salin ng tula ni Roberto Bolaño mula sa Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
GODZILLA SA MEHIKO
Makinig kang mabuti, anak: umuulan ng bomba
sa Lungsod Mehiko
ngunit ni wala man lang nakapapansin.
Inililipad ng hangin ang lason papaloob
sa mga lansangan at bukás na bintana.
Katatapos mo lamang kumain at nanonood
ng kartun sa telebisyon.
Nagbabasa ako sa silid na kalapit mo
at nabatid na malapit na tayong mamatay.
Bagaman nahihilo at nasusuka’y pinilit kong
pumunta sa kusina at natagpuan kang nakadapa.
Niyakap kita. Tinanong mo ako kung ano ang nagaganap.
Hindi ko sinabi sa iyong nasa programa ka ng kamatayan
at sa halip, nagpalusot na maglalakbay lamang tayo
nang napakalayo at hindi ka dapat mangamba.
Nang umalis ang kamatayan, ni hindi man lang ipininid
ang ating mga mata.
Ano tayo, tanong mo makaraan ang isang linggo o taon,
mga langgam, bubuyog, maling numero
sa dambuhala’t panis na sopas ng pagkakataon?
Mga tao tayo, aking anak, halos gaya ng mga ibon,
bayani, at lihim.