“Infomercial” ang isa sa mga bulaklak ng dila na katumbas ng “propaganda” bagaman malayang pabulaanan ito ng mga kandidatong politiko sa darating na halalan 2010. Mula sa pinagsanib na mga salitang “information” at “commercial,” ang bagong imbentong salita’y nagkaroon ng pambihirang bisa sa bokabularyo ng taumbayan dahil ito ang ginagamit na palusot ng mga politiko upang maisahimpapawid sa radyo at telebisyon, o kaya’y mailathala sa mga pahayagan at internet, ang kanilang pangalan, bisyon, programa, at kung ano-ano pang interes at pinagkakaabalahan. Kung ang komersiyal ay maituturing na paningit at pang-aliw sa pagitan ng mga programa sa radyo o telebisyon, ang komersiyal na ito ay binihisan ng sariwang pakahulugan para tanggaping “impormasyon” na mahihinuhang nakabalatkayong pagbilog sa ulo ng publiko sa masining na paraan.
Sa pamamagitan ng infomercial, ang isang lawas ng kaisipan ay naisasalin nang buo sa isipan ng madla nang animo’y walang panganib. Tinatawag na meme (“mim”) ni Richard Dawkins, ang isang diwain ay kahawig ng gene na kayang magparami nang kusa at magpalaganap mulang isang kultura tungong ibang kultura; o kaya’y maitutulad umano sa virus na pumapasok sa selula at doon nagpaparami hanggang mamatay ang selula; o virus na sumisira ng programang pangkompiyuter. Sa Filipino, ang pinakamalapit na katumbas ng meme ay “salindiwa” na pinagdugtong na mga katagang “salin” at “diwa” at siyang unang ginamit ni J. Vibar Nero bilang pamagat sa isang babasahin sa hanay ng network ng mga di-gobyernong organisasyon.
Halos walang nababago sa pagsasalindiwa. Ang diwaing ipinapasa mulang isang tao tungong ibang tao ay umaayon sa hubog ng pinagsasalinang isipan. Ang salindiwa ay lumalaganap nang mababaw na pangangampanya, at hindi nakapagdudulot ng kapangyarihan sa madla upang mag-isip nang matalas. Sa panig ng infomercial, ang pagiging payak nito, gaya sa wika, musika, at imahen, ang nagiging kapangyarihan nito, upang tumalab sa isip ng malawak na lipunan ang ipinahahayag ng politiko. At sa oras na pumasok sa isip ng sinumang tao ang infomercial, dito magsisimula ang parang lorong pag-uulit ng awit o slogan, gaya ng matutunghayan sa panggagaya ng mga paslit, habang natatabunan ang plataporma de gobyerno ng mga partido politikal.
Kung hihiramin ang “salindiwa,” ang infomercial ay maaaring makapagpalaganap ng kaalaman sa isang ahensiya, gaya sa pabahay, edukasyon, kalusugan, at pamahalaang lokal, ngunit ang kaalamang ito ay posibleng nakaayon din para mapanatili sa kapangyarihan ang opisyales ng pamahalaan. Ang infomercial ay maaaring maghayag na may natatago palang programa at proyekto ang pamahalaan (na lingid sa madla), na kinakailangan lamang mabatid para tangkilikin ng taumbayan. Ipinakikilala rin ng infomecial kung sino ang mga politiko na nasa likod ng ahensiya, at siyang makapagpapakalat ng kaalaman hinggil sa pagkakakilanlan sa kanila.
Mapanganib ang salindiwa dahil ang infomercial ay nagpupukol ng mga diwain ngunit walang matibay na paliwanag para suhayan ang gayong mga pahayag. Halimbawa, nauso noon ang sigaw ni Mar Roxas na “Lalaban tayo!” ngunit kung paano ay malabo dahil ang paglaban sa kahirapan o korupsiyon ay hindi nakukuha sa pagpapatakbo ng traysikad, o pagtatanong sa mga musmos na hindi sapat ang kabatiran sa buhay. Kung lalaban man si Roxas bilang ikalawang pangulo ay lalong malabo dahil karaniwang ang ikalawang pangulo ay gumaganap lamang ng sekundaryong papel kung babalikan ang nakaraang rekord ng mga naging ikalawang pangulo.
Sa isang talumpati ni Sen. Miriam Defensor Santiago, binanggit niya ang mga kasapi ng gabinete at iba pang opisyal na lumulustay ng pondo ng bansa para sa kani-kaniyang infomercial. Heto ang binanggit ng butihing senador, batay sa pagtatasa ng Commission on Audit noong 2008–2009:
1. Chair Augusto Syjuco, Tesda – P28.3 M
2. Mayor Jejomar Binay, Makati – P23.4 M
3. VP Noli de Castro, OVP, Pag-ibig/HDMC, HUDCC – P18.1 M
4. Chair Efraim Genuino, Pagcor – P14.1 M
5. Sec. Francisco Duque, DOH – P13.2 M
6. Chair Bayani Fernando, MMDA – P 7.4 M
7. Sec. Jesli Lapuz, DepEd – P 5.7 M
8. Sec. Hermogenes Ebdane, DPWH – P 3.8 M
9. Sec. Nasser Pangandaman, DAR – P 2.4 M
10. Sec. Ronaldo Puno, DILG – P .9 MTOTAL P117.7 M
Wala pa sa naturang talaan ang mga senador na gumastos mula sa sariling bulsa o sa tulong ng mga kaibigan para makapagsahimpapapawid ng infomercial. Kung ang isang infomercial ay nagkakahalaga ng kalahating milyon katumbas ng ilang minuto o segundong pagsasahimpapawid, mahihinuhang kumikita na ng malaki ang mga network ng telebisyon at radyo. Napakalaking salapi ang nalalagas sa kabang-yaman ng pamahalaan, ngunit kung ito man ay may epekto sa mabilis na paghahatid ng programa ay dapat pang siyasatin ng publiko.
Kung iisipin, ang kabuuang halaga ng infomercial ay maliit na bahagi lamang kung ang kapalit ay pagwawagi sa halalan. Sa pamamagitan ng salindiwa o meme, ang mito ng katauhan ng politiko ay napapanatili. Nalilinis ang dungis, dugo, at dangal ng kandidato, at maaaring magtagal ang gayong imahen sa buong panahon ng kaniyang panunungkulan hangga’t hindi sumusulpot ang panibagong serye ng akusasyon at pagbubunyag mula sa kalabang panig o politiko. Higit pa rito, nawawalan ng lakas ang taumbayan na mag-isip, at magpasiya nang matalas at marapat. Ang paulit-ulit na pukol ng nilikhang impormasyon ay nagiging makatotohanan kahit kabulaanan, gaya ng halimbawa ng mga talumpati ni Sen. Panfilo M. Lacson.
May bisa ang infomercial lalo sa mga gumon sa panonood ng telebisyon o kaya’y sa sinumang altanghap ang pakikinig sa radyo. Ang infomercial ay walang pakialam sa mga plataporma de gobyerno ng mga pangunahing partido politikal, dahil hindi yaon pakikinggan ng mga mainiping tagapakinig o manonood. Ang infomercial ay nakatuon sa panlabas na anyo ng tao, gaya ng ginagawa ni Kal. Ronaldo Puno, na binanggit ang sinaunang kawikaan: “Kung ano ang Puno ay siyang bunga.” Kung ang puno ay nababahiran ng paratang ng malawakang pandaraya sa eleksiyon, gaya ng dagdag-bawas at siyang tinutuligsa ni Sen. Santiago, ang sinumang lililiman ng Punong ito ay makatitiyak ng pagwawagi. Subalit maaaring salindiwa na naman ito, na dapat seryosohing imbestigahan, at pagbulayan, ng buong sambayanan upang maiwasan ang dayaan.