Kampanya at Kahirapan

Pinakamalupit na panahon ang Abril, kung hihiramin ang dila ni T.S. Eliot, at idaragdag kong isinisilang nito ang mga bulaklak ng kampanya mula sa tigang na lupain ng propaganda, samantalang dinidiligan ng salapi mula sa bulsa ng mga politiko.

Ipinangangako ni Manny Villar na “tatapusin” ang kahirapan ng mga Filipino, sa pamamagitan umano ng sipag at tiyaga. Maganda mang pakinggan ang gayong islogan, lihis naman ang lohika nito at ang “kahirapan” ay hindi nailulugar ang konteksto, ni hindi naipaliliwanag nang maigi kung bakit nananatiling mahirap ang mga Filipino. Simplistiko ang pagtanaw ni Villar sa kahirapan; at ang kahirapan ay nagiging romantisado ang pagtanaw, gaya ng pagligo sa dagat ng basura.

Isa pang hindi naipaliliwanag ni Villar ay ang mismong “kahirapan.” Sa unang malas ay tinutukoy nito ang kadahupan sa antas ng materyal na pangkabuhayan. Malulutas umano ang kahirapan kung may sipag at tiyaga ang tao. Gayunman, hindi ipinaliliwanag ni Villar ang mga pamamaraan at estratehiya kung paano lulutasin ang gayong problema. Para kay Villar, kung migranteng manggagawa ka na napariwa sa ibayong dagat, ang solusyon ay bigyan ka ng salapi at kaugnay na tulong para makabalik sa bansa. Hindi siya magpapanukala ng paglikha ng negosyo sa loob ng Filipinas; at malabo rin ang kaniyang programa kung paano makatitindig sa sariling mga paa ang bansa para hindi patuloy na umasa sa padalang dolyar ng mga nandarayuhang manggagawa’t propesyonal.

Walang malinaw na plataporma de gobyerno ang Partido Nacionalista, at taliwas ito sa mga komersiyal ni Villar na humahalukay sa damdamin imbes na isip ng mga manonood o tagapakanig. Kahit sa usapin ng panlipunang pabahay ay walang programa si Villar, maliban na lamang sa ilang pagkakataong namimigay siya ng bahay at lupa sa palabas ni Willie Revillame.

Si Villar ang nangangako ng pabahay sa mga maralita. Ngunit saan niya kukunin ang pondo rito? Kung isasaalang-alang na may malaking kakulangan sa pambansang badyet ngayong 2010, ang badyet sa pabahay ay mananatili sa antas o maaaring bumagsak pa mula sa kasalukuyang estado nito, depende sa komposisyon ng kongreso. May dalawang paraan na posibleng ikatwiran si Villar: una, ang pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan na ang kita o tubo ay ilalaan sa pabahay; at ikalawa, ang mangutang sa mga institusyong pananalapi sa loob man o labas ng Filipinas. Ang kakatwa’y ginawa na ito dati ng kasalukuyang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit halos ambon lamang na maituturing ang biyayang natamo ng mga maralitang tagalungsod kung isasaalang-alang ang alokasyon ng pamahalaan sa panlipunang pabahay para sa maralita.

Anuman ang piliin ni Villar sa nasabing dalawang paraan ng pagtustos sa pabahay, ang kaniyang mga kompanya ang pinakamalapit na makikinabang sa mga transaksiyon, dahil maaari nilang mahamig ang mga kontrata at pautang ng gobyerno.

Madali ang mangako, wika nga, ngunit mahirap isakatuparan iyon. Ang pangangako ni Villar na tatapusin ang kahirapan ay nagtuturing sa kahirapan na animo’y isang halimaw na maaaring paslangin sa pamamagitan ng espada at agimat. Hindi naipapakilala ang kahirapan sa mahahalagang larang, gaya ng ekonomiya, edukasyon, batasan, turismo, kapayapaan at seguridad, likas-yaman, enerhiya, likas-kayang pag-unlad, populasyon, at iba pa. Kung paimbabaw ang pagpapakilala ni Villar sa kahirapan, maaasahan din na paimbabaw at reaksiyonaryo ang mga panukalang tugon niya upang lutasin ito.

Hindi ipaliliwanag ni Villar ang kahirapan alinsunod sa tunggalian ng mga uri at kasarian, at patunay ang kaniyang mga kandidatong senador na pinaghalo-halong personalidad mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa—na isang pampolitikang taktika para makalikom ng boto imbes na lutasin ang problema ng isang sektor. At lalong hindi niya ipaliliwanag ang kahirapan kung sino ang mayhawak ng aparato ng produksiyon, at kung ano ang magaganap kung mananatiling nasa kamay ng iilang tao o korporasyon ang kinabukasan ng Filipinas.

Ang pakikipisan ng mga kandidatong senador na iba-iba ang kulay sa partido ni Villar ay isang estratehiyang may kaugnayan sa pangangalap ng pondo at pagsakay sa pambansang makinarya sa kampanya. Kaya walang maririnig na batikos kay Villar mula sa dulong kaliwa dahil animo’y may kautusan ang partido na sumakay na lamang sa alon ng kampanya para manalo ang mga manok nito, at isinusulong na mga party list. Itinatampok ni Villar ang kampanya ng isang koronel ngunit ang totoo’y hindi ang pagwawagi ng naturang kawal ang mahalaga; higit na mahalaga na makilala si Villar sa hanay ng mga sundalo at pulis na makapagbibigay ng solidong boto para sa mapipiling kandidato.

Kaugnay ng pangangalap ng boto mula sa mga rehiyon ang pagdadala kay Bongbong Marcos. Nakinabang nang mas malaki si Villar kaysa kay Marcos dahil malaking populasyon ang hilagang panig ng Filipinas, bukod sa maaasahan ang boto ng mga Ilokano sa ibayong dagat. Ngunit maaaring ilaglag ni Villar si Marcos pagsapit ng Metro Cebu o Metro Davao o Metro Manila, at pasusubalian na lamang ito sa mismong araw ng halalan kung mababasa sa mga polyeto ang pangalan ni Marcos sa listahan ng Partido Nacionalista. Abala rin si Villar na hakutin ang mga lokal na opisyal na dating kapanalig ng administrasyon; subalit ang gayong paghakot ay walang kaugnayan sa linya ng plataporma de gobyerno ng Nacionalista bagkus nasa antas lamang pagpapatatag ng makinarya sa antas ng pamahalaang lokal.

Si Villar din ang pinakamagaling mangako, at handa siyang sumang-ayon sa mga kasunduan sa iba’t ibang sektor, gaya ng sa mga manggagawa, militar, simbahan, kababaihan, mass media, negosyante, at maralitang tagalungsod. Ang ganitong tindig ay nananatiling nasa antas ng pangako lamang; kinakailangang suriin nang maigi ang mga negosasyon sa panig ng mga sektor, at kung realistiko nga ang mga kahilingan at pag-abot sa gayong kahilingan. Pinakamalaki ang impluwensiya ni Villar sa mass media, dahil ang mga mamamahayag ay maaaring masilaw sa ipinangangako niyang ginhawa at layaw na matutustusan lamang ng walang kamatayang balon ng salapi o pabuya.

Malaya si Villar na mangakong “tatapusin” ang kahirapan. Ngunit dapat tandaan niyang ang kahirapan ay hindi linear. Hindi pelikula o nobela ang kahirapan na may simula, gitna, sukdulan, at wakas. Ang kahirapan ay parang C-5 na lumilihis ng landas sa dati nitong inaasahang lunan, at sumusuot kung saan-saan, at nadaragdagan nang nadaragdagan ang bayarin sa paglipas ng panahon, bagaman maaaring walang tiyak na hanggahan. Ang kahirapan ay mananatili hangga’t hindi nauugat ang malalaking problema, gaya ng korupsiyon at panloloko sa taumbayan; at walang programadong pagkilos ang mga mayhawak ng kapangyarihan at kayamanan.

Ang kahirapan ay walang kisapmatang solusyon, bagkus malulutas lamang ng sama-samang pagkilos at pakikilahok ng taumbayan. Kung walang kakayahan si Villar na hulihin ang guniguni ng taumbayan, at bigkisin ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kung isasaalang-alang ang partidong kaniyang pinagmulan, ang kaniyang pangangako na “tatapusin” ang kahirapan ay isang pagbabalatkayo at pansamantala lamang. At pagbabalatkayo na sa malao’t madali ay matutunugan ng mga mamamayang hindi na makatitiis at magsisimulang maghimagsik sa matatamis na pahayag ng kagalang-galang na politikong gaya ni Senador Manny Villar.