salin ng tula ni Paramahansa Yogananda
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo
ANO ANG PAG-IBIG
Ang pag-ibig ay halimuyak ng sumupling na lotus.
Ito ang tahimik na koro ng mga talulot
Na umaawit ng armonya ng taglamig na pantay
Ang kariktan.
Ito ang awit ng kaluluwa, na humihimig sa Diyos.
Ito ang balanseng ritmo ng sayaw ng mga planeta—
Kabilang ang araw at buwang nakasindi
Sa bulwagan ng langit na hitik sa bulak na ulap—
Sa palibot ng makapangyarihang Tahimik na Bait.
Ito ang uhaw na rosas na umiinom ng liwanag
At namumula nang masigla.
Ito ang nanghihimok sa sangkalupaan
Para ipasuso ang kaniyang gatas sa maliliit, uhaw
Na ugat,
At alagaan ang lahat ng buhay upang makairal.
Pag-ibig ang lingid na paghahanap ng Dibinong Ina
Na sumasanggalang sa anyong ama,
At nagdudulot ng gatas ng kayumian ng ina
Sa mga bibig na nangangailangan ng kalinga.
Ito ang kalugod-lugod na anyo ng mga sanggol,
Na umaamo ng ulan ng kabutihang loob ng magulang
Upang bumuhos sa kanila.
Ito ang malayang pagsuko ng sinta sa kaniyang katipan,
Upang magsilbi at magpalubag.
Ito ang mahiwagang gamot ng pakikipagkaibigan,
Na nagpapahilom ng mga wasak at sugatang kaluluwa.
Ito ang sigasig ng martir na magbuwis ng dugo
Para sa kaniyang minamahal na Tinubuang Bayan.
Ito ang tahimik, kagalang-galang na panawagan ng puso
Sa kapuwa puso.
Ito ang kirot ng loob ng makatang malapít sa Maykapal
Para sa bawat umuungol, naghihinagpis na nilalang.
Ang pag-ibig ay kalugdan ang liping rosas ng talulot,
At lumaganap sa malawak na bukirin—
Lampasan ang lagusan ng panlipunan, pambansa,
At pandaigdigang simpatya,
Sa walang hanggahang Tahanang Kosmiko—
Upang sumilay nang may panggigilalas at paghanga
At pagsilbihan ang lahat ng nabubuhay,
Walang tinag man o kaya’y kusang gumagalaw.
Ito ang pag-alam kung ano ang pag-ibig.
Alam niya kung sino ang isinasabuhay ang gayon.
Pag-ibig ang nakabubuting tawag ng ebolusyon
Sa mga napariwa’t naligaw na anak
Upang umuwi sa bahay ng Kaganapan.
Ito ang panawagan ng kagandahang nakadamit
Upang sambahin ang dakilang Kariktan.
Ito ang panawagan ng Bathala
Sa pamamagitan ng tahimik na karunungan
At pagsambulat ng sinag mula sa kaloob-looban.
Ang pag-ibig ay Kalangitan
Tungo sa mga bulaklak, ilog, bansa, atomo,
At nilalang na pawang
Matwid nating nilalandas nang humahagibis,
O paliko-liko’t masalimuot na daan ng kamaliang
Ang sukdol ng kasasapitan ay kanlungan din ng lahat.