Mga tula ni Ho Chi Minh
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
GABI NG TAGLAGAS
Sa tarangkahan, sakbat
ng bantay ang tangang riple.
Tumatakas sa kapal ng ulap
ang buwan sa himpapawid.
Ang paglusob ng laksang surot
ay hukbo ng mga tangke sa gabi.
Ang eskuwadron ng mga lamok
ay alon ng salakay ng eroplano.
Naiisip ko ang aking bayan.
Mithi ko’y lumipad nang malayo.
Ngunit ang pangarap ko’y
nabitag ng mga sapot ng pighati.
Nagwakas ang isang taon dito.
Ano ang aking pagkakasala?
Habang lumuluha’y sumulat
muli ako ng tula ng pagkakapiit.
GABING MALAMIG
Ito ang gabi ng taglagas.
Wala akong sapin ni balabal.
Walang tulog. Halukipkip ko
ang binti’t lawas na naninigas.
Nagniningning ang buwan
sa dahon ng saging na hinamog.
Sa labas ng mga rehas, nanayaw
sa polo ang Dawong-dawungan.
BALIGTARAN
Itatatag ng lumayang mga bilanggo ang bansa nila.
Mula sa labis na kamalasan ay aahon ang katapatan.
Ang mga kaluluwang ligalíg ang pinakamababait.
Pagbukas ng bilibid, lalabas ang tunay na bakunawa.

Bilanggo, larawan mula sa http://www.historycommons.org