Ang Bagong Mananakop
(pagkaraan ng “The Conqueror” ni John Santos)
Mabibigong ikubli ng naglalagablab na paningin
ang balátkayô, na maaaring nakamapa upang saklawin
itong kapuluan at ilihim ang kapalaluan. Mahuhubog
ang maskara sa tuka ng dambuhalang banog, at ang barò
na mahahaba ang manggas ay sinadyang ipinares
sa primera klaseng pantalon mula sa Amerika o Inglatera.
Aagaw ng pansin ang kaniyang duguang korbata
at sapin sa paang tila umaayon sa hilig ng mababang uri.
Tangan ng kaniyang kaliwang kamay ang ulo ng mahiwagang
kabayong nakatulos sa inaari niyang tungkod o setro,
samantalang nakaamba wari palagi ang kanang kamay
na hawak ang klasikong gitara para sa mga bathala.
Kausapin siya, at tutugon siya sa pagpapaalimbukad
ng mga kabalyero. Uyamin siya, at sasaliw ang kaniyang himig
sa pinaghalong hambalos at sintunadong mga kuwerdas.
Ipagkakait niya ang mga ngiti upang lalong bumighani.
Pambihirang katangian niya ang umisip sa loob ng kahon,
at ang kahon na ito ay maaaring apat na panig ang pinto
na bumukas man o sumara ay magbubunyag ng tratado
o konstitusyong kolonyal. De-kahon man ang pananaw,
nasa likuran niya ang bola, kaserola, at baul na magtatakda
ng iba pang anyo ng aliw, lasa, damit, moda, at mahika.
Makitid marahil ang kaniyang tahanan ngunit malawak
ang abot-tanaw, kaya mahubad man ang buong hulagway
ay mapipisang itlog ang iyong sarili at ang bayang minamahal.