Gawad Nobel

Salin at halaw sa tula ni Boris Pasternak
Salin  at halaw sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Jon Stallworthy at Peter France.

Gawad Nobel

Gaya ng halimaw sa panulat, naibukod ako
Sa aking mga kaibigan, kalayaan, araw,
Ngunit lumulusob ang mga mangangaso.
Wala akong ibang pook na matatakasan.

Maitim na tuod at pasigan ng sanaw,
Bunged ng tumumbang punongkahoy.
Hindi makasusulong, hindi makababalik.
Nasa palad ko ang magiging tadhana.

Ako ba’y isa nang butangero o salarin?
Sa ano’ng krimen ako dapat managot
Para parusahan? Pinaluha ko ang mundo
Sa kariktan ng aking tinubuang bayan.

Nakatapak man sa hukay ang isang paa ko’y
Naniniwala ako na kahit lukob ng gahum
Ng dilim ang kalupitan ay sasapit ang araw
Na madudurog iyon ng diwa ng liwanag.

Lumalapit sa akin ang mga maninila
Na may maling hayop na ibig hulihin.
Wala akong táong kuyom ng kanang kamay,
Walang tao na matapat at makatotohanan.

At habang bigti ng lubid ang aking leeg,
Ibig kong kahit man lamang sa isang saglit
Ay pahirin nang ganap ang aking mga luha
Ng sinumang nasa aking kanang kamay.