salin ng mga tula ni William Jay Smith mula sa orihinal na Ingles
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
DALAGITANG ITIM
Oo, siya’y itim. Walang bahid rosas ang kaniyang pisngi,
Walang munting siklab, walang gintong butil tulad ng sa langit.
Itim din ang uling. Ngunit sindihan mo saka magparikit,
At lulundag bigla ang mga talulot ng rosas sa tindi.
[mula sa Pranses ni Paul-Jean Toulet]
MGA ROSAS AY PULA
Mga Rosas ay pula
Bughaw ang biyoleta
May bituin ang langit
Ngunit ikaw ang ibig.
Mga rosas ay pula
Asul naman ang lila
Ako ay nagliliyab
Na kalan mong maalab.
Mga rosas ay pula
At pink ay pink talaga
Kung ako’y may gayuma
Inumin mo, o sinta!
NARCISO
Narciso.
Ang halimuyak mo.
At ang lalim ng sapa.
Mananatili ako sa iyong gilid.
Bulaklak ng pag-ibig.
Narciso.
Kumukutitap sa iyong mata
ang himbing na isda’t anino.
Nagbabarnis sa paningin ko
ang mga ibon at paruparo.
Maliit ka at ako’y matangkad.
Bulaklak ng pagmamahal.
Narciso.
Anung likot ng mga palaka!
Hindi nila iiwang mag-isa
ang salaming nagpapamalas
ng iyo at aking deliryo.
Narciso.
Ang aking pighati.
At ang sarili ng aking pighati.
[mula sa Espanyol ni Federico García Lorca]
gusto ko yung dalagitang itim. maganda, maiksi at simple ang pagkakasulat
LikeLike