Halaw at salin ng tulang “Adán” ni Federico García Lorca mula sa Espanyol
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Adán
Tigmak sa dugo ng punongkahoy itong umaga
Na ang babaeng bagong panganak ay umuungol.
Ang tinig niya’y bubog sa sugat na umaantak,
At sa bintana’y anyo ng butong sala-salansan.
Sibat ng sinag ay nagtitindig at humahamig
Ng puting hangga nitong pabula na lumilimot
Sa nagtatagis na mga ugat na kumakampay
Tungo sa lilim ng dambuhalang punong mansanas.
Napapangarap ni Adan yaong sinat ng luad
Ng batang paslit na dumarating, patalon-talon
Sa kambal pitlag ng kanyang pisnging mamula-mula.
Ngunit ang Adan na sadyang itim ay nanaginip
Ng buwang patas na walang buto ang mga bato
Na magliliyab ang batang sinag nang walang humpay.