Salin ng mga tula ni James Joyce
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
SIMOY NG MAYO
Simoy ng Mayo’y sayaw sa dagat,
Sayaw paikot, galak na galak
Kulot sa kulot, habang sa tuktok
Bula’y pahiyas na isusuot.
Sa arkong pilak ng himpapawid,
Ikaw ba, mahal, itong nabatid?
Aba mo ngani, kay-lungkot nito
Paghihip niyong simoy ng Mayo!
Nang lumayo ka’y niyak ang mundo!
DINIG KO ANG HUKBONG PALUSOB SA LARANG
Dinig ko ang hukbong palusob sa larang
At singhal kabayong may ulap sa tuhod:
Itim at maangas ang baluti’t sakay
Ang mga awrigang ang renda’y may poot.
At sisigaw sila sa wika ng digma
Na bangungot ko ang mga halakhak.
At sa panaginip, ang apoy ng diwa’y
Papanday sa pusong maso ang katumbas.
Lungti yaong buhok nang sila’y dumating,
Maingay sa baybay ang pananagumpay.
Mahal, wala ka bang bait at panimdim?
Sinta ko, sinta ko, bakit ka lumisan?
NARIRINIG KO SA BUONG ARAW ANG SALUYSOY
Naririnig ko sa buong araw ang saluysoy
Na umuungol
Matamlay, gaya ng kanaway na lumilipad
Nang nag-iisa
At nakikinig sa monotonong pagpalahaw
nitong tubigan.
Kay-lamig ng hihip ng abong-simoy saanman
ako dumako.
Naririnig ko ang ingay ng laksang tubigan
Sa may ibaba.
Buong araw at gabi, dinig ko’y mga along
Pabalik-balik.