sa buhay o kaligiran ng tao. Ang iba’t ibang antas ng kabatiran o anomalya hinggil sa “alipato” ang masasabing talinghaga ng tula. Tumitindi ang talinghaga kung idaragdag ang pambihirang tugma, na bumabagay sa masilakbong damdamin o pangyayari. Ang ganitong taktika ay ginagawa ng mga makata upang umangkop ang tunog o himig sa nais iparating na pahiwatig ng tula. Mahihunuha na ginamit lamang ang “alipato” bilang kasangkapang panghalili sa bagay na makapagdudulot ng pagkasira o pagkabuhay sa sarili o paligid.

Ang pagpapakahulugan sa “talinghaga” na binanggit dito ay hindi pangwakas, bagkus muling pagsipat at pagdaragdag sa mga naunang pakahulugan. Inaasahan ang pagiging dinamiko ng pakahulugan, dahil kung magiging estatiko ito ay mahuhubdan ng “misteryo” ang salita at maaaring itumbas lamang sa napakakitid na pagkakaunawa sa banyagang “metapora.”

Sanggunian:
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula. Pasig: Anvil Publishing Inc., 1991.

Noceda, Juan de at Pedro Sanlucar. Vocabulario de la lengua Tagala. Manila: Ramirez y Giraudier, 1860.

Regalado, Iñigo Ed. “Ang Panulaang Tagalog.” Maynila: Institute of National Language, Tomo 6, bilang, 5, Hulyo 1947.

Regalado, Iñigo Ed. Damdamin: Mga Piling Tula. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2001. Binigyan ng introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo.

Santos, Lope K. “Peculiaridades de la poesia tagala.” Manila, 1929. Muling inilathala sa Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining Pagtulang Tagalog, inedit ni Virgilio S. Almario. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1996.

7 thoughts on “Kahulugan ng Talinghaga

  1. Naiintindihan ko ang hatag: A+B=C
    – Nahihinuha ko ang C kung maiintindihan ko ang ibig ipahatid ng A+B
    ngunit mahirap mahinuha ang ibig sabihin ng salitang matalinghaga kung hindi malawak ang kaisipan ng mambabasa sa talasalitaang Pilipino.

    (Natuto ako sa entry na ito. Salamat.)

    Like

  2. Ang pagpapakahulugan sa “talinghaga” na binanggit dito ay hindi pangwakas, bagkus muling pagsipat at pagdaragdag sa mga naunang pakahulugan.

    – ikanga, parang may suspense or part two. har har!

    Like

  3. gusto ko lang po sanang magkaroon pa ng maraming kaalaman patungkol sa manunulat na si G. Odalager…
    talambuhay… natamong karangalan… kahit ano importanteng impormasyon..(nagbabaka sakali lang po na ako ay inyong matugonan….)para po sana sa aking proyekto sa filipino… nahihirapan po kasi akong maghanap dito sa internet…salamat po!
    kumento ko po sa kahulugan ng talinghaga … tama na ang kaisipan ang siyang mahalaga dito at maging ang antas ng diwa ng mambabasa ay mahalaga….

    Like

    • Ang tinutukoy mong “Odalager” ay sagisag panulat ni Iñigo Corcuera Regalado, na ama ng dakilang makatang Tagalog na Iñigo Ed. Regalado, at siyang tanyag na mangangatha ng duplo at peryodista sa wikang Tagalog. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol IX. Philippine Literature. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994; at Filipinos in History. Vol III. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1996.

      Like

  4. Nakamamanghang isipin ang kasaysayan ng kahulugan ng talinghaga. Sa lalim ng kahulugan nito na mababaw na itinuturo sa paaralan o pang-unawa at pagkakaalam ng iba. Di na akong makapaghintay sa mga mababasa at malalaman pa sa blog na ito. Salamat sa may-akda sa pagbabahagi ng kaniyang kaalaman sa tulad kong salat sa laman.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.