salin ng mga tula ng makatang Slovak Immanuel Mifsud
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
ANG BATO
May isang bato na ibig kong itago mo.
Nakatago ito sa aking dibdib na kumikirot.
Ibig kong kunin mo iyon, gawing bulaklak
upang bigyan ng mga kulay ng iyong anyo.
Lumuluha ang bato tuwing takipsilim
at bumibigat nang bumibigat nang lubos,
bumibigat sa dugo, bumibigat sa pighati,
at bumibigat sa umiikling paghinga.
Hinihintay nito ang iyong pagdalaw.
Hinihintay yapakan ng hubad mong paa’t
luhuran, nang mahagkan ang iyong tuhod
para sa araw na aangkinin mo ang bato.
TANONG
Tumingin ka sa akin, magandang binibini:
Totoo ba na sinumang tumawid sa dagat
upang dumaong sa malungkot mong lupain
ay nagwawakas na said ang dugo’t kalansay?
PANGGABING TREN
Hinahawi ng tren ang karimlan. Gumagapang ito
at tumatawid sa mga antuking bayan na naiilawan
ng poste sa dulo ng mga estasyon na naghahayag
ng pagdating at paglisan, at ng itim na pagyao
ng tren na humahati sa dilim
at hindi kailanman makararating.
BIYAHE MULANG VRÚTKY HANGGANG BRATISLAVA
Ikinandong ko ang iyong ulo habang nasa tren
at nabatid na pinagod ka ng biyahe kaya nahimbing.
Tiningnan kita at napansing ito na ang wakas.
Ang naiwan ay ang aking huling pagmamadali
na habulin ang eroplano na maghahatid sa akin
pabalik sa lupaing ibig kong ibigay sa iyo,
sa lupaing babalikan ko nang mag-isa.
Saan ko hahanapin ang kakaibang disenyo
na iginuhit sa alabok para sa akin?
Sinulyapan ko ang iyong pandulong puting anyo
at naunawaang ito na, ito na ang wakas.
Ito ang panahon, at panahon ang laging nagdidikta.
Sir, maaari ko po bang ipost ang tulang Ang Bato sa aking blog? Ginawan ko po ito ng English translation mula sa inyong salin sa Pilipino. Nagandahan po kasi ako sa tula.
Maraming salamat po.
LikeLike
Maaari mong ipaskil muli ang tula. May salin sa Ingles na ginawa mismo ang awtor, ngunit posibleng higit na maganda ang iyong salin sa Filipino.
LikeLike
Sinusubukan ko po ngayon ang pagsasalin, at napag-alaman kong matinding disiplina ang kailangan sa ganitong gawain. Sana ay mabigyan ko ng hustisya ang tula ni G. Mifsud, pati na rin ang inyong salin sa wikang Pilipino. Salamat pong muli. 🙂
LikeLike
Pingback: The Stone « court of reverie et al.