Ina ng Laging Saklolo

Makapangyarihan ang imahen ng ina sa lipunang Filipino, at ang ina ay sumasagisag hindi lamang bilang “ilaw ng tahanan” bagkus tagapagtanggol ng anak laban sa anumang batik na maipupukol ng kalaban. Sa mga telenobela, ang ina ang kunsintidor sa masamang asal ng anak, kung hindi man ay kakutsaba sa maiitim na balak ng anak na babaing ibig makamit ang pag-ibig ng isang binatang guwapo, maykaya, at mabait. Ngunit ina rin ang tagapagsanggalang ng anak na bida, at handang isakripisyo ang buhay mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang anak. Kung babalikan naman ang panahon ng himagsikan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “Inang Bayan” na taliwas sa “Madre España” na “Inang Sukaban” at “Inang Kuhila” na tumutukoy sa rehimeng Espanyol.

Kung lilingunin ang mahabang kasaysayan ng radyo, ginawang popular ng dakilang manunulat na si Liwayway A. Arceo ang dalumat ng ina pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at patunay ang kaniyang dulang panradyong Ilaw ng Tahanan na tumagal sa himpapawid sa loob ng labinlimang taon at nakabuo ng tinatayang 32 tomo ng aklat—na hindi pa nalalampasan ni napapantayan ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat. Sa nasabing dula, lahat ng posibleng maganap sa loob ng pamilya ay tinitingnan sa sipat ng ina at babae, mulang pagsilang at pagpapalaki ng anak hanggang pagsisintahan at paghahanapbuhay hanggang pakikipag-ugnayan sa lipunan at daigdig, at kung hindi pa marahil pipigilin si Arceo ay tuturuan niya ng leksiyon si Lav Diaz hinggil paglikha ng mala-epikong “ebolusyon ng pamilyang Filipino.”

Malakas ang hatak ng ina, at gaya ni Aling Dionisia ay ipagtatanggol ang anak na boksingerong si Manny Pacquiao laban sa tuligsa ng mga komentarista. Ganito rin ang gagawin ni Marlene Aguilar nang ipagtanggol ang kaniyang anak na si Jason Ivler nang paulanan ng bala at tuligsa ng mga awtoridad. Isinasadula lamang muli nina Aling Dionisia at Marlene ang sinaunang pagkilala sa ina, na nagsusumikap itaguyod ang anak, pagsusumikap na halos isasakripisyo ang lahat, gaya ng dangal at ari-arian, at pagkaraan ay halos kalabanin ang anak sa larangan ng pagpapansin sa puting tabing at iba pang aspekto ng sining.

Magnetiko ang hatak ng ina dahil malalim ang paggalang ng mga Filipino kay Birheng Maria, ang kinikilalang ina ni Hesus at tagapamagitan ng mga tao sa diyos. Si Maria ang sukdulang halimbawa ng ina para sa anak, at para sa mga Filipino’y sumasaklaw sa ultimong pag-aalay ng buhay para sa anak, kung babalikan ang tradisyon ng Kristiyanismo at Banal na Kasulatan. Ang katumbalik na imahen ng inang mabait ay putang inang bungangera, kunsintidor, at mukhang salapi, na pinalalaki sa layaw ang anak na pagkaraan ay magiging alibughang anak, at tatanggapin muli sa pagbabalik kapag nagdusa o nagpalaboy-laboy kung saan-saan sa mahabang panahon. Pinagkakitahan nang malaki ang paglilinang sa katauhan ng ina sa panitikang Filipino, at hangga ngayon ay kinababalahuan ng mga manunulat ng dulang pantelebisyon.

Kaya hindi nakapagtataka na gamitin ang hulagway ng ina kahit sa eleksiyon. Ginamit ni Manny Villar sa pampolitikang kampanya ang kaniyang inang si Curita “Nanay Curing” Bamba-Villar, na pinabulaanan ang paratang na nagbuhat sa gitnang uri ang kanilang pamilya. Ganito rin ang ginawa minsan ni Erap Estrada (na sinikap dalawin sa ospital ang nakaratay na inang si Donya Mary Marcelo-Ejercito) nang mapatalsik sa poder at ipabilanggo ng mga kalaban sa politika.  At ganito rin ang ginawa ni Noynoy Aquino na laging kinikilala ang matuwid na pagpapalaki sa kaniya ng inang si Cory Aquino, at iniuugnay nang patalinghaga sa maaaring gawin niya sakali’t maihalal bilang pangulo ng Filipinas. Kahit si Gibo Teodoro ay binibiro ng mga propagandistang ginamit ang mga ina, na matataguriang mga Sugar Mommy at mula sa alta sosyedad, upang makakuha ng pondo para sa kaniyang magastos na kampanya.

Kinakailangan nang sipatin sa ibang anggulo ang konsepto ng ina. Ang pagkilala sa ina ay dapat lumawak at maging makabuluhan, imbes na maging de-kahon at tradisyonal, at ang mga politiko ay makabubuting lumayo sa laylayan ng palda ng kani-kaniyang ina, at ipakilala ang tunay na kakayahan nang hindi mabansagang “Mama’s Boy” kung hindi man “Boy Toy.”

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko.

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko. Retrato mula sa artsibo ng Project Gutenberg.