Talaang Tanso at Makata ng Taon

Maringal ang pagpaparangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga nagwagi ng Talaang Ginto sa Tula ngayong taon, na ginanap kahapon (13 Abril 2010), ngunit ang makulay na pagdiriwang sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) ay hindi naikubli ang kasalatan sa kasiningan ng tula ng Makata ng Taon na si David Michael M. San Juan.

Ang kaniyang piyesang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ay mala-epiko ang haba ngunit hindi tula; at maipupuwing na inaantok marahil ang mga hurado nang piliin nila ito at gawaran ng unang gantimpala.

Binuksan ng epigrape mula winika ni Simoun sa El filibusterismo ni Jose Rizal ang sabihin nang tula ni San Juan. Ngunit ang epigrape ay pagmamalabis, dahil ni hindi nagsilbing bintana iyon sa buong tula. Salat sa pagpapahiwatig ito sa konteksto o paglulugar doon sa posibleng maging daloy ng tula; at ang tinig sa tula—na mahihinuhang mula sa makata at hindi sa katulad ni Simoun—ay paglulustay ng winika ng mapaghimagsik na tauhan ni Rizal.

Heto ang prologo ng “Ang Tutulain kong Harana. . . “ ni San Juan:

Pitong libong pulo sa dakong silangan
Bughaw, malumbaying mga katubigan
Bundok, kagubatang sa sigwa’y tanggulan
Hiyas ng balangaw, hinagkan ng araw.

Sinisid sa lalim, hinila ng talim
Sa apoy sinugba, kataga’y hininga
Niyapos ng lumbay, mahikang laragway
Tumawid ng dagat, umahon sa tangway

Isanlibo’t isang limot na gunita
Nalimbag sa papel, nanilaw na pahina
Itinabi, tinago winalambahala
Sa alaala’y naglahong parang bula

Inanod ng batis, tuwa’t pagtititiis
Memoryang niligis, panlunas na langis
Sugat ng kahapon, tumanglaw sa layon
Historya’t istorya, katang maglimayon

Piling-piling bayan, gintong kabukiran
Tubuhang tumatangis, dugo ang panlinis
Busilak na handog, sariwang alindog
Gunitang kapilas, ngayo’y namamalas

Baybayin ang noon, linawin ang ngayon
Hiwaga’y ungkatin, pangamba’y supilin
Dalit ko’y pakinggan, ‘sang haranang bayan
Liwanag, karimlan, tulang kasaysayan.

May pagtatangkang gamitin sa tula ni San Juan ang padron ng awit ni Balagtas na lalabindalawahin ang pantig ngunit sablay sa tugma at sukat. Sa unang saknong pa lamang ay isahan ang tugma (aaaa), na susundan ng sunuran (bbaa), at pagsapit sa ikatlong saknong ay magiging isahan muli (cxcc) bagaman sablay. Ang ikatlong taludtod ng ikatlong saknong ay labis sa sukat. Samantala, mahahalata ang kahinaan sa tugmaan ng tula kapag dumako sa Ikalawang Yugto sa ilalim ng pamagat na “Henesis” na magkasunod ang mga saknong na isahan ang tugma (aaaa/aaaa) na kahit si Balagtas ay hindi ginawa sa kaniyang pamosong Florante at Laura. Walang mahigpit na hati o sesura ang tula, gaya ng 6/6 o 4/4/4, bagaman napakadaling gawin iyon.

Kung sa tugma at sukat pa lamang ay bagsak na si San Juan, lalong mamamalî siya sa paggamit ng ilang salita, gaya ng “dalít” na wawaluhin ang pantig. Hindi “dalít” ang kaniyang tula bagkus “awit” gaya ng kay Balagtas. Hindi rin harana ang kaniyang tula, bagaman may pagtatangkang manambitan at sukdulang magsumamo para makuha ang pansin ng mga mambabasa.

Kasumpa-sumpa ang kinathang Filipinas ni San Juan.

Hindi nailarawan nang maigi ang lugar na tinutukoy ng makata. Paanong magiging tulang kasaysayan ito, kung ni walang mahugot na matinong pahiwatig mula sa mga gasgas na hulagway na gaya ng “pitong libong pulo,” “malumbaying baybayin,” “kagubatang tanggulan sa sigwa,” na pawang inuugnay sa pasulat na tradisyon ng pagsusulat o panitikan? Sanlibo’t isang gunita umano ang nalimbag sa papel, ngunit hindi nilinaw ng persona sa tula kung mapagtitiwalaan ang naturang gunita—na maaaring nauulapan ng prehuwisyo, katangahan, o panunupil ng mga dayuhang interes.

Naglustay ng mga salita ang Prologo na maaaring tanggalin ng awtor, at magiging labag sa kabutihang-asal kung pupunahin ko pa ang marupok na balangkas nito, ang kababawan ng diwain, ang kabulagsakan ng paggamit ng mga salita, ang kahinaan ng pagsasalansan ng mga hulagway at pahiwatig, at iba pang kuntil-butil.

Ginamit din sa obra ni San Juan ang mga himpamagat [subtitle] na gaya ng “Henesis,” “Inkarnasyon,” “Hegemonya,” “Kontra-Hegemonya,” at “Nekropolis” ngunit ang simula at transpormasyon ng pagkakabuo ng kabansaan ay ipinaloob sa tersera klaseng berso na hindi malaman kung saan susuot at hanggang pandulong tugmaan lamang ang halina. Problematiko ang personang nagsasalita sa tula, dahil ang kaniyang mala-bathalang pananaw ay nakaligtaan ang mahahalagang pangyayari na humubog at patuloy na humuhubog sa paglikha ng lunggating kabansaan. Ang tunggalian ng mga puwersa ay hindi nilinaw sa tula, dahil halos walang hanggahan ang nagbubukod sa magkatunggaling panig, kaya ang diyalektikong ugnayan ng “banyaga” at “katutubo” ay nabigong maipamalas nang matuwid.

Mahihinuhang pinahuhulaan ng awtor sa mga mambabasa ang lalim ng kaniyang “talinghaga,” na isang paraan ng pagpapalabo ng tula para ikubli ang katangahan ng nilalaman ng nagsasalitang persona. Walang hiblang nag-uugnay sa “Henesis” sa “Inkarnasyon” (at sa mga kasunod nitong yugto) na kahit pinakamaikling yugto ay hitik sa malikhaing kaululan sa larangan ng pagsulat ng tula.

Aatakihin ako sa puso kung ipagpapatuloy ang pagbusisi sa tulang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda.”

Hindi karapat-dapat, sa aking palagay, na magwagi ng titulong Makata ng Taon, 2010 si David Michael M. San Juan, lalo kung ang gagamiting lente ng pagbasa ang pakasaysayang pagdulog, bukod sa Bagong Formalismong Filipino ng kritikong Virgilio S. Almario. Isang malungkot na pangyayari ito na ikayayanig ni San Juan, at maaaring magpatiwakal siya kung gagawing masusi ang pag-urirat sa kaniyang tula. Masakit mang sabihin, ang kaniyang tula ay hindi tula kahit sa pinakamababang antas na pamantayan ng sining ng pagtula sa Filipino. At kung ang kaniyang obra ang gagawing halimbawang piyesa sa mga teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, may katwiran ang mga kabataan at magulang na maghimagsik, dahil bumabagsak ang estado ng panulaang itinatampok ng kapita-pitagang Komisyon sa Wikang Filipino.

20 thoughts on “Talaang Tanso at Makata ng Taon

  1. Posible ngang nasa posisyon ka para sa iyong opinyon. At maaari ring lohikal ang iyong pagsusuri batay sa pamantayang binuo at tinatanggap ng LIRA. Ngunit sa mga hindi kilalang manunulat gaya ko at ni San Juan, higit kaming matutulungan kung makapagbibigay kayo ng payo upang mapahusay pa ang aming akda.

    Sa ganang akin, balewala rin ang kahit pinakamahusay na akda kung hindi naman ito nababasa ng mga ordinaryong tao at kung pawang tayu-tayo rin sa akademiya ang pumupuri at tumutuligsa sa ating mga akda.

    Naniniwala akong ang KWF ay dapat maging instrumento para payabungin pa ang panulaan sa Pilipinas. Kung totoong nga na ang tinanggap naming parangal ay mula sa TALAANG TANSO, hindi ko rin ito ikararangal.

    Pero mas lalo kong ikahihiya kung ang aking mga akda ay hindi naman nakatutulong sa pagpapalaya ng sambayanan.

    Mabuhay ang Panitikang Filipino at maraming salamat.

    Like

    • Handa akong magbigay ng payo sa sinumang handang matuto, at bukás ang isip at loob, hinggil sa pagtula. Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay libre ito, at matutunghayan dito sa Alimbukad.

      Kung may pamantayan man ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) sa pagtula, ito ay hindi nangangahulugang doon ko lamang “ibinabatay ang aking pagsusuri,” dahil may mga pagdulog ako ng pagsusuri o kritikang lampas, at nagsanga na, sa itinatakda ng gaya ng Bagong Formalismong Filipino ni Virgilio S. Almario. Dapat tingnan ang pamantayan na tumatayog at lumulusog, imbes na nagmimistulang kahon ng kumbensiyong hindi maláy na ginagawa ng ilang mambeberso.

      Mahirap mabatid kung ang isang akda [o tula] ay “nakatutulong sa pagpapalaya ng sambayanan,” at ito ay opinyong higit na makiling sa pampolitikang resulta o pang-ideolohiyang linya imbes na sa larang ng sining ng pagtula o pagkatha.

      Salamat sa iyong pagdalaw, at ipagpatuloy ang pagsusulat.

      Like

  2. So kayo na ang magaling…
    Ang hirap sa mga makata sa tore, akala mo kung sino na. Hindi nga malayo ang sinasabi nyo na mamamatay ang panulaan sa Pilipinas lalo’t patuloy ang mga kagaya nyo na imbes na himukin ang kabataan na maging mapangahas sa pagsulat ay itinutulak nyo sa bangin ng inyong mga pamantayang maka-sining lang at walang progresibong adbokasiya ng pagmumulat. Kung sabagay, naniniwala akong darating din ang aming panahon sa panulaan, kaming kabataang manunulat isang panahon, na kapag ang mga tore ng yabang na itinayo ng mga katulad nyo ay tuluyan nang iginupo ng mapagpalayang sambayanan ng mga tunay at hindi lang nagpapanggap na mga artista ng bayan. Iyon ang tunay na tagumpay ng panulaan!

    Like

    • Ngayon ang panahon mo, J.V. Geronimo. Huwag mo nang hintayin ang bukas. At walang pumipigil sa iyo na sumulat ng mga “mapagpalayang tula” para sa sambayanan.

      Ang problema sa iyo, higit na matimbang sa iyo ang politika kaysa panulaan. At hindi ako magtataka na mabansagan kang “aktibista” imbes na kilalaning mambeberso, o makata sa sukdulan nitong pakahulugan.

      Like

  3. Ang patuloy na hindi pananagumpay ng panulaang Filipino ay kasalanan ng patuloy na paghahari ng mga tore sa pagkatha. Hindi mabubuhay ang panitikan sa angas kundi sa ningas! Paumanhin, kung sa pagkakataon ito, isang baguhang manunulat kagaya ni David Michael San Juan (na walang kinabibilangang mapulitikang organisasyon) ang nagwagi sa timpalak. Tama lang naman ang KWF na kilalanin naman sa ganitong pagkakataon ang mga mapangahas na panulat ng makabagong henerasyon at hindi laging kayo lang na mga hambog sa pedestal ng sarili ninyong panulaan, na malayo sa puso’t diwa ng sambayan!

    (Hangad kong hindi buburahin ng kagalang-galang na Roberto Anonuevo ang punang ito, sa halip ay tapunan ng kaunting paliwanag)

    Salamat!

    Like

    • Nabasa mo ba ang buong tula ni David Michael San Juan? Basahin mo muna, at matatauhan ka kung bakit kasumpa-sumpa ang nasabing piyesa para gawaran ng unang gantimpala.

      At mabigat ang kasalanan ng mga hurado ng KWF dahil sa pagpapalusot ng mababang uri ng pagtula.

      Like

      • Siguro nga, magkaiba ang pinanggagalingan nating pananaw pagdating sa pagtula. Ngunit naniniwala ako, na ang tunay na kalidad ng pagtula ay lampas sa artipisyal na pakiramdam. Isa pa, hindi kasalanan ng makata kung siya ay maging aktibista lalo’t siya ay mulat at nakatatagpo ng mga tunggaliang panlipunan (na maaaring kinabubulagan ng inyong mga metapora) higit sa lahat siya ay may layunin sa pagsulat na hindi lamang parang isang malibog na makatang nagsasalsal ng mga salitang lasing sa realidad. Huwag mong tawaran ang mga nagawa ng mga mulat at aktibistang manunulat sa kani-kanilang panahon, sa loob man o labas ng ating bansa. Ang pagtula sa porma ay pagtula ng abstrakto at disenyong makadayo…walang silbi sa ating konteksto at walang malayang anyo. Ikalawa, hindi ko pinangarap kailanman sa aking mga pagtula na maging isang ‘kilalang mambeberso’, kundi madalas kong makita ang aking sarili na nagsusulat sa kabilang silid ng lumuluha kong bayan, nabubulagan kong mga mamamayan at nakikibakang samabayanan kung saan kabahagi ang aking panulat. Ayokong lamunin ang aking sining ng kasalatan. Sapagkat ang tula lampas sa manhid na porma ay may kaluluwang buhay.

        Kayo po ba ay tumutula lamang ng walang dahilan?

        Pwes, pangarap kong makausap ninyo sa uri at ideya sila Lualhati Bautista, Ricky Lee, Gelacio Guillermo, Pablo Neruda, Mao Ze Dong, Bien Lumbera, Amado V. Hernandez at iba pang makabayang manunulat sa kasaysayan, saka nyo sabihin ulit sa akin na mali ang aming layunin sa pagtula para sa masa.

        Like

      • Hindi ko “tinatawaran ang mga nagawa ng mga mulat at aktibistang manunulat sa kani-kanilang panahon,” at ang opinyong ito ay nagmula sa iyo at hindi sa akin.

        Ang sinasabi mong “pagtula sa porma ay pagtula ng abstrakto” ang siyang ginawa ng pinalad na maging Makata ng Taon 2010. Kung malinaw ang paningin mo, nakita mo sana ang hungkag na nilalaman ng akda ni San Juan.

        Buksan mo muna ang iyong isip, at saka ka tumula “para sa masa.”

        Like

    • Mawalang-galang na ho. Palagay ko, masyadong naroromantisa ang pagkakapanalo ng isang matakatang “walang kinabibilangang mapulitikang organisasyon” sa maling paraan. Hindi ho isyu ang pagkatalo ng ibang taong may “kinabibilangang mapulitikang organisasyon”–at ayoko hong magmunakala sa inyong pinasasaringan. Ang isyu ay ang kasiningan ng nagwaging akda, lalo na’t may mahigpit na kahingian.

      Nakakarimarim, lalo’t pinalilitaw na ito’y may halong politika. Sa larang ng malusog na kritika, palagay ko’y dapat tayong maging higit na bukas sa mga ganitong pamumuna, lalo’t kung may basehan naman sa kasaysayan at tradisyon.

      Walang ipinagkaiba sa ginagawa ng mga politikong nagkukunwaring mahirap ang wala sa lugar na pagmamalinis at pagyakap umano sa “puso’t diwa ng sambayanan.” Paumanhin.

      Like

  4. Palagay ko, hindi ito usapin ng kung sino ang may hawak ng gahum, o kung ang tula ba ay nagiging kapaki-pakinabang para sa lahat. Malinaw sa panuntunan ng timpalak ngayong taon ang kahingiang TUGMA AT SUKAT. May mahigpit na kahingian ang timpalak sa anyo–at iyon yata’y hindi naisaalang-alang ng humirang sa Makata ng Taon 2010.

    Walang problema sa pagiging pangahas, o pagkilala sa bagong dugo–pero ang tanong ay babalik sa kahingian–na isa sa pinakamahalagang salik ng pagtatasa sa kahusayan. Papaanong magiging mahusay ang isang akda kung sa pamantayan ng tradisyong nakakodigo ay sumasablay na ito? Hindi ko maunawaan kung bakit ganito ang daloy ng pagtatanggol gayong sa teksto pa lamang ay malinaw naman ang tinutukoy na mga pagkukulang.

    Nagugunita ko ngayon si Machiavelli dahil mukhang “the end justifies the means” ang linya ng kaisipan. Naniniwala ako na hindi dapat idahilan ang “makabayang proyekto” para sa kasalatan sa kasiningan. At paglilinaw lamang: ang sinasabing pamantayan ng LIRA ay hindi lamang pamantayan ng LIRA kundi pamantayang pinanday ng mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, mula pa sa siglo ng Una Persona Tagala hanggang sa kasalukuyan. Isa lamang ang LIRA sa mga tagapagtaguyod nito sa kasalukuyan, ngunit hindi ito pagmamay-ari ng samahan lamang. Tradisyon itong niyayakap–kahit itinatatwa–ng lahat ng makatang Filipino.

    Like

  5. Sa ganang akin, nagsimula ang problema dahil sa pamantayang inilatag ng KWF- dapat na may sukat at tugma. Dito lumalabas ang tanong sa piyesa ng nanalong tula ng makata. Hindi naman ito pagsusuri sa pagkatao ng sumulat kundi sa piyesa, at sangayon ako na dito nagkulang sa pagtatasa ang mga hurado. hindi na dapat palawigin ang diskurso sa kung may kinaaaniban bang organisasyon o hindi ang nanalo sapagkat wala namang kinalaman ang organisasyon dito, muli dapat tayong bumalik sa inilatag na pamantayan at kung nakasunod ba dito ang nanalong tula. Lahat ng pagtula may dahilan, kung anupaman, personal o pangbayan, ang mambabasa ang humuhusga.

    Like

  6. makaepal lang: keber sa KWF at kung anumang organisasyunal at patimpalak na echos meron ito. ngunit dahil di maiwasang nasangkot ang tulang pulitikal, makikiepal na ko kung mamarapatin. problema kasi sa mga aktibistang tumutula ay ang kanilang pulitika (at hindi minsan, napag-iisip kong baka nga may punto, kahit paano, ang hirit ni rio na “bagahe” ito sa pagtula, pero ibang mahabang usapan na yan), na tila baga ang progresibong pulitika nito ay sapat nang lisensya para magburda ng mga salitang inaakalang matulain. mabibilang ang mga aktibistang tumutula, partikular mula sa kilusang pambansa-demokratiko (meron pa bang ibang paksyon ng mga nag-aaktibista ang may saysay at pwersa at hinagap, lalo na pagdating sa usapin ng “mapagpalayang panitikan”?), na may pagsisikap aralin ang sining ng pagkatha para higit mapabisa ang kanilang pulitikal na akda, tila ba noong nabubuhay pa ang dakilang mao ay hindi ito nagwika na pag-ibayuhin at paghusayin ang kasiningan sa arte at literatura, hindi lang puro dakdak ng tamang linya sa pulitika. ako man ay aktibista’t tagapagtaguyod ng pangarap ng kilusang natdem, pero pagdating sa usapin ng sining/panitikan lalo pa’t pagtula, at kahit pa ang halos may-ugnay na usapin ng gawaing “propaganda” (isa pa yan, putsa!), di magkaminsan pakiwari mo’y ikaw yung manong na nagtitibag ng bundok sa koleksyong limang gintong silahis (sa mga nagkokomentong tibak-tibakan dito, nabasa na kaya nila ito?). kung lilikha ng tula kontra pagtaas ng singil ng meralco dahil may rali sa harap ng ERC kinabukasan, mapapalagpas ko pa ang tipikal at halos gasgas nang mga retorikang lagi-laging nangangarap itaas pati kamao ng mga kinakausap. kagyat, minadali, halos walang sapat na panahon sa rebisyon sa gayong pagkakataon (pero kung tutuusing maigi, bakit tula? para ipahiwatig na may sining ang kilusan? o ang tula ay anyo ng intermission number sa mga ganitong pagkilos tulad ng pagkanta ng tambisan o pagtuladula ng UP Rep?) pero kung sasabihin na ako’y tutula para sa masa at para sa kanilang kalayaan tapos ang tula ay babasahin lamang pala sa poetry reading sa conspiracy o isusumite sa KWF sa pangarap na makasungkit ng pera’t medalya, e tangna naman, tumula ka pang aktibista ka. ang pangunahing problema ng mga kadre sa sining at panitikan ng rebolusyonaryong kilusang pambansa demokratiko ay ang kawalang interes nito na aralin ang dinamismo ng mga produktong nililikha ng partikular nilang sektor. walang masamang pagtuunan ng pansin ang mga kagyat at pang-araw-araw na taktikal na labanang pulitikal pero hindi ito sapat na dahilan o excuse para pabayaan ang pag-aaral sa sining ng pagtula, pagkanta, pagdula, etc. etc. aber sige nga, kung sinuman ang taga-concerned artists of the philippines o taga-kilometer64 na nagbabasa dito, ilang sesyon ng “talks on yenan forum” ni mao ang nailunsad nyo sa nakalipas na taon at ilan ang naging kalahok dito? ilang kolektibong pagbasa’t pag-aaral o pagwoworkshop ng mga tula ni gelacio guillermo o mulong sandoval ang nailunsad ninyo simula ng bagong milenyo? kaya hindi umuunlad ang kasiningan ng mga manggagawa’t kadre sa sining at panitikan ng kilusang ND ay dahil mismo sa labis na preokupasyon sa pulitika (at sana nga’y totoo at kung gayon ang tanong na mahalaga: ilan ang narekrut mo sa org mo noong nakaraang taon at ilan sa mga ito ang nakumbinse mong mamundok? dahil kung betlog ang sagot mo sa parehong taon, bok, mag-isip-isip ka, aktibista ka bang talaga sa totoong salita?) at ang lantay kawalang pagsisikap na paunlarin ang artistikong aspekto ng paglikha.

    hayan ang dami ko nang nasabi. magmamayo-uno na kasi at mas malaking palaisipan sa akin ngayon ang kung paano makukumbinseng magrali sa init ng katanghalian ang daan-daang maralitang tagalunsod sa kinikilusang komunidad, hindi itong tula. pero mahal ko ang tula, ang sining at panitikan, kaya’t hindi ko maiwasang isangkot ang sarili sa ganitong usapan. masarap lang ding minsang mag-rant at maglabas ng ganitong hinaing ng loob. sana lang may nakaintinding “aktibistang” makata.

    hehehe pasensya ginoong anonuevo kung sila ang mas kinakausap ko at hindi kayo. salamat sa espasyo at sa mga binibitiwan nyong tunog-semilumpenic na banat (“malikhaing kaululan”) na lagi’t lagi kong kinaaaliwan.

    Like

  7. Totoong mahalaga ang pag-aaral ng sining ng paglikha ng tula tulad din ng pagsusulong ng pulitikal na paniniwala. Maaaring kinulang nga ang mga aktibistang makata na pag-ibayuhin ang kasiningan ng kanilang mga tula. Ngunit iyan ang nagaganap sapagkat ang pagtula ay isa lamang sa mga pangkulturang pamamaraan ng pagmumulat at pagtataas ng kamalayan ng mamamayan sa mga isyung panlipunan. Sa umpukan ng mga magsasaka, ang tula ng ordinaryong masa ay tititingan hindi batay sa kasiningan nito kundi sa mensaheng sumasalamin sa kanyang pakikibaka para sa kanyang karapatan. Kapag tumula si Gelacio Guillermo o si Axel Pinpin sa mga rally, ang iniintindi ng mga nakikinig ay ang nilalaman at hindi ang sukat o tugma. Samakatuwid, ang isang mapagpalayang tula na binibigkas ay hindi na kinakailangang magpakalalim at magtago sa sapu-sapot na metapora para lamang matanggap na tula nga ang kanyang binigkas.

    Ang mga tulang nilikha para isulat at hindi para bigkasin sa harap ng masa ang nagtataglay ng mabigat na bagahe sapagkat palamuti lamang ang mga ito sa mga aklat at nagdadagdag lamang ng kislap sa ego ng nagsulat na tanging siyang nakaiintindi sa mensahe na kanyang sinulat. Ang obligasyon ng isang aktibistang makata ay hindi maglaro lamang ng mga salita at ipamukha sa mambabasa kung gaano kalawak o kakitid ang kanyang pagka-intelektuwal kundi gamitin ang sining ng pagtula upang lalo pang paigtingin ang pagsusulong ng damdaming nagtutulak ng pagkilos upang lumaya. Hindi ang tula ang magpapakilos sa mga maralitang tagalungsod na magrali sa kainitan kundi ang kanilang malawak na pagkaunawa sa kanilang kalagayan at ang pananalig na dapat silang kumilos upang baguhin ang kalagayang ito.

    Sa kaso ng mga makatang nasa akademiya, nalulunod sila sa pagsusuri ng Formalismo at nagiging pangalawa lamang ang mensaheng nilalaman ng tula. At kung minsan, nauubos ang kanilang panahon sa paglikha ng mga akdang masarap pakinggan o masarap basahin ngunit walang kabuluhan para sa sambayanan. Sa panahong ito, isang malaking kasalanan ang magsulat ng mga bagay na walang katuturan para lamang magwagi sa KWF o makabenta ng aklat.

    Hayaan natin ang mga aktibistang lumikha ng kanilang tula at hikayatin natin ang iba pang makata na lagyan ng kabuluhan ang kanilang akda para sa sambayanan.
    Nais kong tuldukan ang tugon kong ito sa pamamagitan ng tula ni Benigno Ramos:

    PANULAT
    ni Benigno R. Ramos
    1930

    Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit
    kundi sa paghamak sa Bayang may hapis,
    manong mabakli ka’t ang taglay mong tulis
    ay bulagin ako’t sugatan ang dibdib.

    Kung dahil sa iyo’y aking tutulungan
    ang nagsisilait sa dangal ng Bayan,
    manong mawala ka sa kinalalagyan,
    at nang di na kita magawang pumaslang!…

    Di ko kailangang ang ikaw’y gamitin
    kung sa iyong katas ang Baya’y daraing,
    ibig ko pang ikaw’y tupuki’t tadtarin
    kaysa maging sangkap sa gawaing taksil…

    Di ko kailangang ikaw ay magsabog
    ng bango sa landas ng masamang loob,
    ibig ko pang ikaw’y magkadurong-durog
    kaysa magamit kong sa Baya’y panlubog.

    Kailangan kita sa gitna ng digma
    at sa pagtatanghal ng bayaning diwa,
    hayo’t ibangon mo ang lahat ng dukha!
    hayo’t ibagsak mo ang mga masiba!

    Kung ang tula man ni Michael David San Juan ay salat sa kasiningan subalit naglalaman naman ito ng mensahe upang gisingin ang bayan, karapat-dapat ito para sa karangalan. Kung ang tula naman niya ay gasgas na retorika ng walang katuturan, marahil ay tama nga si G. Anonuevo.

    Jun Panganiban Austria

    Like

    • Kung ang pagtula ay “isa lamang sa mga pangkulturang pamamaraan ng pagmumulat at pagtataas ng kamalayan ng mamamayan sa mga isyung panlipunan,” ang tula ay dapat suriin sa bisa ng pangkulturang politika nito imbes na sa panuntunan ng sining ng pagtula. Kahit kulang sa sining ang tula, kung ang isang akda gaya ng kay David Michael San Juan ay may bahid ng politika, ay tatanggapin ng mga linyadong mambeberso. Sa gayong paraan, ang tula ay sinisipat na higit na makiling sa politika imbes na sa sining ng pagtula. Na isang malaking pagkukulang.

      Kung mauuna ang politika kaysa sa sining, makabubuting gumawa ng gasgas na islogang pampolitika dahil ito ay umaayon sa kumbensiyon at batid ng masa. Ngunit ang tunay na makata ay lumilihis sa kumbensiyon, at hindi magpapakahon sa politika o ideolohiyang maididikta ng partido politikal.

      Ang tula ni San Juan ay kapuwa salat sa sining at “pangkulturang pagmumulat.” Babagsak ang kaniyang tula kung susuriin sa lenteng Marxista o kaya’y lenteng pakasaysayan, yamang “pakasaysayan” ang pagdulog na ginamit niya sa kaniyang akda. Kaya ano ang dapat ipagbunyi sa kaniyang tersera klaseng berso? Na tagapagmulat iyon ng masa?

      Sinipi mo sa itaas si Benigno Ramos, at dapat siyang pag-aralan kahit ng mga aktibistang makata. Mahusay siyang tumugma at mag-eksperimento ng mga taludtod at kumasangkapan ng mga dalumat at talinghagang katutubo, at kahit ang gayong katangian ay lingid sa kasalukuyang henerasyon ng mga makata.

      Like

  8. Pinaka-sensible na itong huling tatlong (3) komentaryo sa mahaba-haba na ring thread na ito.

    Aprubado sa akin ang binanggit ni [mabuhayangmgamaoistangnepalese] — sadyang malimit-sa-hindi ay nagiging iresponsable ang mga aktibista-makata sa kanilang panulaan. Tama, nakailang talakayan na nga ba ang mga taga-CAP at taga-KM-64 kaugnay ng Yenan Forum? Nakapag-rekrut nga ba sila ng mga bagong artista para sumanib sa BHB?

    Syempre ay mag-iiba ito kapag ang tinukoy natin ay ang mga cultural worker na nakapaloob mismo sa mga yunit ng BHB at/o yaong mga kadreng-pangkultura na naka-UG sa kanayunan. Hindi ko matiyak itong mga kadreng-pangkultura sa lungsod dahil pansin kong malaki ang pagkakaiba sa kanilang mga istilo-ng-pamumuhay at paggawa.

    Ginamit ko ang tawag na ‘aktibista-makata’ at hindi ‘makata-aktibista’ para bigyang-dahilan ang pagkakalulong nila (namin) sa pulitika at hindi sa sining ng pagtula. May magandang pagtalakay sa paksang iyan sa Foreword ng “Mga Ibong Mandaragit”.

    Sangayon din ako kay G. Austria (hindi lamang dahil binanggit niya ako sa komentaryo nya) — kapag nagsusulat, halimbawa, ang tulad ko ng panulaang intended para bigkasin sa harap ng malalaking rally ay intensyunal na inuuna ko ang pag-atupag sa literal na pakahulugan ng laman kumpara sa mga talinhagang lalamnin nito.

    S’yang tunay — hindi lilikha ng Rebolusyon ang panulaan. Tapos na ang debate riyan.

    Mahalagang seryusohin ng mga makata sa Rebolusyunaryong Kilusan ang paulit-ulit na pagpuna, katulad nitong kay G. Roberto Añonuevo. Walang masamang matutunan ang ‘Formalismo’ at/o pamantayan ng kasalukuyang Panitikang Pilipino para higit na maging epektibo sa pagtula.

    Kahit si Pete Lacaba na kinikilalang progresibo at makabayan ng Rebolusyunaryong Kilusan ay numero unong kritik ng mga makatang walang pagpapahalaga sa dapat at hindi-dapat na anyo at porma ng tula.

    Dangan at hindi ko pa nababasa nang buo itong tula ni San Juan, pero kung sadya ngang hindi nito masasatisfy ang politikal na layunin, may problema nga wari ko. Hindi ko na papaksain ang pamantayang itinakda ng KWF, malinaw na ang pagpapaliwanag ni G. Roberto Añonuevo riyan.

    Sangayon din ako kay G. Roberto Añonuevo na dapat ay lumilihis sa kumbensyon ang mga makata para sa layuning maging malikhain at patuloy na mapaunlad ang sining.

    Pero ang simumang makata ay kinakailangang magkaroon ng politika at ideolohiyang panuntunan, wala itong iniwan sa ‘politika at istandard’, ng LIRA, halimbawa.

    Sa gitna ng diskursong ito hindi ko pa rin ikinakaila ang mataas kong paghanga sa istilo ng pagtula ni G.Roberto Añonuevo kahit pa nagsimula’t-hindi-na-nasundan ang pagkakakilala ko sa kanya sa Paghipo sa Matang Tubig, dahil nalulong na ako sa politika ng panulaan ko ngayon.

    Like

  9. G. Austria, Walang problema kung magsusulat ng aktibista ng tula, lalo pa ng mga tula na mauunawaan at, sabi mo nga, makapagpapaigting ng damdaming mapagpalaya ng masa. Ngunit ang tula bilang sining ay dapat pinauunlad kasabay ng pagpapaunlad sa kamulatan/kamalayan ng masa. Hindi ito binabansot sa kinaiiralan nitong kalagayan, kalagayang hindi dapat palagi na lang ay depensibo ang tugon ng mga aktibista sa tuwing tinutunggali ng mga nasa akademya o ng mga Formalista sapagkat ang pakikitunggali sa kanila ay bahagi ng idyolohikal na pakikitunggali sa larang ng kultura at teorya. Manapa’y dapat pa ngang ipamukha ng mga aktibista na sila ang mas nasa abanggardeng posisyon kahit pa sa usapin ng binabalewala mong “metapora” (para din sa inyong kaalaman, hindi lahat ng tula ay pagbubulid ng metapora lang, at kung babasahin ang mga kontemporaryong sulatin kahit ang kay Axel o Ka Gelacio, iniwan na nila ang laos nang bagahe ng metapora sa kanilang retorika’t pagtula) dahil ang mga aktibista ay nangangalandakang tagatambuli ng hinaharap at isang bagong kaayusan sa kinabukasan. Hindi dapat palaging ginagamit na kumbinyenteng paumanhin ang masa (Bakit? Ipinapalagay mo bang laging bansot ang pag-unawa’t kamalayan ng masa kahit sa tula o panitikan? Dahil kung gayon, tayo ang nagmamaliit sa kapasidad ng masa at dapat magpuna sa sariling pagkaintindi sa kamalayan ng masa, lalo na ang baseng masa ng kilusan.) para pagsilbihing dahilan para sa katamarang mag-aral at magsikap mag-aral at magsagawa ng kolektibong pagbasa, pag-aaral, at pagpupunahan ng ating mga akda para lalo pang pahusayin ang ating mga tula. Noon pang nabubuhay si Chairman Mao, sinabi niya sa Yenan na dapat itaas ang antas ng ating praktika ng kasiningan at bilang mga totoong rebolusyonaryo (kung totoong rebolusyonaryo nga), dapat ang nasabing praktika ay itinataas sa antas na teorya para hindi tayo paulit-ulit sa mga puntong “e kasi para sa masa” lang. 19-kopong-kopong pa ang panawagan ni Chairman Mao at nakakailang dekada na ang kilusan at ang mga kritisismong tulad ng kay G. Anonuevo ay halos ganoon na rin katanda (Matanong lang: nabasa mo na ang textong Rebolusyonaryong Panunuring Masa sa Sining at Panitikan? Kung oo, dapat batid mong ganon na nga katanda ang mga argumento ni G. Anonuevo), dapat lumelebel na kay Ka Gelacio ang mas maraming bilang ng makata’t manunulat na aktibista sa kasalukuyan. Matanda na si Ka Gelacio (nag-70th birthday siya nito lamang sa isang kapihan sa QC) at si Axel lang ba ang ating pambato? Susme! Kaawa-awa naman tayo!

    Like

  10. ganito pala magtalo ang mga makata/manunula/mambeberso.
    alam ko pong wala akong karapatang magbigay ng komentaryo ngunit humahanga ako sa inyong lahat dahil ang mahalaga naman ay ang hindi ang anyo ng pagsulat kundi ang damdaming inihahayag. anuman po ang inyong estado sa isyung ito ay nirerespeto ko po ang opinyon ng bawat panig.

    Like

  11. Tanggapin na lang na siya ang nanalo. Katulad ng pag boksing ni Manny Pacquiao na si Timothy Bradley ang pinapanalo. Matuto tayong tumanggap anuman ang kalabasan. Respetuhin ang desisyon kung bakit siya ang nanalo sa para sa tula….

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.