Lumalabas siya ng bahay at ang bahay ay aandar nang kusa para uyamin ang panuto ng pag-iral. Aandar ang bahay sa guniguni ng malagkit na sala o mapanghing kubeta, mabubulabog sa mga batang uhugin ngunit maliksing nagsusuntukan, maililipat sa opisina sa gitna ng pulong, maisasakay sa kotse para harapin ang kumperensiya, darako sa hotel, unibersidad, o supermarket para tuparin ang listahan ng tipanan, asignatura, at layaw, saka magbabalik sa pagiging bahay pagsapit ng hatinggabi. Bahay na bato, bahay kubo, bahay-bahayan, bahay-aliwan, ano ang kaibahan nito sa bahay na isinisilid mo sa pitaka, o kaya’y inililihim sa kontrata?
Tatakasan niya ang bahay, at uupa ng kasambahay. Iiwan sandali ang itinuturing na tahanan, pababayaan ang bakurang hitik sa mga tuyong dahon, maglalakwatsa kahit alanganin, malulugod sa pagpapatakbo ng bagong kotse, kalilimutan na siya ay magulang o asawa, iaangkas ang dalagang kakilala, totoma marahil sa paboritong tambayan, at pagbalik kinagabihan, ang bahay ay huhugutin sa bulsa at alaala. Matatawa siya dahil bukod sa matatag ay matapat ang kaniyang bahay para magsilbi sa pang-araw-araw na pangangailangan. Pagpaloob niya sa garahe, mauulinig niya ang mga kaluskos at pagaspas, saka maaaninag ang mga nakadapong kuwago sa nakaawang na bintana.
At pagbukas niya ng tarangkahan, ni hindi siya papansinin ng sinumang multong namamahay.
“Ang Banyaga,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 23 Pebrero 2010.