Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
MANANATILI ANG AWIT
Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.
Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.
LARO NG PAG-IBIG
Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.
Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.
SA HAPAG NG SIMOY
Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,
sa alimbukay ng alikabok,
ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,
sa hapag ng hangin,
ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.
DALISAY
Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.
Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,
dahil may puso ka
na walang bahid ng mga pagnanasa.