Mga tula ni William Carlos Williams
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
SAPPHO, PUMANATAG
May isa lamang na pag-ibig
hayaan itong maging maya
na makikimkim sa dibdib
at araw-araw huhuni nang munti sa atin
ano ang halaga nito?
Ako, sabihin natin, ay umiibig sa babae
ngunit ang totoo
higit kong mahal ang sarili. Mahal ni Sappho
ang musika ng kaniyang
mga awit na bibihirang isaloob
ng mga lalaki para sa kaniya, ang magandang dalaga
na labis niyang kinagigiliwan:
Ito ang aking sarili bagaman
ang kinasusuklamang salamin
ay nagpapamalas araw-araw ng malaki kong ilong.
Malalamig ang lalaki sa akin, giliw ko
ngunit hindi ko ipagpapalit
ang kahusayan ko sa pagkatha para
sa lahat, ang ikalawang ibig, ikaw
na naririto para sa maaalab kong haplos.
CALYPSOS
I
Ang Diyos ay
pag-ibig
kaya ibigin ako
Ang Diyos
ay pag-ibig kaya
ibigin mo ako Diyos
ay
pag-ibig kaya ibigin
ako nang lubos
II
Mahal ang araw
ay
bumabangon
sa umaga
at
sa
gabi’y
gising na gising
na lumilisan
III
Pinanood natin
ang pulang labuyo
na
may dalawang inahin
doon
sa museo
sa
St. Croix
ikinampay ang kaniyang
mga pakpak
gising na gising
at tumitilaok