Salin ng tulang “Plainte d’automne” (1864) ni Stéphane Mallarmé.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
HINAGPIS NG TAGLAGAS
Nang iwan ako ni Maria para dumako sa ibang bituin—sa Orion man o Altaír o lungting Venus—inibig ko nang madalas ang pag-iisa. Kapiling ko ang aking pusa sa paglulustay ng mga araw. Katumbas ang pag-iisa ng kasalatan sa materyal na pag-iral, at ang pusa ang aking mistikong kaibigan, isang espiritu. Masasabi kong nakaraos ako sa mahahabang araw nang mag-isa kapiling ang pusa, na isa sa mga pangwakas na awtor ng dingal ng Romano; at yamang wala na akong minahal nang kakatwa at natatangi kundi ang puting nilalang, lahat ay malalagom sa isang salita: taglagas. Kaya, sa buong taon, ang paborito kong panahon ay pinakamabagal na yugto ng tag-araw bago ang taglagas; at sa isang araw, ang sandaling naglalakad ako’t magbabantulot ang araw bago maglaho, na may mga bronseng sinag sa abuhing pader, at liwanag na mamula-mulang tanso na bumabalatay sa mga tisa. Ang panitikan—na pinaghuhugutan ko ng malayaw na libog ng kaluluwa—ang magiging pahirap na panulaan ng dulong yugto ng Roma, hangga’t hindi ito bumubuga ng hininga ng masisiglang tindig ng Barbaro o mautal sa paslit na Latin gaya ng sa prosang Kristiyano. Binabása ko ang isa sa matatalik na tula (na kaakit-akit ang tiklap na pula kaysa sariwang lamán), at ipinaloob ang kamay sa purong balahibo ng hayop, samantalang pagod at malungkot na tumutugtog ang organo sa ilalim ng aking bintana. Sumasaliw iyon sa malawak na landas ng mga álamo na ang mga dahon, kahit sa tagsibol, ay waring nagdadalamhati nang daanan ni Maria, na tinatanglawan ng mga kandila ang paglalakbay. Instrumento ng kalungkutan iyon at walang pasubali: kumikislap ang piyano, nagluluwal ng liwanag ang biyolin mula sa mga wasak nitong himaymay, ngunit ang organong pangkalye sa munting sinag ng gunita ay nagiging sanhi ng aking balisang pananaginip. Humuhuni ito ngayon ng de-kahong awiting kasiya-siya at lumulukob sa mga karatig-nayon nang may himig na karaniwan at sinauna: Bakit tumatagos sa kaluluwa ang mga titik na iyon, at nagpapaluha sa akin, gaya ng romantikong balada? Marahan kong ninamnam ito, at hindi naghagis ng kusing sa bintana sa pangambang magulo ang diwa ko’t matuklasan, na hindi lamang instrumento ang siyang tumutugtog.