Tatlong Sarili ni Juan Ramón Jimenéz

Tatlong tula ni Juan Ramón Jimenéz
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KARAGATAN

May kutob ako na ang aking bangka
ay bumangga, doon sa kailaliman,
sa dambuhalang bagay.
At walang
naganap! Wala. . . Katahimikan. . . Mga alon. . . .

—Walang nangyari? O nangyari lahat,
at nakatayo tayo ngayon, tahimik, sa bagong buhay?

AKO AY HINDI AKO

Ako ay hindi ako.
Ako ito
na naglalakad sa tabi ko na hindi ko makita,
na may sandaling dinadalaw ko,
at kung minsan ay aking nakakaligtaan;
siya na mananatiling tahimik habang umuusal ako,
siya na magpapatawad nang maluwag kapag poot ako,
siya na maglalakad kung saan kapag nasa bahay ako,
siya na magpipilit na nakatayo kapag ako’y yumao.

KABILUGAN NG BUWAN

Bukás ang pinto,
umaalunignig ang kuliglig.
Maglalakad ka ba
nang hubad sa bukid?

Gaya ng inmortal na tubig,
na labas-masok sa lahat ng bagay.
Maglalagalag ka ba
nang hubad sa hangin?

Hindi tulog ang basil,
at abala ang langgam.
Kakayod ka ba
sa bahay nang nakahubad?

Dalampasigan sa Batanes, kuha ni Lita Asis-Nero. 2010.

Dalampasigan sa Batanes, kuha ni Lita Asis-Nero. 2010.