Itim na Alamid

(matapos basahin ang mga tula ni Horacio Quiroga)

Nakadapa ang mga ligáw na alamid sa damuhan, nang silipin ko mula sa aking bintana, at ang kanilang kapanatagan ay nagkukubli ng likot at landi na aking inaasahan tuwing takipsilim. Kabilugan ng buwan, at ang sinag nito ay waring ibig ibunyag ang malasutlang balahibo at damong-kalabaw. Isang munting halimaw ang nabalisa, at marahang tumayo, luminga-linga, saka biglang lumundag papaloob sa aking mga tula.

Binulabog ng ilahas na pusa ang aking pamamahinga. Sumampa ito sa mga salita, sumuot sa mga parirala, at tumalon-talon sa mga pangungusap. Sumigaw itong tila nababaliw, at hinubad ng alingawngaw ang anumang taglay na hinhin. Nangalisag ang aking mga balahibo nang tumakbo palapit sa akin ang itim na alamid. Maya-maya’y nagbuno kami sa sahig, gumuhit ang kalmot sa aking dibdib, bumaon ang mga pangil sa aking leeg, at dumilim ang aking daigdig.

Dinilaan ng alamid ang aking ilong, at ako’y nagising sa magulong silid. Kumislap ang kaniyang paninging bulawan, at isiniwalat nito  ang lastag at humihingal na katawan, ang sugatan ngunit nalilibugang kaluluwa. Pagdaka’y tumalikod ang alamid at lumakad nang marahan papalayo hanggang kainin ng karimlan. Napailing ako, saka napansin sa lapag ang ilang papel na may dugo ng plumang inilagda ang pangalang Katy, Katy, Katy.