Salin ng “Bidrohi” ng dakilang makatang Bengali na si Kazi Nazrul Islam, batay sa saling Ingles ni Mohammad Nurul Huda.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ang Rebelde
Sabihin, Magiting,
Sabihing: Taas-noo ang aking pagkatao!
Nakatanaw sa ulo ko
Ang matayog na bundok Himalaya!
Sabihin, Magiting,
Sabihing: Pinupunit ang malawak na himpapawid,
Iniiwan ang mga buwan, planeta, at bituin,
Nilalagos ang lupa at ang langit,
Itinutulak ang sagradong luklukan ng Maykapal,
Bumangon ako,
Ako na malimit na kababalaghan ng daigdig!
Kumikinang sa aking noo ang galít na Diyos
Na gaya ng maningning na sagisag ng maharlika.
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!
Ako ang iresponsable, malupit, at bastos.
Ako ang hari ng matinding kaguluhan,
Ako ang bagyo, ako ang pagwasak,
Ako ang ligalig, ang sumpa ng uniberso.
Wala akong awa,
Dinudurog ko ang lahat ng bagay.
Magulo ako at walang sinusunod na batas,
Sinusuway ko ang patakaran at disiplina.
Ako ang Durjati, ako ang unos sa tag-araw,
Ako ang rebelde, ang suwail na anak ng daigdig!
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!
Ako ang buhawi, ako ang dagudog
Ako ang wumawasak ng lahat ng nasa daan!
Ako ang himig ng nakalalasing na sayaw,
Sumasayaw ako sang-ayon sa kaluguran,
Ako ang malayaw na kasiyahan ng buhay!
Ako ang Hambeer, ang Chhayanata, ang Hindole,
Ako ang walang humpay na pagkabalisa,
Ako ang aliw at indak habang gumagalaw!
Ginagawa ko kung ano ang ibig anumang oras,
Niyayakap ko ang kaaway at binubuno ang kamatayan,
Ako ang baliw. Ako ang ipuipo!
Ako ang salot na peste, ang malubhang takot,
Ako ang kamatayan ng lahat ng hari ng sindak,
Ako ang ganap ng pagkabalisa habang buhay!
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!
Ako ang paglikha! Ako ang pagwasak!
Ako ang paninirahan, ako ang libingan,
Ako ang wakas, ang wakas ng magdamag!
Ako ang anak ni Indrani
Na may buwan sa tuktok ng ulo
At araw sa pilipisan.
Tangan ng isang kamay ko ang payat na plawta
Habang tangan ng kabila ang tambol pandigma!
Ako ang Bedouin, ako ang Chengis,
Wala akong sinasaluduhan kundi ang sarili!
Ako ang kulog,
Ako ang tunog ng Brahma sa langit at lupa,
Ako ang dagundong ng kalatong ni Israfil,
Ako ang malaking salapang ni Pinakpani,
Ako ang tungkod ng dakilang hari ng katotohanan,
Ako ang Chakra at ang dakilang Shanka,
Ako ang makapangyarihang sinaunang sigaw!
Ako si Durbasha na Poot, ang mag-aaral ni Bishyamitra.
Ako ang silakbo ng sunog sa kagubatan,
Sinusunog ko hanggang maabo ang sangkalawakan!
Ako ang malutong na halakhak ng pusong mapagbigay.
Ako ang kalaban ng paglikha, ang matinding sindak!
Ako ang lahò ng labindalawang araw,
Ako ang tagapagbadya ng pangwakas ng paggunaw!
Tahimik ako minsan at payapa kung minsan,
Ngunit nahihibang sa mga sandaling di-inaasahan.
Ako ang bagong kasibulan ng liwayway,
Nililigis ng mga paa ko ang kahambugan ng Maykapal!
Ako ang ngitngit ng humahalihaw na bagyo.
Ako ang umaatungal na daluyong ng karagatan.
Ako ang patuloy na dumadaloy at masaya,
Ako ang umaagos gaya ng maingay na batis.
Ako ang maitim, mahabang buhok ng dalaga;
Ako ang kislap ng apoy sa kaniyang mga mata.
Ako ang banayad na pag-ibig na nakahimlay
Sa puso ng disiseis na kabataaan.
Ako ang kasiyahan na walang hanggahan!
Ako ang mapaghanap na kaluluwa ng maysakit.
Ako ang kaawa-awang ungol ng kulang-palad!
Ako ang kirot at pighati ng walang tahanan.
Ako ang pagdurusa ng nilalait na puso.
Ako ang hinanakit at kabaliwan ng tinalikdan ng mahal!
Ako ang di-mausal na dalamhati.
Ako ang nangangatal na hipo ng isang birhen.
Ako ang pitlag na banayad sa kaniyang unang halik.
Ako ang sulyap ng nakakulubong na sinta.
Ako ang kaniyang malimit tinititigan nang lihim.
Ako ang tuwa mula sa dibdib ng dalagitang umiibig.
Ako ang kuliling ng musika sa kaniyang galang-galang!
Ako ang batang eternal, ang kabataan habang buhay.
Ako ang mahiyaing dalagitang kabadong sumisibol.
Ako ang nakapananariwang dayaray ng timog.
Ako ang malungkuting amihan ng silangan.
Ako ang matimtimang awit ng makatang mapagbulay,
Ako ang maindayog na musika ng kaniyang lira!
Ako ang uhaw na di-matighaw sa katanghaliang-tapat.
Ang ang nagliliyab, mabalasik na araw.
Ako ang lumalaguklok na matang-tubig ng disyerto.
Ako ang malamig na lilim ng mga punongkahoy!
Napatakbo ako sa matinding ligayang nakababaliw,
Nabubuwang na nga yata ako! Nabubuwang ako!
Bigla kong nakilala ang aking sarili,
At gumuho ngayon ang lahat ng huwad na hadlang.
Ako ang pagbangon. Ako ang pagbagsak.
Ako ang kamalayan ng kubling malay ng kaluluwa.
Ako ang watawat ng tagumpay sa pinto ng mundo.
Ako ang mabunying senyas ng tagumpay ng tao.
Pumapalakpak akong nagpupuri gaya ng buhawi,
Nilalandas ang langit at ang lupa.
Sakay ako ng makapangyarihang kabayong si Borrak
Na humahalinghing sa labis na pagkatuwa!
Ako ang umaasóng bulkan sa dibdib ng sangkalupaan.
Ako ang humahalihaw na apoy sa mga kahuyan.
Ako ang dagat ng silakbo ng Gimokudan.
Inililipad ako ng bagwis ng kidlat nang matalinghaga.
Isinasambulat ko ang karalitaan at takot sa paligid.
Naghahatid ako ng nakaririnding lindol sa daigdig.
Ako ang plawta ni Orpheus,
At nagpapahimbing sa nilalagnat na kalupaan.
Ako ang pumapatay ng apoy sa impiyerno.
Taglay ko ang mensahe ng himagsik ng lupa at langit!
Ako ang rumaragasang baha.
May panahong ako ang nagpapataba ng lupa,
At ako rin ang nagdudulot na malawakang salanta.
Hinablot ko sa dibdib ni Bishnu ang dalawang dalagita!
Ako ang kawalang-katarungan. Ako ang bulalakaw.
Ako ang Saturno. Ako ang apoy ng taeng-bituin.
Ako ang makamandag na ulupong!
Ako si Chandi na pugot ang ulo, ang baganing mapanira,
Na nakaupo sa naglalagablab na kailaliman.
Ngumingiti ako gaya ng inosenteng bulaklak!
Ako ang malupit na palakol ni Parsurama,
At papatayin ko ang mga mandirigma
Upang maisilang ang armonya’t kapayapaan ng uniberso.
Ako ang sudsod ng araro sa mga balikat ng Balarama,
At lilinangin nang magaan ang kalunos-lunos na lupain,
At lilikha ng bagong uniberso ng tuwa at kapayapaan.
Lupaypay sa pakikibaka, ako, ang dakilang rebelde,
Ay tahimik na mamamahinga lamang kapag natuklasang
Ang langit at ang simoy ay malaya sa taghoy ng inaapi,
At napawi sa larangan ng digma ang mga duguang tabak.
Saka lamang ako, na pagod sa pakikibaka, mamamahinga,
Ako ang dakilang rebelde.