“Pitho” ang sinaunang taguri sa sinumang matandang tao na nakakikita sa hinaharap, at gaya ni Teiresias ay magiging gabay ni Oedipus para harapin ang kapalaran. Isang katangian ng pitho ang kakayahang buksan ang isip at loob para makita ang posibilidad ng mga pangyayari, at mabigyan ng babala ang sinuman sa anumang sasapit na panganib o kapahamakan. Halimbawa, kung paanong magwawagi o magagapi ang isang tao sa darating na eleksiyon; o kaya’y kung yayaman ang isang palaboy dahil sa suwerte sa lotto o pagtanggap ng mana mula sa kung sinong maykayang magulang.
Makapangyarihan ang pitho dahil inaakala ng marami na kung ano ang makita ng pitho sa guniguni at masagap sa pahiwatig ng mga bituin at planeta ay nakatakdang maganap at wala nang lakas at bait ang sinuman para baguhin ang agos ng pangyayari. Sa paulit-ulit na buhos ng tubig ay mahuhulaan ng siyentista ang magiging epekto nito sa pagkabiyak ng semento o pagguho ng lupa; gaya lamang ng mahuhulaan ng eksperto kung hanggang saan ang kakayahan ng lubid kapag binatak nang sukdol. Samantala, nakikinig ang pitho sa kaniyang makapangyarihang kutob, at ang kutob na ito ang gumagawa ng kalkulasyon sa kombinasyon ng mga pangyayari sa buhay ng isang tao.
Naiiba ang pitho dahil ang hula ay nakasalalay sa paniniwala, at walang matibay na batayang siyentipiko. Ang batayan ay ang mga dating pangyayari na nakapaloob sa kasaysayan; at sa pagsasaalang-alang ng siklo, ang sinaunang pangyayari ay pinaniniwalaang magbabalik, gaya ng pagputok ng bulkan, pagsapit ng siyam-siyam, pagsalakay ng peste, at paglaganap ng digmaan. Hinuhuluan ng pitho ang tatlong yugto: una, ang indibidwal; ikalawa, ang bayang ginagalawan niya; at ikatlo, ang pangkalahatang daigdig at puwersang makaaapekto sa indibidwal. Sa ganitong pangyayari, gumagamit ang gaya ng mga manghuhulang Tsino at Indian ng mga agimat at simbolo upang umiwas sa malas at tumanggap ng labis-labis na suwerte.
Kung may kapalaran ang tao, may kapalaran din umano ang bansa.
Kung babalikan si Oedipus, ang kaniyang kapalaran ay kaugnay ng Corinth na nilakhan niya, at maidurugtong sa pagtahak niya sa sangandaan patungong Thebes. Maláy si Oedipus sa tadhanang isinaad ng orakulo, at ang magulang niyang iniwasang patayin ay makakasagupa at mapapatay nang di-sinasadya para maipagtanggol ang sarili. Siya ang aalam ng sariling kapalaran, kung bakit may salot sa kaniyang bayan, at kung paano malulutas iyon, na parang pagsagot sa palaisipan ng Espinghe. Matibay ang paniniwala ni Oedipus sa pagiging matwid at maangas. Ang katigasan ng kaniyang loob ay mauuwi sa pagdukit sa sariling mga mata, nang mabatid na siya ang pumatay sa amang si Laius at pakasalan ang inang si Jocasta. Lalayo siya tungo sa ibang bayan, habang taglay ang pighating mamanahin ng kaniyang mga anak.
Sa Filipinas, hindi kinakailangan kung minsan ang pagsangguni sa hula bagkus sa sarbey. Halimbawa, tiyak na ang pagkatalo nina Vetallano Acosta, Dick Gordon, JC delos Reyes, Jamby Madrigal, Nick Perlas, at Eddie Villanueva, na kung hindi man ituring na panggulo na kandidato sa halalan, ay malayang mangarap maging pangulo sa ngalan ng kalayaan at demokrasya. Maiiba nang kaunti ang kapalaran nina Gibo Teodoro, Erap Estrada, Noynoy Aquino, at Manny Villar dahil kahit paano’y may mga partido silang masasandigan. Magkakatalo lamang dahil si Noynoy ay may pagkamatwid, bagaman magulo ang pagpapatakbo ng partido at kampanya, at walang kaugnayan sa kaniyang husay na maging pangulo kung siya man ay may dugong bughaw o dugong martir. Mahusay si Gibo ngunit kulang sa panahon ng paghahanda para makilala, bukod sa bulok ang mga kaalyado sa administrasyon. Masalapi si Manny ngunit may batik ng korupsiyon ang pangalan. At si Erap na hindi lang matanda at kulang sa makinarya sa lokal na antas ay nakasandig pa rin sa dating masang naghalal sa kaniya.
Pinakamagandang halimbawa ng pagharap sa kapalaran ang ginagawa ni Erap. Posibleng nadarama niya na matatalo siya sa halalan, ayon sa hula ng mga sarbey, at nababawasan ang kaniyang kasikatan, ngunit ibig niyang mabatid sa isa pang pagkakataon kung ano ang pulso ng taumbayan. Iba ang pintig ng masa na sumasalubong sa kaniya sa iba’t ibang panig ng kapuluan, at ito ang hahangaan kahit ni Sen. Juan Ponce Enrile. Hindi umano nangurakot si Erap, at kahit ipintas ang kaniyang dating pakikipagbarkada sa mga sugarol, lasenggo, at babaero ay matagal na niyang pinagsisihan yaon, bukod sa sinikap pangasiwaan nang maayos at malinis ang Filipinas. Ibig umano niyang bumawi mula sa dating kabiguan, panlilibak, at pagkakabilanggo, sanhi ng kudeta sa ngalan ng Aklasang Bayan.
At haharapin niya ang pagsagot sa palaisipan ng makabagong espinghe sa katauhan ng midya, negosyo, at akademya. Maaaring mapatay niya nang di-sinasadya ang sariling ama, ngunit ang amang ito ay hindi ang kaniyang ama na nagpatapon sa kaniya sa kung saang bundok at nagtusok ng makamandag na karayom sa paa ng sanggol, bagkus maaaring ang ama ay nasa kaniyang katauhan mismo. Pakakasalan niya ang sariling ina, ang matalinghagang Inang Bayan, at pagkaraan ay maririmarim at magsisisi dahil sa insestong ugnayan. Si Erap ang maaaring bumulag sa sarili, at magpatapon nang kusa sa ibang bansa, ngunit mamamatay siyang humaharap sa kapalaran, at kahit matigas ang ulo’y hihingi sa kaniya ng paumanhin ang mga dating kalaban sa politika sa ngalan ng katubusan.
May aral tayong makukuha kay Erap. At ito ay ang harapin ang kapalaran nang taas-noo, matatag, at bukas-palad sa kabila ng paghihirap.