Dalawang Tula ni Langston Hughes

salin ng mga tula ni Langston Hughes
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

NAGWIWIKA NG MGA ILOG ANG NEGRO

Batid ko ang mga ilog:
Batid ko ang mga ilog na sintanda ng daigdig at higit na matanda sa daloy
ng dugo ng tao sa mga ugat ng tao.

Lumalalim ang aking kaluluwa tulad ng mga ilog.
Naligo ako sa Ewfrates nang musmos pa ang mga madaling-araw.
Nagtayo ako ng kubol malapit sa Congo at pinahimbing ako sa pagtulog.
Tinanaw ko ang Nilo at nagtirik ng mga piramide sa ibabaw niyon.
Narinig ko ang awitan sa Mississippi nang si Abe Lincoln ay magtungo
pababa ng New Orleans, at nakita ko ang maputik nitong dibdib
na naghunos ginintuan pagsapit ng takipsilim.

Batid ko ang mga ilog:
Ang sinauna, makulimlim na mga ilog.

Lumalalim ang aking kaluluwa tulad ng mga ilog.

AKO RIN

Inaawit ko rin ang Amerika.
Ako ang higit na maitim na kapatid.
Pinapupunta nila ako sa kusina para kumain
Kapag dumating ang pangkat,
Ngunit tumatawa lamang ako,
At kumakain nang sapat,
At lumalaking malakas.

Bukas,
Naroon ako sa hapag-kainan
Kapag dumating ang pangkat.
Walang maglalakas-loob magsabi
Sa aking,
“Kumain ka sa kusina,”
Doon.

Bukod pa’y
Makikita nila kung gaano ako karikit
At walang pagkapahiya—
Ako rin ay ang Amerika.