Humihimig ng Kamatayan ang Biyolin

salin ng “La muerte afina su violin” ni Salomón de la Selva
salin at halaw mula sa orihinal na Espanyol ni Roberto T. Añonuevo

Humihimig ng Kamatayan ang Biyolin

Humihimig ng kamatayan ang biyolin:
Ani Kamatayan: Kumikinig akong sasaliw
sa sayaw na walang katapusan
sa himpapawid, sa lupain, sa karagatan!

Humihimig ng kamatayan ang biyolin.
Humihimig ang biyolin. Sumayaw tayo!
Magiging maningning na hasmin sa simoy
ang aking kaluluwa,
maputi at malambot at magaan…
maputi at malambot at magaan
na pawang nakapagpapaluha sa akin.

Sa hangin, ang kaluluwa ko’y bulaklak
Sa hangin, ang kaluluwa ko’y halimuyak.
Ang halimuyak ng kaluluwa ko’y pag-ibig.
Ay, ilang kabataan ang maiinggit sa akin!

Magagandang babae’t dalagang donselya!
Sa ilalim ng mga bulak at linong kumot
na simputi ng dalisay na liryo at estrelya,
ang makasiping ka’y ang aking kapalaran.

Tapos na ang pambungad na pagpapakilala.
Simula na ng sayaw, sayaw na walang humpay
At kinakalabit nito ang kuwerdas ng puso ko,
ang Kamatayang masayang hinihimig ng biyolin.

Retrato mula sa kagandahang-loob ng Photos8.com

Retrato mula sa kagandahang-loob ng Photos8.com