Mga Kuwaderno ng Destiyero

Salin ng pangunang tula ng Los cuadernos del destierro (1960) ni Rafael Cadenas.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa orihinal na Espanyol.

Mga Kuwaderno ng Destiyero

Nagmula ako sa bayan ng kumakain ng malalaking ulupong, malilibog, marurubdob, matatahimik, at nababaliw sa pag-ibig.

Ngunit ang lahi ko ay natatangi ang ugat. Isinulat at batid—o ipagpalagay nang batid—nilang abala sa pagbasa ng mga pahiwatig na maligoy ang pahayag na sumikat ang katipiran. Mahahalata iyon, at humahalughog sa kasaysayan ng pagkawasak ng sangkatauhan, sa mga pinto ng mga bahay, sa mga damit, sa mga salita. Doon ko naibigan ang madidilim na silid-tulugan, ang mga nakaawang na pinto, ang masisinop na yari ng muwebles, ang mga sotanong pinalamutian, ang nakapapagod na yungib, ang manghal ng mga baraha na ang mukha ng pinatapong hari ay nababato.

Hindi sumayaw sa sinag ng buwan ang aking mga ninuno, hindi nila kayang basahin ang senyas ng mga ibon sa himpapawid na gaya ng makulimlim na utos ng pagpaslang, hindi nila alam ang halaga ng makalupang ganda, hindi sila tinatablan ng mga sumpa at sadyang mangmang para maunawaan ang mga seremonya ng kronika ng aking bayang isinulat sa magaspang ngunit masidhing estilo.

Ay! Nag-ugat ako sa mga barbaro na nangulimbat ng dalisay na modo mula sa kanugnog na mga nasyon, ngunit ang aking suwerte ay pinagpasiyahan ng mga mala-salbaheng saserdote na, suot ang mapupulang tunika, ay humula sa tuktok ng mga bato na lilim ng mga higanteng palmera.

Ngunit sila—ang aking mga ninuno—ay itinanikala ng sinaunang kahigpitan hanggang sa punto ng kaluluwa, na pawang elastiko, maliksi, at tiyak ang pangangatawan.

Hindi ko namana ang kanilang mga birtud.

Alanganin ako, lumalakad nang marahan at tinitimbang ang sariling hukot ang balikat, hindi asiwa, ngunit gumagalaw na tila hunghang, ihahakbang ang isang paa, saka ang kabila; ang tahimik na kabaliwan ang taliba ko laban sa kawalang-malasakit, at pumupukaw sa aking maging alerto gaya ng sundalo na pinagtiwalaan ng pamamahala sa destakamento, at gaya ng lilim, ay makararaos sa di-pagpapasiya.

Gayunman, inakala kong taglay ko ang matatayog na lunggati na sa paglipas ng panahon ay wawasak sa akin.