Awit at Pag-ibig ni Mahmud Kianush

Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MANANATILI ANG AWIT

Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.

Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.

LARO NG PAG-IBIG

Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.

Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.

SA HAPAG NG SIMOY

Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,

sa alimbukay ng alikabok,

ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,

sa hapag ng hangin,

ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.

DALISAY

Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.

Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,

dahil may puso ka

na walang bahid ng mga pagnanasa.

Mga Kabayo

Mga Kabayo, mula sa artsibo ng fithfath.com. Dominyo ng publiko.

Advertisements

Tatlong Talinghaga ni Ho Chi Minh

Mga tula ni Ho Chi Minh
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

GABI NG TAGLAGAS

Sa tarangkahan, sakbat
ng bantay ang tangang riple.

Tumatakas sa kapal ng ulap
ang buwan sa himpapawid.

Ang paglusob ng laksang surot
ay hukbo ng mga tangke sa gabi.

Ang eskuwadron ng mga lamok
ay alon ng salakay ng eroplano.

Naiisip ko ang aking bayan.
Mithi ko’y lumipad nang malayo.

Ngunit ang pangarap ko’y
nabitag ng mga sapot ng pighati.

Nagwakas ang isang taon dito.
Ano ang aking pagkakasala?

Habang lumuluha’y sumulat
muli ako ng tula ng pagkakapiit.

GABING MALAMIG

Ito ang gabi ng taglagas.
Wala akong sapin ni balabal.

Walang tulog. Halukipkip ko
ang binti’t lawas na naninigas.

Nagniningning ang buwan
sa dahon ng saging na hinamog.

Sa labas ng mga rehas, nanayaw
sa polo ang Dawong-dawungan.

BALIGTARAN

Itatatag ng lumayang mga bilanggo ang bansa nila.
Mula sa labis na kamalasan ay aahon ang katapatan.
Ang mga kaluluwang ligalíg ang pinakamababait.
Pagbukas ng bilibid, lalabas ang tunay na bakunawa.

Bilanggo

Bilanggo, larawan mula sa http://www.historycommons.org

Godzilla sa Mehiko ni Roberto Bolaño

salin ng tula ni Roberto Bolaño mula sa Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

GODZILLA SA MEHIKO

Makinig kang mabuti, anak: umuulan ng bomba
sa Lungsod Mehiko
ngunit ni wala man lang nakapapansin.
Inililipad ng hangin ang lason papaloob
sa mga lansangan at bukás na bintana.
Katatapos mo lamang kumain at nanonood
ng kartun sa telebisyon.
Nagbabasa ako sa silid na kalapit mo
at nabatid na malapit na tayong mamatay.
Bagaman nahihilo at nasusuka’y pinilit kong
pumunta sa kusina at natagpuan kang nakadapa.
Niyakap kita. Tinanong mo ako kung ano ang nagaganap.
Hindi ko sinabi sa iyong nasa programa ka ng kamatayan
at sa halip, nagpalusot na maglalakbay lamang tayo
nang napakalayo at hindi ka dapat mangamba.
Nang umalis ang kamatayan, ni hindi man lang ipininid
ang ating mga mata.
Ano tayo, tanong mo makaraan ang isang linggo o taon,
mga langgam, bubuyog, maling numero
sa dambuhala’t panis na sopas ng pagkakataon?
Mga tao tayo, aking anak, halos gaya ng mga ibon,
bayani, at lihim.

Godzilla

Godzilla, larawan mula sa bloodygoodhorror.com

Dalawang Tula ni Andreas Embiricos

salin ng mga tulang tuluyan ni Andreas Embiricos, batay sa saling Ingles nina Kimon Friar at Karen van Dyck.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA UBAS NG TAGLAMIG

Inagaw nila ang kaniyang mga laruan at mangingibig. Napalungayngay siya at halos mamatay. Ngunit ang labintatlong tadhana, tulad ng kaniyang labing-apat na taon, ay inakit ang papalayong kalamidad. Ni walang umimik. Walang tumakbo upang sumaklolo sa kaniya laban sa mga banyagang pating na naglalatag ng balakyot na pakana sa kaniya, gaya ng langaw na nakatitig nang may malisya sa diyamante o sa kabigha-bighaning lupain. Nang lumaon, malamig na kinalimutan ang kuwento gaya ng malimit mangyari, na nakaligtaan ng bantay-gubat ang kaniyang kidlat sa kahuyan.

BITUING MARIKIT

Ang unang anyo na ginamit ng babae ay sala-salapid na lalamunan ng dalawang dinosawro. Nang lumaon, nagbago ang panahon at nagbago rin ang babae. Lumiit siya, naging malambot, na pag-agapay sa dalawahang palo (sa ilang bansa’y tatluhang palo) ng mga barko na lumulutang sa kamalasan ng paghahanapbuhay. Siya mismo ay lumulutang sa mga eskala ng de-silindrong kalapati ng dambuhalang bigat. Nagbago ang mga panahon at ang babae ng ating panahon ay kahawig ng puwang sa isang pilamento.

Fountain

Fountain, mula sa artsibo ng pdphoto.org

Pabula sa Tag-araw

Napagawî ang tagák doon sa dalísay na sapà. Naákit siyáng tumítig sa túbig, at nakíta niyá ang saríli bílang nápakágandáng babáe sa daigdíg. “Anung hiwagà!” wikà ng tagák. “Walâ nang hihigít pa sa áking maputîng anyô!”

Mayâ-mayâ’y kumilapsáw ang tubig. At humalakhák ang sapà habang nanánalamín doón ang naligáw na íbon. “Bakit ka túmatáwa, butihing sapà?” usisà ng tagák.

Umismíd ang sapà, hábang hinuhugásan sa saluysóy ang mga paá ng tagák. “Nang tumítig ka sa ákin,” sambít ng sapà, “nakíta ko sa iyó ang áking kapalaran.”

“Ngúnit hindi akó pithó ng daigdíg!” salág na tugón ng tagák. “Walâ akóng kapángyaríhan úpang magbunyág ng hináharáp!”

“Ang nakikíta ko sa mga matá mo’y hindî ang tagák na tinitigháw ang úhaw sa tubigan,” tugón ng sapà. “Kundî ang mahiwagàng babáeng mágsisílang sa tag-aráw!” At mulîng napáhalakák ang sapà, na warìng inuúyam ang íbon.

Nagúlat ang tagák sa winikâ ng túbig. At mayâ-mayâ pa’y pumagaspás ito nang mángalísag ang balahíbo, at lumipád palayô sa sapà, hábang sinisíkap takásan ang bágong kabatíran.

Kinábukásan, natuyô ang sapà sa kung anóng dahilán. Bumángon sa mga bató ang isáng lastág na binibíni, at lumákad nang pasúray-súray hábang bumúbulóng ng “Pedro. . . Pedro!” bago pumaloób nang tahímik sa mga salitâng itó.

“Pabula sa Tag-araw,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo at hinalaw mula sa isang sinaunang kuwentong Tsino.
Tagak, kuha ni Jon Sullivan

Tagak, kuha ni Jon Sullivan at hinango mula sa artsibo ng public domain photos.com

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com