Dalawang Parabula ni Kahlil Gibran

Parabula at tulang tuluyan ni Kahlil Gibran
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALYÁN

Sinabi ko minsan sa balyán, “Pagod ka na marahil sa katatayo sa malungkot na bukiring ito.”

At sumagot siya, “Malalim at tumatagal ang tuwa ng pangangalaga, at hindi ako kailanman napagal.”

Sumabat ako, makaraan ang isang minutong pag-iisip, “Totoo iyan; dahil ako rin ay nabatid ang ganiyang kasiyahan.”

“Tanging ang siksik sa dayami,” ani Balyán, “ang makababatid niyon.”

At iniwan ko siya, nang hindi alam kung pumapanig ba siya sa akin o minamaliit ako.

Lumipas ang isang taon, at ang balyan ay naghunos na pilosopo.

At nang muling mapadaan ako sa harap niya, nakita ko ang dalawang uwak na gumagawa ng pugad sa ilalim ng kaniyang salakot.

BATHALA

Noong sinaunang panahon, nang ang unang pangangatal ng pagsasalita’y sumapit sa aking labi, umakyat ako sa sagradong bundok at kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Panginoon, ako ang iyong alipin. Batas ko ang lihim mong niloloob, at susundin kita magpakailanman.”

Ngunit hindi tumugon ang Diyos, at gaya ng malakas na unos ay biglang naglaho.

At pagkaraan ng sanlibong taon, umakyat ako sa sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagwikang, “Maykapal, ako ang iyong likha. Hinubog mo ako mula sa luad at utang ko sa iyo ang lahat.”

At hindi tumugon ang Diyos, at tulad ng laksang bagwis ay lumipad kung saan.

At pagkaran ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Ama, ako ang iyong anak. Isinilang mo ako sa awa at pag-ibig, at sa pamamagitan ng pag-ibig at pagsamba’y mamanahin ko ang iyong kaharian.”

At hindi sumagot ang Diyos, at gaya ng ulop na lumulukob sa malalayong dalisdis ay naglaho kung saan.

At pagkaraan ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagsabing, “Diyos ko, ikaw ang aking mithi at kaganapan, ako ang iyong nakaraan at ikaw ang aking bukas. Ako ang iyong ugat sa lupa at ikaw ang aking bulaklak sa kalawakan, at sabay tayong lumalago sa harap ng mukha ng araw.”

At humilig sa akin ang Diyos, at bumulong ng matatamis na salita sa aking pandinig, at kahit gaya ng dagat na pumapalibot sa batis na dumadaloy palaot, lumukob siya sa akin.

At nang bumaba ako sa mga lambak at tinahak ang kapatagan, naroon din pala  ang Bathala.

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons. Dominyo ng publiko.