Salin ng tulang Griyegong Δέησις (Panalangin) mula sa koleksiyong The Canon ni C.P. Cavafy, at batay sa saling Ingles ni John Cavafy at nina Edmund Keeley at Philip Sherrard
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Panalangin
Hinigop ng dagat tungo sa itim na kailaliman ang magdaragat.
Isang ina ang nagsindi ng kandila para makaligtas ang anak
Sa panganib, di-alam ang naganap na kapahamakan sa laot,
At sa Birheng Maria ay buong pusong idinulog ang niloloob
Habang nakaabang ang mga tainga sa umaalimpuyong simoy.
Ngunit nang pinagdarasalan, ang ikón ay kumakatal sa taghoy
Ng pagsusumamo sa kaniya habang matamang nakikinig,
Kahit talos na ang tao na iniiyakan ay hindi na magbabalik.

Retrato mula sa kabutihang loob ng http://www.photos8.com