C-5 at Tiyaga

Habang umiinit ang kampanya, umiinit din ang ulo ng mga senador, at may kinalaman dito ang imbestigasyon hinggil sa proyektong C-5 na kinasasangkutan ng butihing Sen. Manny Villar.

Sa unang malas ay mabigat na usapin ng korupsiyon ang isyu. Inilihis umano ang pagawaing bayan sa mga subdibisyong pag-aari ni Villar, at ito ang pinagkakitaan ng bilyong piso ng kaniyang mga korporasyon. Doble umano ang isiningit na lahok sa panukalang badyet ng senado hinggil sa proyekto;  at labis ang presyong ipinatong hinggil dito. Nagkaroon ng pagdinig sa senado ngunit hindi dumalo si Villar, at ikinatwirang pampolitikang sirkus lamang iyon, dahil ang mga imbestigador ay pawang tumatakbong kandidato sa pambansang halalan. Sa kabilang dako, isa umanong pambabastos iyon ng senador sa kagalang-galang na institusyon, dahil nakasalalay doon ang dangal ng buong senado lalo’t mabigat na usapin ang pangungurakot sa kabang-yaman ng bansa.

Ang pinagtatalunan ngayon ay kung dapat kilalanin ang ulat ng Komite ng Etika sa senado. Binigyan ng sapat na panahon ng komite ang panig ni Villar para maghain ng kontra-ebidensiya, saksi, at iba pang kaugnay na detalye ngunit walang nangyari. Ni hindi sinipot ni Villar ang komite, na isang taktika upang maipamalas niya na wala siyang kasalanan at walang awtoridad ang komite na litisin ang gayong kaso. Lumitaw pa ang isyu na sinuhulan umano ni Villar si Sen. Juan Ponce Enrile, ngunit kahit ang ganitong paratang ay nangangailangan ng matibay na ebidensiya, na ang tanging susuhay lamang ay ang integridad ng pangulo ng senado at pinuno ng Komite ng Etika. Sa tono ni Enrile, libong kaso na aniya ang naipanalo niya sa korte, at alam na niya, kahit sa galaw ng katawan, kung ano ang ipinahihiwatig ng kaniyang kausap.

Na sinusuhulan siya para manahimik.

Sa kabilang dako’y may punto rin si Villar. Ang pagkilala sa awtoridad ng Komite upang litisin siya sa paratang na isinampa ni Sen. Jamby Madrigal ay isang anyo ng pagkilala sa kadalisayan ng layon ng mga kasapi ng lupon. Na kaduda-duda. Kalahati ng senado ay kandidato sa halalan, at tumatakbong senador kung hindi man pangulo o ikalawang pangulo, at hindi mapapalis ang agam-agam ng mabahong paglilitis para sumikat sa madla ang isang kandidato. Ang paglilitis ay napataon pa sa panahon ng kampanya, at ang anumang pagdinig ay maaasahang mababahiran ng pamomolitika. Ang pagbabatuhan ng putik at makukulay na taguri noong nakalipas na araw ay senyales na hindi kayang panatilihin ng senado sa linya ng matwid na lohika ang usapan.

Hindi magtutugma ang mga argumento ng magkatunggaling panig dahil ang panig ni Enrile ay para sa pagpapanatili ng dangal ng institusyong kinabibilangan ng mga mambabatas, at ang ulat ng komite ay pormalidad ng awtoridad ng nasabing institusyon. Ngunit sa panig ni Villar, kahit ang simpleng Komite ng Etika ay maaaring kasangkapanin sa pampolitikang hakbang upang pabagsakin ang kalaban. Batid ito ni Villar, dahil siya ang pinuno noon ng Mababang Kapulungan at pinangunahan ang pagpapatalsik sa poder kay Pang. Joseph Ejercito Estrada. Ang pagkakaiba lamang, masyadong iginalang ni Estrada ang esensiya ng batas; samantalang kay Villar, ang batas ay malalabag ng mambabatas kung nais niyang manatili pa sa kapangyarihan.

Kaya usaping pampolitika rin kahit ang pagpuna ng Komite ni Enrile kay Villar. Ang nasabing komite ay umatang ng tungkulin ng isang hukuman, na ang mga ebidensiya at saksing iniharap ni Madrigal ay tinanggap ng lupon nang walang kasalungat na tugon mula kay Villar. Ibig sabihin, isahang panig lamang ang narinig. Hindi narinig si Villar na ipagtanggol ang kaniyang sarili, dahil minabuti niyang kilalanin ang kapangyarihan ng midya na ipamansag ang katotohanan at “hulihin ang puso at isip ng publiko.” Higit na nakabuti sana kung hinamon ni Villar ang kaniyang mga katunggali na magsampa ng kaso sa tumpak na hukuman, imbes na gawing hukuman ang senado.

Mawawalang-saysay ang ulat ng Komite ni Enrile, maliban na lamang kung may kapangyarihan ang naturang lupon na magpataw ng mabigat na parusa na ikayayanig ni Villar. Subalit kung magaganap ito, lalong magiging martir sa mata ng madla ni Villar, ang dating dukhang umangat sa negosyo at naging politiko, na ngayong nagtatangkang maging pangulo ng Filipinas ay nakaamba naman ang tabak ng kamatayan. Isa lamang ang matututuhan sa kaso ni Villar: dalhin sa tumpak na korte ang kaso. Kung kinakailangang sagutin ni Villar ang kaniyang kaso, ang kasong iyon ay dapat nililitis ng mga tao na may pambihirang integridad at talino, at walang lihim na adyendang gaya ng kulay ng partido. Kinakailangan din ang tiyaga sa paglilitis, at pasensiyang hihigit sa karaniwang gawi ng tao.

Paliko-liko man ang C-5, wika nga, ay sa korte pa rin ang tuloy. At ito ang sasagutin ng butihing Sen. Manny Villar, magwagi man o mabigo siya sa pambansang halalan sa darating na Mayo.

Advertisements