Ang Pangako
Kung mangangako sa mariposa ang lupain,
ibibigay nito ang lahat ng bulaklak
na ang bawat pangalan ay taglay ang gunita
ng ugat at pakpak o katas at sugat.
Mapapahalakhak ka, at marahil ay iiling,
sapagkat maaaring iyan din ang ginagawa mo,
at maghahanap ng mga pako
para sa bagong mga pangako na ang katuparan
ay pagkabigo ng mariposa
na makatagpo ang isang bulaklak na ang mga talulot
ay humahalimuyak habang nalalagas sa paglipad.
At kung mangangako sa lupain ang mariposa,
wala itong maihahatid kundi simoy at gaan,
at ipalalasap ang hiwaga ng paglalakbay
sa gitna ng panganib o pagtuklas ng natatanging
pook. Matatagpuan ng paruparo ang tadhana
ng mga talulot, at kahit gaano kalayo ang lupalop
ay tatawirin para maunawaan ang panahon
at ang kapalaran ng pagbabagong-anyo.
Mapapakagat-labi ka, at magtatakang nakapatda,
sapagkat maaaring iyan din ang itinatatwa mo,
at magsisimula ka ng mga pakikipagsapalaran
na nagkataong tinutupad ngayon ng putik at ulan.