Kumikitid ang puwang ng paggamit ng Filipino sa mga pahayagan, at ang mga pahayagang ito—na tinaguriang tabloyd—ang ilan sa mga natitirang moog ng wikang Filipino. Ang malalaking pahayagang ginagastusan nang malaki, gaya ng Business World, Daily Tribune, Manila Bulletin, Manila Standard Today, Philippine Daily Inquirer, at Philippine Star, ay pawang nasusulat sa Ingles. Kabilang sa mga abanseng pahayagan sa internet ang Newsbreak Online at ang radikal na Bulatlat.com, na pawang walang makakapares sa wikang Filipino. Kahit ang mga lalawiganing pahayagan, gaya ng Mindanao Times, Sun Star Daily, The Ilocos Times, at The Negros Chronicle, ay nasa Ingles imbes na nasa wikang lalawiganin.
Ang tradisyonal na pamamahayag ay nasa mga tabloyd sa Filipino, at kabilang dito ang Abante, Abante Tonite, Bagong Tiktik, Balita, Bulgar, People’s Taliba, Pilipino Star Ngayon, PM Pang-Masa, Remate, Saksi Ngayon, at Tanod. People’s Journal at Tempo ang tanging sumalungat, at gumagamit ng Ingles. Kung pagsasama-samahin ang naturang tabloyd ay maluluma ang sirkulasyon ng mga pahayagan sa Ingles, at magagapi lamang dahil wala pang katumbas ang mga ito sa pahayagang online.
Bagaman napakalaki ng oportunidad na lampasan ng mga pahayagang Filipino ang mga pahayagang Ingles—sa bilang man ng mambabasa at impluwensiya sa opinyon ng madla—ang mga pahayagang Filipino ay nahuhuli kompara sa pahayagang Ingles kung prestihiyo, pondo, sining, at sinop ang pag-uusapan. Iginagalang ang mga komentarista sa Ingles, kahit sablay kung minsan ang kanilang gramatika at lohika, samantalang ang mga komentarista sa Filipino ay malimit pukulin ng punang “bumabanat ngunit tumatanggap [ng suhol].” Halos tipirin ng mga pabliser ang mga pahayagan sa Filipino, at bantulot ang malalaking anunsiyante na magpalathala ng kanilang produkto maliban na lamang kung “nakakiling sa masa” o anibersaryo ng kumpanya o hiniling ng politiko. Walang malinaw na estilo ng pagsulat at pagbaybay sa Filipino ang mga pahayagan sa Filipino; at ito ay may kaugnayan sa kakulangan ng gabay at ehemplo na magagamit ng mga peryodista. Pinakamasaklap ang pangyayaring ang Filipino ay nababalaho sa dating paniniwalang hanggang balbal lamang ito, at ang wika ay dapat hanggang sa kayang arukin ng masa.
Nakapanghihinayang ang pagkawala ng Diyaryo Filipino noong dekada 1990, ang panahong lumalakas ang benta at sumisikat ang pahayagan sa pagsusulong ng bagong uri ng pamamahayag. Nagwelga ang mga manggagagawa sa kapatid nitong publikasyong Daily Globe, at nasabit ang Diyaryo Filipino sa welga. Nagpasiya ang may-ari na isara ang kompanya at doon nagwakas ang naturang pahayagan. Kahit ang bagong silang na Abante, na tinustusan noon ni Virgilio S. Almario, ay isang maipagmamalaking tabloyd dahil naiiba sa kaniyang kapanahon; ngunit ibebenta ni Almario ang Abante sa mga Macasaet nang malugi hanggang mangaglaho ang matitinong manunulat sa Filipino at magpasiyang lumipat sa akademya at iba pang uri ng trabaho. Ang kakatwa’y biglang sumirit ang kasikatan ng Abante pagkaraan niyon.
Kung babalikan ang kasaysayan, ang mahuhusay na peryodista ay nangagsulat noon sa tinatawag na Tagalog, at ang Tagalog na ito ang magiging batayan ng wikang pambansang Filipino. Ang mga editor at kolumnista ay pawang mga kuwentista, makata, mandudula, nobelista, tagasalin, at sanaysayista, gaya nina Alejandro G. Abadilla, Servando de los Angeles, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Brigido C. Batungbakal, Florentino T. Collantes, Clodualdo del Mundo, Amado V. Hernandez, Valeriano Hernandez Peña, Jose Corazon de Jesus, Macario Pineda, Pascual Poblete, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, at Lope K. Santos na pawang umukit ng pangalan sa piniling larang. Ang mga manunulat ay binibigkis ng mga aktibong samahan ng mga manunulat, at bagaman nagsisimula pa lamang noon ang pagbubuo ng estandardisasyon ng wika, at pagsisinop ng retorika at pamamahayag, nakalikha ng malawak na halimbawa ang Tagalog na pagsusumundan ng iba pang wika sa Filipinas.
Habang paunti nang paunti ang mga pahayagan at magasin sa Tagalog ay unti-unti ring nalagas ang hanay ng mga manunulat, bagaman maitatangi ang gaya ng Balita at Liwayway na itinaguyod ng publikasyong Manila Bulletin. Samantala’y lumakas ang mga pahayagan sa Ingles, ngunit dapat pang saliksikin kung gaano ang mga ito naging matagumpay sa paghubog ng isip at loob ng taumbayan. Nakapagtatakang lumago ang sari-saring tabloyd, at ang alternatibong pahayagang ito ang lumikha ng ingay noong Aklasang Bayan sa EDSA, at sa mga panahong masilakbo ang kudeta, bagyo, lindol, bulkan, terorismo, at iba pang mabibigat na pangyayari sa lipunan. Sa kasamaang-palad, dumami rin ang mga kolumnista na higit na masasabing propagandista kaysa peryodista sa sukdulang pakahulugan.
Sa kasalukuyan, masasabing kulang na kulang ang matitinik na peryodista at editor sa wikang Filipino habang nababansot sa kahon ang mga peryodiko sa Filipino. Ang mga manunulat ay nangagsilipat sa cyberspace, bumuo ng mga blog at websayt, at pinagyaman ang Filipino sa iba’t ibang paraan at larang.
Edit sa Editoryal
Masyadong mapanlahat, at marahas, kung sasabihing patakbuhin ang mga tabloyd sa Filipino. Ang mga tabloyd sa Filipino ay kailangang sumunod sa de-kahong sukat ng lathalain, dahil ito ang nakagisnan at kalakarang “kinakagat ng masa.” Nakatuon ang wika sa magkahalong pormal at balbal na pagsasakataga ng mga balita o opinyon. Maiikli ang mga pangungusap at talata, at kung minsan ay kumbensiyonal kahit ang paglalarawan o pag-uulat sa tao, lugar, at pangyayari. Depende sa manunulat ay matutunghayan ang sari-saring pagdulog sa isang isyu o propaganda. Tabloyd ang tagapagtala ng mga kabaguhan sa wikang Filipino, at maibibilang ito sa mga blog at websayt na masiglang nagpapakapal ng bokabularyo ng mga Filipino. Ang ambag ng tabloyd sa pagpapalago ng wikang pambansa ay minsang naibulalas sa editoryal ng Pilipino Star:
Sa aming panig, malaki ang aming kontribusyon sa pagpapalawak ng wikang pambansa sapagkat araw-araw kaming binabasa ng milyong Pilipino [sic]. Mayroong nagmamaliit sapagkat kami raw ay tabloid lamang pero tingnan ang aming kontribusyon sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa.[1]
Hindi nga matatawaran ang ambag ng mga pahayagan sa wikang pambansa. Ngunit ang wika ay hindi lamang pagdaragdag ng salita sa korpus ng Filipino. Ito ay kaagapay ng paglilinang ng retorika o masining na pagpapahayag, ng pagtataguyod ng malinaw na lohika, diskurso, at imahinasyon, samantalang pinatatatag ang akda batay sa solidong datos at saliksik. Ang paglilinang ng wika ay paglilinaw din ng mga konsepto at diwain hinggil sa isang tiyak na paksa, at pagbubuo ng tulay mulang akda tungong mambabasa. Kung nakapagpapayaman ng bokabularyo ng Filipino ang mga tabloyd, nakapagpapakalat din ang mga ito ng mga maituturing na sablay sa paggamit ng wika, gramatika, at palaugnayan na pawang mahirap maiwasan sa mabilisang trabaho at mahigpit na dedlayn. Kaya mabuting titigan kahit ang editoryal na gaya nito:
Silipin ang mga butas at solusyunan
(1) Malaking halaga ang P12 bilyong calamity fund na naaprubahan sa Kamara para sa rehabilitasyon ng mga nawasak sa nagdaang bagyong Ondoy at Pepeng.
(2) Malaking tulong din ito upang muling makabangon ang bansa sa pagkasalanta.
(3) Maganda ang layuning itindig muli ang nadurog na lugar sa bansa, at makabalikwas ang ating mga kababayan, pero kung lugmok ang bansa sa pagkasalanta, noon pa man ay bagsak na tayo at lubog sa utang, kaya ang tanong ng bayan ay saan kukunin ang P12 bilyong calamity fund na pahahawakan sa National Disaster Coordinating Council? Babawasan ang mga pondo ng ilang departamento gayung kulang na nga ito at nauubos na nga ng malilikot na kamay na mga opisyal?
(4) Gagawa na naman kaya ng panibagong batas upang pagkunan ng P12 bilyong calamity fund? Bundat na bundat na tayo sa mga buwis. Mula sa kaliit-liitang bagay na binibili natin, may buwis. Tapos gagawa na naman?
(5) ‘Wag naman sana.
(6) Pero ito ang pinakamatindi. Kapag nabigong makagawa, baka utangin na naman ang calamity fund. Panibagong foreign debt ito kapag nagkataon.
(7) Plano rin ng gobyerno na humanap ng international donors at umipon ng hanggang $1 bilyon. Kung manliligaw ang gobyerno sa mayayamang bansa para pondohan ang rehabilitasyon natin, may magtiwala naman kaya kahit hindi maganda ang record ng administrasyon sa korapsyon? May sumugal man, wala naman kayang kapalit itong hingin sa hinaharap?
(8) Kaya problema na nga kung saan huhugutin, mas malaking problema pa na baka kung saan lang ito gastusin. Baka sa halip na ang mga kababayan nating biktima ng bagyo ang makinabang ay sa bulsa lang ng ilan o sa eleksyon ito mapunta.
(9) Sa aming pananaw, dito dapat kumilos nang matindi ang Senado at busisiin bago ipasa ang panukala. Siliping mabuti at hanapin ang mga butas at agad na solusyunan bago pa mahuli ang lahat.
(9) Masaklap naman kasing isipin na imbes na sa pakay nito mapunta ang salapi ay sa mga bulsa ng mga opisyal ito maisilid. At mabaon ang pobreng mga kababayan natin sa lalo pang mas malaking problema.[2]
Binubuo ng 336 salita ang buong editoryal, kasama na ang pamagat. Upang masuri ito nang maigi ay nilapatan ng bilang ang bawat talata. Mabuting isaalang-alang ang pamagat, at alamin kung ano ang “mga butas na dapat solusyunan.” Ang mga butas na tinutukoy ay hinggil sa panukalang batas hinggil sa badyet para tustusan ang rehabilitasyong kaugnay ng malawakang sakunang sanhi ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Malaki umano ang badyet, at may agam-agam ang editoryal kung saan huhugutin ang pondo, gaya ng panibagong buwis mula sa mga tao. Ngunit hindi rito nagtatapos ang pagdadalawang-loob. Kung problema ang pagkukunan ng pondo, problema umano kung saan ito gagastusin. May pasaring pa ang editoryal na baka umano gamitin lamang sa halalan ang salapi. Nagkaroon ng ganitong hinuha ang editoryal dahil walang binanggit hinggil sa ilang puntos ng panukalang batas, at natural na ang konklusyon ay mananatiling malabo.
Kung binusisi ng editoryal ang badyet, marahil ay mababanggit kung ano ang mga kahinaan sa paglalaan ng salapi at kung gaano kahusay ang distribusyon ng pondo sa mga pamahalaang lokal na sinalanta ng bagyo. Nakabuti sana kung naipaliwanag kahit sa munting paraan kung paano binubuo ang badyet, ang mahabang proseso ng pagpapanukala sa antas ng ahensiya hanggang pagdinig sa magkasanib na lupon ng mababa at mataas na kapulungan hanggang paglagda ng punong ehekutibo. Ngunit nagmungkahi agad ang editoryal hinggil sa dapat maging trabaho ng senado na mali sa punto ng pagbubuo ng badyet. Ang senado at ang mababang kapulungan ang sumusuyod sa panukalang badyet ng bawat ahensiya, at ang magkasanib nitong pagdinig ang bubuo ng ulat na ihahain naman sa pangulo para lagdaan at maging ganap na batas, o kaya’y ipawalang-bisa sa ilang pagkakataon. Ang konklusyon ng editoryal ay malinaw na nabigong suhayan ng mga pangangatwiran, at ito ang nagparupok sa balangkas ng akda.
Paikot-ikot ang lohika ng editoryal, at mapapansin ito sa talata 3 na ang pagkakabuo ng mga pangungusap ay tila isinulat ng lasing. Mabibiyak sa apat na pangungusap ang pangungusap 1 sa talata 3, upang mapalinaw ang transisyon. Ibig lamang sabihin ng pahayag ay “Maganda ang layunin ng rehabilitasyon, ngunit malabo kung saan huhugutin ang P12 bilyong badyet.”
May kahawig na editoryal ang lumabas sa Abante Tonite, pinamagatang “Magbantay”[3] na nalathala pagkaraan ng dalawang araw. Binanggit ang ginawang pagpapatibay ng calamity fund ng LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council). Nagkakahalaga ng 12 bilyong piso ang pondo para lutasin ang pinsalang dulot ng mga pagbagyo. Ang pangamba na malustay ang pondo sa ibang paraan ang punto ng editoryal, at ito ang dapat umanong subaybayan ng kapuwa pribado at publikong sektor. Nakalusot ang ilang mali sa editoryal, gaya ng pagpili ng tumpak o angkop na salita[4]. Ngunit higit pa rito, ang pangamba sa korupsiyon ay nagiging makatotohanan bagaman hindi pa nagaganap ang pamamahagi ng pondo. Mahihinuha rito na hindi mapagkakatiwalaan ang pamahalaan, at ang agam-agam ay nagiging makapangyarihang meme na bagaman walang matibay na batayan ay waring realidad na sa lipunan.
Kung babalikan ang editoryal ng Abante noong 13 Oktubre 2009, nanawagan na ang pahayagan na bantayan ang pondo para sa rehabilitasyon. Sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pa lamang, aabot na umano sa P1 bilyon ang tinatayang kakailanganin para sa rehabilitasyon, saad ng editoryal. Nagmungkahi pa ito kung paano dapat gugulin ang pondo:
Marahil, ibayong pag-aaral ang dapat gawin para matukoy ang mga istratehikong lugar na dapat unahin ang rehabilitasyon.
Kailangang ma-assess mabuti ang paglalaan ng pondo at tiyakin na mapupunta sa dapat kapuntahan ang perang ilalabas.
‘Transparency’ ang dapat pairalin sa buong sangay ng gobyerno at dapat talagang bantayang mabuti ang paggagamitan ng pondo dahil hindi imposibleng gamitin pa ito ng mga abusado para sa pansarili nilang political interest.
Talasan natin ang ating pakiramdam sa mga ‘doble kara’ na nagkukunwaring nagbibigay ng tulong subalit nakalagay ang kaliwang kamay sa kanilang mga bulsa.[5]
Simple lamang ang editoryal at ang pinakamahalagang punto ay ang pagiging bukás ng pamahalaan sa anumang transaksiyon nang maging malinis ang paghawak at paggugol ng pondo para sa rehabilitasyon. Maganda ang mungkahing magtakda ng priyoridad sa rehabilitasyon, na batay sa rekomendasyon ng pamahalaang lokal at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Ang pangwakas na talata, na bagaman nagpapayo ng pagbabantay, ay umiiwa rin nang pailalim sa mga mapagbalatkayong pilantropo na mahilig mangurakot. Hindi malilinaw ang naturang agam-agam, at muli ay mananatiling meme na tila virus na papaloob sa isipan ng taumbayan. Tumitindi ang meme na ito dahil nauulit yaon na parang alingawngaw sa editoryal, na maaaring kolektibong paninindigan ng mga editor ng pahayagan, at siyang ipinapasa sa mga mambabasa.
Kung ihahambing ang naturang paratang sa editoryal ng Remate ay masasabing higit na mabalasik ang huli. Heto ang sipi sa akdang pinamagatang “Wala o Kulang sa Disgrasya”:
Kinakitaan ang gobyerno ng labis na kakulangan sa tao, pondo, gamit at iba pang panban sa mga malawakan na disgrasya makaraang manalasa ang bagyong Ondoy at ang pinawalang [sic] tubig ng mga dag ng Angat, Ipo at La Mesa.
Paisa-isang rubber boat, paisa-isang amphibian boat, paisa-isang helikopter, paisa-isang trak at kung ano-ano pang kalunos-lunos na kakulangan sa gamit ang nakita.
Wala ring pondo at kinailangan pang magmadali ang mga ito na maglabas ng katiting na halaga at idinadamay na rin pati ang salapi ng mga obrero at employer sa Social Security System.
Hindi rin naging sapat ang mga tauhan nito na umalalay sa lahat ng mga biktima kahit man lang sa pagtakas sa nakamamatay na baha. . . .[6]
Mali ang gramatika ng pambungad na talata ng Remate, at maisasaayos nang ganito:
Nakita ang labis na kakulangan sa tauhan, pondo, at kagamitan ng pamahalaan makaraang bumagyo at pawalan ang tubig sa mga dam ng Angat, Ipo, at La Mesa.
Ang mga talata 2–4 ay pawang suhay lamang sa pambungad na talata. Idiiin pa ng editoryal na sa kabila ng pagpapataw ng buwis at pangungutang sa mga institusyong pananalapi, nanatiling inutil ang gobyerno sa pagharap sa kalamidad. Kaya naitanong ng editoryal:
Ang kainutilan ba ng pamahalaan sa disgrasya ang tuwirang pruweba ng pagkaubos ng kayamanan nito sa kamay ng mga opisyal at empleyado na pawang magnanakaw?
Panahon nang magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan.
Sa unang malas ay matuwid ang pahayag, ngunit kung susuriin nang maigi’y humahangga iyon sa kamaliang petitio principii. Ipinapalagay sa naturang pahayag na pawang magnanakaw ang mga opisyal at empleado ng pamahalaan, at ang tanong hinggil sa kainutilan ng pamahalaan ay di-tuwirang sinasagot ng pahayag na naubos ang pondo o yaman ng pamahalaan. Ang gayong kasining na pahayag ay higit na titingkad kapag isinaalang-alang ang konklusyon na kailangan “ng pagbabago sa pamahalaan.”
Pinakamabagsik ang editoryal ng Bulgar na kaugnay pa rin sa pondong laan sa rehabilitasyon:
Aanhin pa ang damo kung naibulsa na ang pondo
(1) Nagkakasundo ang gobyerno at pribadong sektor na gamitin ang ilang bahagi ng P100 bilyong Stimulus Fund sa rehabilitasyon.
(2) Malinaw ngayon na wala nang problema sa badyet.
(3) Ang problema na lamang ay kung paanong maiiwasan ang PANGUNGURAKOT sa proseso ng paggastos.
(4) Dapat magbigay ng rekomendasyon ang Commission on Audit at Ombudsman kung paano babantayan ang salapi ng bayan.
(5) Dapat ay maglatag ang COA ng malilinaw, espesipiko at kongkretong patakaran sa pagbili o paggastos nang hindi magkakaroon ng “red tape” o bagal sa pagbibigay ng serbisyo.
(6) Ang nangyayari kasi, para lang maingatan ang pondo, sangrekang REKISITOS naman ang dapat pagdaanan ng proseso bago makapaglabas ng panggastos para sa mga biktima.
(7) Mababalewala rin kung ganu’n ang sustansiya o diwa o mithiin ng naturang pagpopondo.
(8) Kapos kasi ang utak ng mga AUDITOR at hindi iniisip kung ano ang “motibo” ng pondo.
(9) Unang dapat na iniisip ng COA—ay ang mailabas ang pondo sa MAS MABILIS NA PARAAN perso sa MAS LIGTAS SA NAKAW na proseso.
(10) Naingatan mo nga ang pondo pero TEPOK naman ang mga biktima bago ito nabiyayaan.
(11) EPISYENTENG SERBISYO rin kasi ang dapat ino-AUDIT—at hindi simpleng “financial transactions.”
(12) De-libro kasi ang mga accountant at sila ay mga UTAK-SALAPI, imbes na UTAK-SERBISYO!!!
(13) Dapat isama sa pagbabago ng KURIKULUM ang accounting-auditing-financing system na nalipasan na ng PANAHON.
(14) Aanhin pa ang pondo kung patay na ang popondohan?
(15) Magiging pambili na lang ito ng KABAONG!!![7]
Pinangatawanan ng Bulgar ang pangalan nito at inilantad lamang sa humihiyaw na paraan ang mabuting halimbawa ng maling pagsulat ng editoryal. Ang mga pahayag 1–2 ay tumatalon sa konklusyon, at hindi nangangahulugan na ang pagkakasundo ng pribado at gobyernong sektor sa paggugol ng pondo ay magbubunga ng kalutasan sa problema sa badyet. Nagmamadali rin ang pagsasaad na ang problema na lamang ng pamahalaan ay “kung paano iiwasan ang pangungurakot.” Sa naturang pahayag, ipinapalagay na sistemiko ang korupsiyon at laging naririyan. Lalong gumulo ang editoryal pagsapit sa mga talata 4–5. Hindi tungkulin ng COA at Ombudsman na magbigay ng mga mungkahi kung paano gugugulin ang pondo, lalo sa mga espesyal na pagkakataon. Trabaho iyon ng Department of Budget and Management (DBM), batay sa rekomendasyon ng bawat ahensiyang sangkot o lupong mangangasiwa sa paggugol ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga bayang nasalanta. Ad hominem naman ang talata 8, at ang mungkahi sa tumpak na pag-aawdit ay mababatid kung sumangguni sana sa mga umiiral na patakaran ng DBM. Para sa DBM, ang mga gastusin ay dapat ayon lamang sa itinakdang badyet; ang anumang paggugol nang lihis sa itinatakdang layunin ay isang kapabayaang maaaring panagutan sa ilalim ng batas. Pinakamasaklap ang mungkahi sa talata 13 hinggil sa pagbabago ng kurikulum hinggil sa pangangalaga ng salapi. Walang kaugnayan iyon sa pamagat at sinimulang paksa ng editoryal, at mahihinuhang isiningit lamang iyon sanhi ng labis na poot ng manunulat sa pamahalaan. Pagsapit sa mga talata 14–15, ang mapanlibak na tanong na humuhugot ng alusyon sa kawikaang bayan ay mapagmalabis dahil hindi nasuhayan iyon ng sapat na datos upang maging matatag at kapani-paniwala.
Nagpapabago-bago ang testura ng editoryal alinsunod sa mga sumusulat nito. Pansinin ang isa pang editoryal ng Abante, na kargado ng retorikang mga tanong:
Extra power? Para saan?
(1) Humihingi ngayon ng ‘extra power’ si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para daw madaling makabangon ang Pilipinas sa magkakasunod na hagupit ng kalamidad.
(2) Teka, kapag ba binigyan ng extra power ang Pangulo, mahaharang niya ang bagyo para hindi na pumasok sa bansa? O kaya naman, mahihigop ba n’ya ang mga tubig sa dam, ilog at lawa para hindi na ito umapaw at lumunod sa mga bayan, lungsod at lalawigan?
(3) Kung oo ang isasagot ng Malacañang, aba’y papayag kami sa extra power na ito, pero alanganin pa rin kami kung sa Pangulo ba dapat itong ibigay.
(4) Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng dagdag na kapangyarihan ninuman para makagalaw nang marapat ang mga nasa pamahalaan.
(5) Kahit pa sabihing may mga batas tayong luma na at kailangan nang i-upgrade, ‘ika nga, naniniwala kaming sapat pa rin ito para protektahan ang sambayanan sa epekto ng kalamidad.
(6) Ang kailangan lang ay istriktong implimentasyon at seryosong pagpapasunod nito nang walang sinisino.
(7) Kagaya nitong pagbibigay ng proteksyon sa kalikasan. Kumpleto naman ang mga batas natin sa pagbabawal ng illegal logging at ang pagtatayo ng istruktura sa paligid ng mga ilog, dagat, dam at iba pang waterways. Pero dahil hindi nga istrikto ang pagpapatupad ng batas, nabababoy ang ating kalikasan.
(8) Ang resulta: ito mismong naranasan natin kina ‘Ondoy’ at ‘Pepeng’.
(9) Grabeng baha at landslide. Buhay, ari-arian at mga kabuhayan natin ang pininsala.
(10) Ano bang klaseng ‘extra power’ ang gusto ng Pangulo?
(11) Hindi ba niya magagawa bilang Pangulo ngayon ang pagdidispatsa ng search and rescue operations sa mga apektadong lugar? Hindi ba makakarating ang mga relief goods, mga gamot at serbisyo medikal sa mga sinalantang lugar kung wala siyang extra power?
(12) At itong mga pinaaalis na illegal structures at mga residenteng nagtayo ng bahay sa mga waterways, hindi ba sila made-demolish at maililipat sa dapat nilang paglagyan o kaya ay mapapauwi sa kanilang lalawigan kung hindi dadagdagan ng kapangyarihan si Pangulong Arroyo?
(13) Determinasyon lang ang kailangan, political will at ang isang makatao at maka-Filipinong puso ng isang lider![8]
Binubuo ng 332 salita ang editoryal. Nilagyan ng bilang ang bawat talata upang masuri nang madali. Higit na magaspang ang editoryal na ito kompara sa naunang binanggit na editoryal ng Abante. Malaki ang problema ng nasabing akda dahil hindi ipinakahulugan at nilinaw kung ano ang espesyal na kapangyarihang hinihingi ng pangulo mula sa kongreso, at nakabatay sa panukalang batas. Kung ang kapangyarihan ay para sa rehabilitasyon ng mga pook na sinagasa ng mga bagyo, ano ang saklaw nito, halimbawa, sa paggugol ng salapi, sa paggamit ng mga kasangkapan at pasilidad, sa pangangasiwa ng lakas-tao ng pamahalaan? Walang binanggit.
Garapal at hindi naaangkop ang komentaryo sa mga talata 2–3. Ang mapanlibak na puna ay walang sagot, at maituturing na absurdo dahil ang kapangyarihan ng pangulo ay itinatapat na tugon sa pisikal na pinsalang likha ng kalikasan. May pahiwatig ang mga talata 5–6 na sapat ang batas upang tugunan ang malawakang pinsala, at ang kinakailangan lamang umano ay pagsasakatuparan ng mga ito. Mapanlahat ang ganitong tindig, dahil sa usapin pa lamang ng badyet ay kulang ang inilalaang pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng kalamidad. Ang problema, wala ni isang batas ang binanggit na halimbawa na puwedeng gamitin ng pangulo sa panahon ng emergency, bagaman may pahiwatig ukol sa mapaminsalang pagtotroso at pagtatayo ng mga bahay sa mga mapanganib na lugar. Hindi rin binanggit kung gaano kalaki ang badyet sa rehabilitasyon, at kung kaya ba ng kasalukuyang badyet na tustusan ang rehabilitasyon ng mga impraestruktura at pasilidad.
Pulos retorikang tanong ang mga talata 10–12 na dapat sinaliksik ng sumulat ng editoryal. Ang mga tanong na nakabalatkayong opinyon ay nagtatangkang salungatin ang panukalang pagdaragdag ng kapangyarihan sa pangulo sa panahon ng kalamidad. Gayunman, imbes na magpalinaw ay pinalalabo nito ang usapin. Kung ang pamahalaan ay humihina dahil sa matinding kalamidad, dapat suriin kung ano ang kahinaan ng pamahalaan at magmungkahi kung paano ang mga ito lulutasin. Ang pagsasaad na may sapat na batas ang pamahalaan at ang kulang ay implementasyon ay mabilis at mapanlagom na konklusyon lalo kung isasaaalang-alang ang malawakang pinsalang idinulot ng magkasunod na bagyo at ang estado ng kapangyarihan at yaman ng pamahalaan.
Tinatalakay na rin ngayon sa mga tabloyd ang usapin ng pagbabagong-klima. Maihahalimbawa ang editoryal ng Bomba Balita, na pinamagatang “Paglala ng Climate Change, Pagtulungan Nating Pigilan.” Umiinog ang editoryal sa “pagbabago ng panahon” na iniuugnay din sa “pagbabagong klima.” Ang panahon [weather] at klima [climate] ay mga terminong mapagpapalit sa isa’t isa kung pagbabatayan ang editoryal, at kapag hindi iningatan ang pagkakagamit ay maaaring ikalito ng karaniwang mambabasa. Heto ang sipi ng mga talata 1–2 ng editoryal:
MARAHIL sa naranasan nating hindi halos kapani-paniwalang marahas na parusa ng panahon nitong mga nakaraang araw ay naniniwala na ang lahat na pinagbabayad na tayo sa ating kawalan ng malasakit sa ating kapaligiran.
Ang pagbabago ng panahon na hindi tugma sa nakasanayan nating takbo ng panahon mula noon hanggang ngayon ay may kinalaman sa CLIMATE CHANGE. Hindi na lamang RAINY SEASON AT SUMMER ang maaasahan nating takbo ng ating panahon sapagkat ngayon, kahit na dapat ay panahon ng tag-araw ay umuulan at bumabagyo samantalang yaong dati ay tag-ulan ay nagiging tag-init na.[9]
Masatsat ang pambungad na talata at maaari na itong tabasin nang walang malaking mababago sa editoryal. Huwag nang banggitin pa ang pambihirang gramatika at palaugnayan ng mga pangungusap, na ikababaliw ng mga mambabasa. Nakapanghihinayang na nabigong itangi ang “panahon” sa “klima,” dahil malaki ang kaibahan nito sa larang ng agham. Kung ang panahon ay pansamantalang kondisyon at tumutukoy sa tiyak na atmospera sa isang pook at oras, ang klima ay pangmatagalan at sangkot ang pangkalahatang pagtukoy sa temperatura, ulan, at hangin. Hindi pa nakauusad sa mga pagpapakahulugan ay isinunod ng editoryal ang sanhi ng pagbabagong-klima, at kabilang dito ang “pagkabutas ng ozone layer” at “sobrang paglabas natin ng init sa kapaligiran.”
May katotohanan ang winika ng editoryal ngunit hindi sapat. Ang pagnipis o pagkabutas ng ozone layer ay may kaugnayan sa labis na emisyon ng chlorofluorocarbon (CFC) at halogen na nagluluwal ng mga atomong chlorine na nagsisilbing katalisador para maubos nang unti-unti ang ozone. Samantala, ang binanggit ng editoryal na pag-init ng mundo ay tumutukoy marahil sa sinag mula sa araw at siyang mabilis na nakapapasok sa mundo samantalang bumabagal naman ang paglabas ng singaw sa mundo makaraaang tumama sa lupa ang sinag. Nakukulob ang singaw dahil sa dagim, at ito ang nakapagdaragdag ng init sa atmospera. Ito ang tinatawag na “greenhouse effect” na ang mga elemento ng carbon dioxide (CO2), methane (CH4) at nitrous oxide (N2O) ay lumabis ang pamumuo sa atmospera. Ang naturang mga elemento ay hindi simpleng “init” na siyang isinaad sa editoryal; bagkus kaugnay ng singaw mula sa pagsisiga ng basura, o kaya’y paggamit ng mga kasangkapang nagbubuga ng labis na CO2, CH4, at N2O.
Maganda ang ilang mungkahi ng editoryal hinggil sa pag-iwas sa emisyon ng mga CFC at kaugnay na halogen sa atmospera. Gayunman, makabubuting rebisahin ang editoryal upang maituwid ang ilang bagay hinggil sa maling pagpapaliwanag ng pagbabagong-klima ng mundo.
May ilang pagkakataon na mistulang praise release ang editoryal, bagaman malayang itanggi ito ng ilang pahayagan. Maihahalimbawa ang editoryal ng Bagong Tiktik:
Mga kawal-Kano
(1) Sa dalawang delubyong tumama sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan at Hilagang Luzon, naging mahalagang katulong ng mga lokal at pambansang awtoridad sa pagsaklolo at pagbibigay-tulong sa mga biktima ang mga kawal-Amerikano na nakahiampail sa Pilipinas bilang bahagi ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng mga gobyernong Pilipino at Amerikano.
(2) Sa Hilagang Luzon na mas grabe ang pagbaha kaysa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, at mas malaking mga panganib ang sinuong ng mga biktima, naging partikular na epektibo ang mga kawal-Amerikano.
(3) Mga 700 kawal-Amerikano ang tumulong sa pagsaklolo at pagtulong sa mga biktima. Gumamit sila ng mga rubber boat at mga helikopter sa mga dakong hindi maabot ng mga tagasaklolong Pilipino—nagliligtas ng mga taong nasa mga bubungan ng mga bahay o nangungunyapit sa mga punongkahoy.
(4) Sa ganyang mga pangyayari na nagkusang tumulong ang gobyernong Amerikano sa pamamagitan ng mga kawal nila rito, ewan kung ano ang magiging saloobin ngayon ng mga mambabatas na sobra-sobrang nasyonalistiko at ng mga grupong maka-kaliwa na nagwawala na sa paggigiit nila na dapat nang baguhin o wakasan ang Visiting Forces Agreement.
(5) Ang mga grupong maka-kaliwa na makiling sa komunismo, mauunawaan ang galit nila sa Amerika. Ngunit ang mga mambabatas na sobra-sobrang makabansa kaya nagpipilit na mapalayas ang mga kawal-Amerikano, ewan kung ano ang magiging saloobin nila ngayon.
(6) Pag nagpilit pa rin sila, siguradong makakalaban nila ang mga biktima ng mga delubyo na natulungan ng mga kawal-Amerikano.[10]
Binubuo ng 235 salita ang editoryal, ngunit mabibigong maikubli ang baluktot na lohika. Ito ay dahil maituturing na propagandang nagkukunwang editoryal ang sinipi sa itaas, at mahihinuhang pumapanig sa tropang Amerikanong nakahimpil sa Filipinas, alinsunod sa itinakda ng Visiting Forces Agreement (VFA). Ang pagtulong ng tropang Amerikano sa mga nasalanta nang bumagyo ay walang kaugnayan sa VFA, at ang saklolo nila—kusang-palo man o hiningi ng pamahalaang Filipinas sa Estados Unidos—ay dapat tingnan sa anggulo ng makataong pagtugon sa mga pambihirang pagkakataon.
Ang hindi ipinaliwanag ng editoryal ay ang usapin ng VFA—na kasunduang pangmilitar na higit na matimbang para panatilihin ang interes ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko— at kung bakit tinututulan ito ng ilang mambabatas. May mga ulat na tandisang nilalabag ng Amerika ang nakasaad sa VFA, at ito ang ibig imbestigahan ng mga mambabatas. Kung totoong lumalabag ang Amerika sa VFA, gaya sa panghihimasok sa pakikidigma sa Moro National Liberation Front (MILF) at Abu Sayaff, ay mabigat na usapin sa kasarinlan ng Filipinas alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas ng 1987. Bukod dito, nabigong banggitin ng editoryal na sa bisa ng VFA, ang mga kasangkapan, materyales, suplay, at iba pang bagay na inangkat o binili ng Amerika papasok sa Filipinas ay hindi pinapatawan ng buwis o taripa o upa. Malayang makagagamit ang tropang Amerikano ng mga sasakyan, barko, at eroplano nang walang bayad papasok o palabas sa mga pantalan, paliparan, at iba pang lugar. Ang gayong kalaking kaluwagan ay hindi maikokompara sa panandaliang tulong sa nasalanta ng bagyo, gaya sa pagpapahiram ng gomang bangka, helikopter, at iba pang aparato. Walang nakasaad sa VFA na tungkulin ng Amerika na tumulong sa Filipinas tuwing may kalamidad.
Ang mga talata 4–6 ay ad hominem na banat sa mga mambabatas na tutol sa VFA, at mistulang banta sa kanila sa maaaring maging sapitin sa darating na halalan kapag ipinagpatuloy ang pagtutol sa kasunduan kahit nakatulong na umano ang tropang Amerikano sa mga Filipino. Isang hinuha yaon na nagpapauna sa magiging reaksiyon ng taumbayan, na may halong pananakot, at para bang ang kaligtasan ng mga Filipino ay nasa kamay ng mga Amerikano. Hindi isinaalang-alang ng editoryal na maliit na bahagi lamang ang saklolong ginawa ng mga Amerikano sa mga biktima ng bagyo, at katiting na maituturing ang 700 kawal na sumaklolo; higit na malawak at epektibo ang pagtulong ng mga karaniwang tao sa kanilang kapuwa Filipino sa kabila ng mabagal na pagtugon ng pamahalaang Filipinas. Hindi dapat iniuugnay ang pagpapairal o pagpapawalang-bisa ng VFA sa pagsaklolo ng Amerika sa Filipinas tuwing may kalamidad, dahil magagawa rin yaon ng ibang nasyon kahit walang VFA kung hihilingin lamang ng Filipinas.
Isa sa mga maituturing na kahinaan ng editoryal sa Filipino ay ang pagiging masatsat, at maibibilang dito ang mga nalalathala sa PM (Pang-Masa). Heto ang isang halimbawa:
Ang baha at ang di-mapigil na pagdami ng populasyon
(1) Maraming idinudulot na leksiyon ang bahang dinulot [sic] ni Ondoy at kabilang diyan ang paghahanda sa biglaang kalamidad, wastong pagtatapon ng basura, hindi dapat tinitirahan ang mga daanan ng tubig at ngayon pati ang pagkontrol sa populasyon ay itinutiring na ring isang malaking leksiyon.
(2) Nakita ang napakaraming bata sa mga evacuation center. May mga mag-asawa na ang anak ay anim. Karamihan ay maliliit pa. May mga sumususo pa. Nakita ang mga nakahanay na batang natutulog sa evacuation centers na tila walang pakialam kung hanggang kailan sila tatagal sa evacuation centers. May mga bata na umiiyak dahil sa sobrang init sa kinalalagyang lugar. May mga batang galisin na nakikipag-agawan sa ipinamamahaging pagkain.
(3) Malaki ang kaugnayan nang [sic] pagdami ng mga Pilipino sa grabeng pagbaha. Dahil parami nang parami, pati ang mga pampang ng ilog at estero ay tinitirahan na. Sa mismong ilog at estero na itinatapon ang kanilang mga basura at doon na rin sila dumudumi. Habang tumatagal dumarami nang dumarami pa ang mga Pilipino hanggang sa ang ilog at estero ay napuno na ng basura. Wala nang madaluyan ang tubig, Kaya nang bumaha, naging dagat sa isang iglap ang Metro Manila at mga karatig na bayan.
(4) Maski ang mga mambabatas na isinusulong ang Reproductive Health Bill ay sinisisi ang pagdami ng populasyon sa grabeng pagbaha. Dahil daw sa pagdami ng mga tao kaya nasisira ang kapaligiran. Dumami ang mga subdivisions. Ang taniman ng palay ay kino-convert na para gawing tirahan. Kung kakaunti lang daw ang tao, wala nang titira sa mga pampang ng ilog at mga estero.
(5) Palobo nang palobo ang populasyon. At kung hindi magkakaroon ng population management, mas lalo [sic] pang baha ang daranasin. Lalong kawawa ang mga mahihirap na sandamukal ang mga anak.[11]
Lumustay ng 296 salita ang naturang editoryal na mapaiikli kung nanaisin. Halimbawa, ang talata 1 ay mapakikinis sa ganitong paraan:
Maraming leksiyon ang itinuturo ng Bagyong Ondoy at kabilang dito ang paghahanda sa biglaang kalamidad, wastong pagtatapon ng mga basura, pagbuwag sa mga bahay na nasa gilid ng tubigan, at pagkontrol sa populasyon.
Payak lamang ang tesis ng akda. Lumalaki ang populasyon at ito ang isa sa mga dahilan ng pagbaha (tingnan, pangungusap 1, talata 3). Maganda na sana iyon ngunit nabigong ipaliwanag ng sumulat. Maaaring tabasin ang mga talata 2–3 dahil labis-labis ang paglalarawan na hindi kinakailangan. Lihis naman ang talata 4, at ibang usapin ang kumbersiyon ng mga bukirin tungo sa pagiging pook residensiyal. Ang kinakailangan ng editoryal ay masusing saliksik sa populasyong batay sa solidong estadistika, mapa, heograpiya, at pag-aaral ng mga eksperto. Halimbawa, saang pook ang may pinakamaraming populasyon at ilang porsiyento ng mga residente ang naninirahan sa mga mapanganib na lugar? Ano ang kaibahan ng populasyon noon kompara ngayon, at gaano ang itinaas ng antas ng tubig sa mga ilog at lawa? Marami pang tanong ngunit nakaligtaan wari ito sa editoryal na humihingi ng ibayong ingat at sigasig sa pagsasaliksik. Ang konklusyon ng editoryal ay paikot-ikot ang lohika, at isang halimbawang dapat iwaksi ng sinumang mag-aaral.
Estilo at Pagtitimpi
Isang mahirap na disiplina ang pagtitimpi sa pagsusulat, at ito ay banyaga sa ilang manunulat. Maihahalimbawa ang editoryal ng Taliba:
Puno balswals, ang bunga balswals din!
Muli ay natambad sa paningin ng publiko ang malaganap na kapabayaan—at katangahang—nagaganap sa pamunuang-lokal ng ating pamahalaan.
Isang magandang halimbawa nito ang nadiskubreng “underground shabu laboratory” diyan sa San Miguel, Bulacan. Agad ay makikita natin ang malaking pagkukulang—at kawalan ng wastong kaalaman—ng puno sa naturang bayan.
Ayon sa pahayag mismo ng may-ari, higit isang taon nang inuukupahan ang kanyang limang hektaryang [sic] lupa ni “Bengzon, isang Chinese national na nagsasabing gagami-ting [sic] niya ito sa isang piggery business.”
Nagkasundo sila na uupahan ito ng P25,000 kada buwan, subalit hindi tumupad ang Tsinoy sa kasunduan matapos matayuan ito ng mataas na konkretong bakod.
Bukod pa rito, hindi na raw siya pinapayagan ni Bengzon na makapasok at masilip man lang ang kanyang lupain.
Ano naman ang ginawa ng puno sa bayan ng San Miguel? Eh, di wala!
Nagkakamot lang ba siya ng kanyang ano, gaya ng nakagawian ng pabayang mga puno diyan sa Department of Interior and Local Governments?[12]
May karugtong pa ang editoryal na pulos mga tanong, bukod sa nagpaparatang ng mabigat na kapabayaan sa panig ng alkalde, gobernador, at pinuno ng DILG. Payak lamang ang tesis ng editoryal: kung ano ang puno ay siyang bunga. Ginamit ang kawikaang ito na may halong pang-uuyam sa pamagat, na ang “balswals” ay katumbas ng “balewala,” “inutil,” at “walang silbi.” Kaya umano nakalulusot ang pabrika ng shabu sa San Miguel, Bulacan ay dahil pabaya ang mga opisyal ng pamahalaang lokal. Nagwakas ang editoryal sa isang pagbabanta:
Sa araw ng “paghuhukom” sa darating na Halalan 2010, dapat suriin ang puno’t dulo ng bawa’t isang kandidato, gaya ng ipinapaalaala ni Lady Miriam—na isang biktima ng malawakang dayaan![13]
Bagaman hindi binanggit nang tahas ay tinutumbok ng editoryal ang kapabayaan ni Kalihim Ronnie Puno ng DILG, at mahihiwatigan ito sa pamagat pa lamang at humuhugot ng alusyon sa anunsiyong komersiyal. Ang mahirap lamang sa ganitong akda’y nagmamadali ang konklusyon, at pati ang pagbanggit kay Sen. Miriam Santiago ay isang taktikang dapat iwasan dahil iba ang kaniyang kaso (na hinggil sa dayaan sa halalan) sa kaso ni Puno ngayon (na hinggil sa pabrika ng shabu). Dinaraan ng editoryal sa mga retorikang tanong ang mahahalagang punto sa natuklasang pabrika ng shabu; bagaman ang paglitaw niyon ay posibleng kinasasangkutan ng nagpapaupa ng bahay, at nagkataong lingid sa pamahalaang lokal.
Hindi nakatutulong ang pahiyaw na estilo ng pagsulat, at ang pagpaparatang na may halong panunumbat. Hinihingi sa editoryal ang paglilinaw sa kaso ng ilegal na pabrika ng shabu; kung bakit ito dapat iwasan o iwaksi; at kung bakit dapat managot ang mga kinauukulan. Ang konklusyon ng editoryal na may pagbabantang “paghuhukom” sa halalan ay bukod na isyung isiningit, at nakaligtaan ang dapat sana’y pagtutuwid sa maling halimbawa ng bawal na droga o kung bakit dapat managot ang kalihim ng DILG.
Kung humihiyaw ang editoryal sa itaas, kabaligtaran naman ang editoryal sa Balita. Ang problema lamang sa editoryal ng Balita ay pulos salin mula sa Ingles ang editoryal nito. Walang orihinalidad ang tabloyd, at mahihinuhang sumusunod lamang sa anumang tinig ng mga editor mula sa Manila Bulletin.
Sa unang malas ay maganda ang editoryal ng Balita. Ngunit depende sa tagapagsalin ay mababasa sa Balita ang marurupok na salin sa Filipino. Heto ang unang dalawang talata ng orihinal na editoryal sa Ingles ng Manila Bulletin:
(1) In its recent traditional annual message on Ramadan, the Pontifical Council for Inter-religious Dialogue in the Vatican underscored the need to work together toward overcoming poverty. This message was an “occasion of cordial encounter in many countries” between Christians and Muslims because it “addresses a matter of shared concern” and thereby makes it “conclusive to a confident and open exchange.”
(2) Recognizing the humiliating effect of and intolerable sufferings engendered by economic and other forms of privation, the theme of this year’s message was “Christians and Muslims: Together in Overcoming Poverty.” Poverty alienates and causes people to harbor resentment toward others, a feeling that eventually leads to hostile actions. At times it is used as an excuse to justify seizing another person’s possessions, even to the point of undermining peaceful relationships and the person’s security. In view of these, it has become imperative to confront “the phenomena of extremism and violence” by tackling the social and global problem of poverty “through the promotion of integral human development,” which Pope Paul VI has defined as the “new name for peace.”[14]
Heto naman ang salin na matatagpuan sa Balita:
(1) Sa tradisyunal na taunang mensahe nito sa Ramadan, binigyang-diin ng Pontifical Council for Inter-religious Dialogue sa Vatican na kailangang magtulungan upang magapi ang kahirapan. Ang mensahe ay isang “occasion of cordial encounter in many countries” sa pagitan [sic] ng mga Kristiyano at Muslim dahil tinutugunan nito ang “matter of shared concern” kung kaya ito ay “conducive to a confident and open exchange.”
(2) Sa pagkilala ng pagpapakumbabang [sic] epekto at pagdurusang ibinunsod ng ekonomiya at iba pang anyo ng kahirapan, ang tema ng mensahe ngayong taon ay “Christians and Muslims: Together in Overcoming Poverty.” Bunga ng kahirapan, nagkakasalungat ang mga tao, isang damdamin na nagreresulta sa marahas na hakbang. Madalas na ito ang ginagawang dahilan upang imatuwid ang sapilitang kunin ang materyal na posesyon ng iba, ni hindi inalintana ana maaaring makanti ang mapayapang relasyon at seguridad ng taong iyon. Gayunman, kailangang hanapin ang “phenomena of extremism and violence” sa pamamagitan ng pagresolba ng pandaigdigang problema nang kahirapan “through the promotion of integral human development,” na binigyang-kahulugan ni Pope Paul VI bilang “new name for peace.”[15]
Masama ang salin, at marahil maituturing na tamad na pagsasalin dahil halos literal ang tumbasan ng mga salita at walang binago sa ilang sugnay sa Ingles. Ngunit higit pa rito, nawawala ang esensiya ng orihinal lalo sa ikalawang talata. Halimbawa, ang “humiliating effect” ay tinumbasan ng “pagpapakumbabang epekto” imbes na “mapanghamak na epekto.” Ang alyenasyon [alienation] ay hindi simpleng “nagsasalungat ang mga tao” bagkus pagkatiwalag ng mga tao sa sarili o kapuwa. Sablay ang gramatika ng ikatlong pangungusap ng ikalawang talata, at mali ang gamit ng “nang” sa kasunod na pangungusap. Taliwas ang “in view of this” sa “gayunman” na marahil ang tinutukoy ay ang isang pangyayari.
Maraming maipipintas sa salin ng editoryal ngunit hindi yaon ang punto ng pagsusuri. Ang higit na mahalaga ay matuklasan ng mga tagasalin ang halaga ng sinop at pagpili ng salita, at ang pagturing sa gramatika at palaugnayan ng Filipino na may ibang testura kompara sa Ingles. Ang pagkakahon ng wikang Filipino sa wika at estruktura ng Ingles ay nakasisira sa Filipino at maaaring makapagdagdag ng maling pagsagap at interpretasyon pagsapit sa Filipino.
Pangwakas
Sa pangkalahatan, masasabing malayo pa ang lalakbayin ng pagsusulat sa Filipino, lalo sa panig ng pamamahayag. Marahil kinakailangang seryosohin na ang pagpapatino sa pagsusulat sa Filipino nang maiwasan ang krimen sa lohika at sining. Kinakailangan ang dibdibang pagtataguyod at pagpapahusay sa bagong hanay ng mga manunulat at editor sa Filipino, nang maiwaksi nang ganap ang mga mali at kapabayaan ng kasalukuyan. Kinakailangan din ang pagbubuo ng mga estilo sa pagsulat at editing sa Filipino, at makatutulong nang malaki ang gabay sa ortograpiya at editing na binuo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Kinakailangan din ang patuloy na pagpapayaman ng korpus ng Filipino, at pagsubaybay sa mga pahayagan hinggil sa mga bagong salitang lumilitaw sa guniguni ng taumbayan. Samantala, hindi mairerekomendang gayahin ang mga editoryal sa mga tabloyd, bagaman malaya ang sinumang estudyante at guro na sangguniin yaon at pag-aralan, upang maiwasan ang mga pagkakamali at makabuo ng pulido at matalas na akda sa hinaharap.
Ipinapakita lamang sa papel na ito ang malaking hamon sa paggamit ng matinong Filipino sa mga pahayagan. Kung sa editoryal pa lamang, na sinasabing kolektibong tinig at pananaw ng lupon ng mga editor, ay masaklap na ang pagkakasulat, ano ang maaasahan sa iba pang artikulo, gaya ng balita, sanaysay, dagli, at kaugnay na lathalain? Kung may kalayaan ang mga peryodista at editor na magpahayag, ang mga mambabasa naman ay may karapatang makatikim ng mga makabuluhan at matitinong akda mula sa sinusubaybayan nilang mga pahayagan. Hindi komo’t mura ang halaga ng tabloyd ay may karapatan na iyong magpalaganap ng mga basurang akda. Ang hamon naman sa mga editor at manunulat mula sa akademya ay ituwid ang mga kamalian at malaong prehuwisyo sa pagsulat sa Filipino. Ang pagsulat sa Filipino ay hindi nangangahulugang pagsulat nang padaskol-daskol, at pagluluwal ng mabababang uri ang akda. Humihina lamang ang akda dahil sa malaking kapabayaan kung hindi man katangahan ng mga manunulat.
Hindi pangwakas ang kritikang ito, at hinihintay ko ang higit na mabalasik na kritika mula sa panig ninyo.
Mga Tala
[1] Mula sa editoryal ng
Pilipino Star Ngayon, pinamagatang “Tagapagpalaganap ng Wikang Pambansa,” nalathala noong Agosto 19, 2009.
[2] Mula sa editoryal ng Abante, pinamagatang “Silipin ang mga butas at solusyunan,” nalathala noong 16 Oktubre 2009, p. 4.
[3] Editoryal ng Abante Tonite, pinamagatang “Magbantay” na nalathala noong 18 Oktubre, p. 4.
[4] Maihahalimbawa rito ang maling gamit ng “maliban” sa mga talata 3 at 10, na dapat ay “bukod sa.” Heto ang sipi sa talata 3: “Dahil maliban [sic] sa P12 bilyong karagdagang calamity fund, may nauna nang P2 bilyong calamity fun para sa taong 200….” Inulit ang mali sa talata 10: “Maliban [sic] sa mga awtorisadong ahensya [sic] ng gobyerno, magkaroon rin sana ng pribadong grupo na magbabantay sa bawat sentimong inilaan ng gobyerno sa calamity fund dahil baka kung saan lamang ito mapunta.”
[5] Editoryal ng Abante, pinamagatang “Pondo sa rehabilitasyon bantayan” na nalathala noong 13 Oktubre 2009, p. 4.
[6] Editoryal ng Remate, pinamagatang “Wala o Kulang sa Disgrasya” na nalathala noong 4 Oktubre 2009, p. 4.
[7] Editoryal ng Bulgar, pinamagatang “Aanhin pa ang damo kung naibulsa na ang pondo?” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.
[8] Editoryal ng Abante, pinamagatang “Extra power, para saan?” na nalathala noong 10 Oktubre 2009, p. 4.
[9]Editoryal ng Bomba Balita, pinamagatang “Paglala ng Climate Change, Pagtulungan Nating Pigilan” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.
[10] Editoryal ng Bagong Tiktik, pinamagatang “Mga kawal-Kano” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.
[11] Editoryal ng PM (Pang-Masa), pinamagatang “Ang baha at ang di-mapigil na pagdami ng populasyon” na nalathala noong 8 Oktubre 2009.
[12] Editoryal ng Taliba, pinamagatang “Puno balswals, ang bunga balswals din!” na nalathala noong 8 Oktubre 2009, p. 5.
[13] Ibid.
[14] Unang dalawang talata ng editoryal ng Manila Bulletin, pinamagatang “Christians and Muslims: Join hands to combat poverty” na nalathala noong 4 Oktubre 2009. Lumabas din sa Tempo sa naturang araw sa pahina 6.
[15] Unang dalawang talata ng editoryal ng Balita, pinamagatang “Kristiyano at Muslim nagkaisa laban sa kahirapan” na nalathala noong 4 Oktubre 2009, p. 6.
(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa taunang palihan ng INKBLOTS at Varsitarian na ginanap sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 23 Oktubre 2009)