Tulang tuluyan ni Sjón (Sigurjón Birgir Sigurdsson) mula sa Iceland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Bernard Scudder
ANG PAGSUSULAT AY PAKIKINIG SA IYONG SARILI
Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Ang galít na lalaki’y nagsalita sa malakas na tinig at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. Anuman, winika niya ang ganito:
Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa sarili mo.
Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na nagmula sa Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha mo, bumubuhos ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.
Anuman, nagsalita nang malakas ang masungit na lalaki at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na lasing siya o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:
Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao.
Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at abot-tuhod ang buhok, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na numero dose o trese, mulang Breidholt patungong bayan, habang bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd (na dati’y latian).
Nahintakutan ang mga pasahero’t palihim na nagbulungan, ngunit nakita ng bawat isa ang pagsingaw ng hininga mula sa kanilang mga labi: “HIndi ba magwawakas ang umagang ito?”
Anuman, ang galít na lalaki’y suminghal nang malakas na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:
Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao na pinag-uusapan ang kanilang mga sarili.
Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang tao. Makapal ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa bus na mulang Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha ng lahat, bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito doon sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.
Anuman, ang mukhang demonyong lalaki’y pasinghal na nagsalita na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama lamang ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:
“Narito sa bus ang isang kabataang lalaki, kung lalaki ang tumpak na salita yamang nakababata siya, at mayroon siyang mga aklat sa bag, ang mga aklat na ipinaloob niya sa bag. Para malaman mo, sinisikap niyang ipagbili ang naturang mga aklat, at dahil tayo’y inuulan ng yelo malapit sa ilaw-trapikong ito, sasabihin ko na lamang na nabasa ko na iyon . . . .
Siniko siya ng kasamang lalaki at dumura: “Tumahimik ka, iyan si Sjón. . . .”