Gabi ng Gawad Palanca 2009

Nakalulugod at umaani ngayon ang Gawad Palanca ng mga bagong bunga ng panitikang Filipinas. Ang pagsibol ng mga tinig sa panitikan ay senyales na nagtutuloy at sumisigla ang pagtangkilik sa tula, katha, at dula, at kung gaano man katatag at kahusay ang mga akda ay mababatid sa mga darating na araw.

Binabati ko ang mga nagwagi, at kabilang na rito ang mga pamilyar na pangalan na gaya nina Reuel Molina Aguila, Michael Coroza, Genaro Gojo Cruz, Reynaldo Duque, Eugene Evasco, Jerry Gracio, Alwynn Javier,  Luis Katigbak, Domingo Landicho, Jing Panganiban-Mendoza, Jimmuel Naval, Erlinda Panlilio, Frank Penones, Floy Quintos, Jesus Manuel Santiago, Ariel Tabag, at Rodolfo Vera.

Ngunit sa aking palagay ay dapat nang abangan ang mga kabataang gaya nina Mark Cayanan, Vincenz Serrano, Charles Tuvilla, at Eliza Victoria. May iba pang manunulat na bago sa aking pandinig, at mababasa sa listahan ng mga nagwagi, ngunit marahil ay higit na nagtataglay ng galing ang kanilang panulat at siyang dapat tuklasin ng lahat.

Mahalaga ang Gawad Palanca, ani Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera na siyang panauhing pandangal, dahil ang pagpaparangal sa mga nagwagi ay walang bahid ng politika. May prosesong sinusunod ang mga hurado, at ang mga huradong ito ay nagtatalo-talo nang mainit hinggil sa husay at kasiningan ng pagkakasulat ng mga akda. Walang kapangyarihang makialam ang mga taga-Palanca sa mga magwawagi, na salungat sa panghihimasok na ginawa ng pangulo sa pamimili ng magiging Pambansang Alagad ng Sining.

Ang problema ngayon ay dadalawang beses na lamang nagtatagpo ang mga hurado sa bawat kategoriya, imbes na tatlo gaya noong nakalipas na mga taon. Ang ganitong kaikling panahon ay dapat ibalik sa tatlo. Hindi maiiwasan kung gayon na makaligtaan ang pagtitiyak kung ang ilang akda ay nanggaya lamang ba o nangopya ng akda ng iba at ipinalabas na sa kaniya. O kung dapat repasuhin muli ang isa o dalawang lahok dahil nagtataglay ng pambihirang kinang.

Malaki ang responsabilidad ng mga hurado dahil nakataya rin ang kani-kaniyang pangalan sa paghuhusga ng mga akda. Kaya sa pagsisimula pa lamang ng pagpupulong, karaniwang pinagkakaisahan ng lupon kung ano ang magiging pamantayan ng pamimili, at mula rito ay maaaring bumunsod palayo ang mga hurado na magagabayan ng ilang puntos. Nagkaroon lamang ng alingasngas sa Palanca ngayong taon, kung alingasngas ngang matatawag, dahil may nakasilip sa mga networking site hinggil sa estado ng pamimili ng ilang hurado.

Ipinaabot sa akin ang balitang ito, at nanahimik na lamang ako. Ang balita ko’y may sumulat sa pamunuan ng Palanca hinggil sa naturang banayad na pagpaparamdam ng ilang hurado. Ano ang mapupulot na leksiyon dito? Kung maging hurado ka man sa Palanca ay dapat kang matutong magtikom ng bibig. Sakali ma’t may lumabas na pangalan ng mga nagwagi, marahil ay nagmula na ito sa hanay ng mga mismong nagwagi na natural lamang na ipagmagara ang kanilang tagumpay sa mga kaibigan. Ngunit uulitin ko, hindi dapat magmula ang ingay sa panig ng mga hurado.

Isang bagay lamang ito na mapalalampas. Habang tumatagay kami ng Johnny Walker nina Rayvi Sunico at Krip Yuson, aba’y gumaan ang aking pakiramdam lalo’t nasaksihan ng lahat ang pagtatanghal ng dalawang tsikiting na maririkit sa entablado. Hindi ko matandaan ang mga pangalan ng dalawang bata, ngunit ang husay nila sa pagbigkas at pagtatanghal ng mga tula ay lalong nagparikit sa gabi ng Gawad Palanca.