salin at halaw ng tula ni Cecília Meireles mula sa Portuges de Brazil
salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
PINTO NG GABI
Sumasapit ang mga anghel upang buksan ang pinto ng gabi
sa sandaling napakalalim ng ating paghimbing
at malaganap ang katahimikan sa kaligiran.
Mabubuksan ang pinto’t mapapabuntong-hininga tayo.
Sumasaliw ang mga anghel sa kanilang marikit na musika,
habang sumisigabo ang mga tunika sa simoy- kalawakan;
at magkakasala ang kanilang matatas, di-maarok na dila.
Pagdaka, susupling ang mga bunga’t bulaklak sa mga puno.
Magkakasala-salabat ang mga sinag ng buwan at araw.
Matatanggal ang buhol ng laso sa lawas ng bahaghari.
At lilitaw ang lahat ng hayop nang makaniig ang mga bituin.
Dumarating ang mga anghel para buksan ang pinto ng gabi.
At mauunawaan natin na wala nang sapat na panahon,
na ito na ang ating pangwakas at sukdulang pangitain:
na kumakaway na tayo upang isaad ang pamamaalam,
na lumaya na ang mga paa natin mula sa rabaw ng lupain,
lumaya upang umimbulog na inihayag at pinapangarap
mula pa noong tayo’y ipinanganak nang ganap.
Iniaabot sa atin ng mga anghel ang dibinong paanyaya.
At mangangarap tayo na hindi na muling nananaginip pa.
munting pahabol: HAPPY NEW YEAR SA LAHAT ! ! !
LikeLike
Masagana at mapayapang bagong taon sa iyo at sa iyong mga minamahal.
LikeLike
Happy New Year!!!
Ayos sa arayt ang iyong tula! I like it!!!
LikeLike