Mula sa Selda

Sasakay ako ng eroplano—yamang naturingang baliw—at iikutin ang mundo sa loob ng kusina o aklatan, at mapapagod dahil wala namang pinupuntahan. Sasakay ako ng submarino at sisisirin ang karagatan sa palibot ng bakuran, at mapapagal dahil palulutangin naman ng armada ng mga bantay. Sasakay ako ng bus patungong kabundukang walang kaparis, habol-habol ng matatapat na kawal na anghel, lilipat sa dyip at motorsiklo nang mailigaw ang tumutugis na sikologo at hukom, hanggang maihatid ng kathang-isip na kabayo o kalabaw palapit sa iyo. Hahanapin kita sa mga magasin o folder, aaninawin ang iyong anino sa kung saang lihim na sisidlan, at yamang wala ka, mapipilitan akong lumabas ng tahanan, magtiwala sa tinig na tumutulay sa himpapawid, at maglakad nang maglakad nang palinga-linga, iisiping makararating diyan, diyan sa kalyeng tinatahak ng iyong balingkinitang hulagway. Matatagpuan kita balang araw, itaga mo sa bato; at matatagpuan mo ako, gaya ng pagbasa mo sa mga salitang ito.

“Mula sa Selda,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 29 Disyembre 2009.

Alcatraz Island

Alcatraz Island, retrato mula sa http://www.pdphoto.org

Advertisements