Gunita

GUNITA

Iniipon niya ang nakalipas, at pumapaloob sa supot na kung hindi yari sa manipis na katsa ay plastik o balát na hindi tatagasan ng buhangin o tubig. Hindi niya maisasalaysay ang sarili, dahil kung gayon, mistulang ahas siya na lumulunok sa angking buntot. Mauunawaan lamang niya ang kaakuhan kung ipaliliwanag ng Kasalukuyan at babalangkasin ng Hinaharap. Kapuwa pagtitiwalaan at pagdududahan siya, alinsunod sa pakahulugan at pahiwatig ng mga awtoridad. Pawiin siya, at parang sanggol ang kabihasnang mag-iimbento ng kakatwang anino at planeta. Kaligtaan siya, at ang lipi’y magsisimula sa lawas ng wala, at sa matinding bahâng bumubura sa pulo at tagaytay. Gaano man katiwasay ang ngayon, gaano man kakulay ang búkas, magbabalik siya upang maging titis ng sigasig, balak, panibugho, o poot. Mahahalungkat ang dalamhati, at ang maaliwalas na umaga’y biglang magwawakas sa pagluha ni Tungkung Langit. Panghihimasukan niya ang magiging anyo ng mapa, gusali, o gubat. Magtatakda siya ng pamantayan at kumbensiyon sa damit, gamot, at batas; kahit ang pera, aliw, at wika’y pagtatalunan kung para sa henyo at mangmang o maykaya at hampaslupa. Habang tumatagal, ang supot ay maaaring umapaw sa samot-saring nilalang o sapalaran o tadhana. Gayunman, hindi sa habang panahon. Maaaring kumawala sa himaymay ng katsa ang buhangin ng pagkakataon o likidong pangyayari; at siya ay magwawakas na hungkag gaya ng walang silbi’t may lamat na garapon. Iniipon niya ang nakaraan; at kung siya man ay tawarang pansamantala o pangmatagalan, ay ikaw lamang, kaibigan, ang makapagsasadula, habang nagtitinikling ka sa palaisipan ng takipsilim at liwayway.

“Gunita,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Mayo 2010.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

Kahong Itim ni David Lazar

Tulang tuluyan ni David Lazar
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAHONG ITIM

Ibig kong lumipad sakay ng kahong itim; at mamuhay minsan sa loob ng itim na kahon. Oo, doon sa mga kahon na itinatago nila sa mga eroplano, na malimit natatagpuan at laging ligtas. Noong nakaraang linggo, isang maliit na eroplano ang bumulusok sa hilaga ng bayan. May kuha ng pagkawasak at tala ng mga edad ng nasawi. Madalas kahawig iyon ng munting eroplano, na animo’y kinuyumos na laruan sa kagubatan. May usok mula sa bumagsak na eroplano, o ulop lamang iyon? Ang ulop sa parehong di-kilalang tanawin, mga pino o olmo o abó, na may malawakang pagpaslang na nakalipas nang ganap. Saka pag-uusapan nila ang itim na kahon at ang malabong pangyayari. Walang maiuulat. Hihinto ang komunikasyon. Ang nawalang blip sa iskrin ng kompiyuter ay katumbas ng kamatayan sa lupain. Kung minsan ang eroplanong maliit at pribado ay hindi na lamang magpapakita sa dapat nitong lapagan. Dalawang araw pagkaraan, isang babae ang di-makabibiyahe sa uring pangnegosyo, at isang lalaki ang mawawala sa pagtitipon. At halos kisapmatang malilihis ang usapan ukol sa kahong itim, ang lantay na espasyo na may pangwakas na mga salita, mga salitang umaagos habang humihiyaw pabagsak ang eroplano. Naisip ko: Kung naroon lamang sila sa loob ng kahong itim ay ligtas sila ngayon, at nailigtas sana sila. At naisip ko: Hayaang makuyumos ang mga salita sa lupain, hayaang hindi makalabas ang mga salita. At hayaan ang mga itong mag-akay sa sinuman papalabas ng kahon, na binuksan ng dambuhalang susi na itinatago ng mga ahente mula sa ahensiya. Bukás ang takip, at naroon sila: edad kuwarenta y dos, at beynte siyete, at nuwebe, mula sa Dayton, mula sa Poughkeepsie, mula sa Encino, nakangiti at umiiling, kaya maiimbento natin ang gayong mahiwagang kahon. At kung gaano kadaling makuha ang kahon, at napakamura: para sa kotse, bangka, bahay. Palaging matatagpuan ang kahong itim, at madalas tayong naroon sa loob, at malimit ligtas, at lalabas tayo para magpaliwanag. Alam natin kung paano naganap ang mga bagay, at nakatitiyak na tayo’y makalilipad pang muli.

Kahong Itim

Kahong Itim, retrato mula sa commons.wikimedia.org. Dominyo ng publiko.

Paglilitis

PAGLILITIS

Lumakad siya sa hardin ng mga patalim; umulan ng mga sibat at lason sa kung anong dahilan. At siya’y nagpatuloy, at hinarap ang kamatayan. Naligalig ang daigdig, ngunit siya’y nanatiling walang tinag, at higit na nanariwa, gaya ng ilahas na dapo na yumayapos sa sanga ng huklubang mabúlo.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 24 Mayo 2010.

Paglakad sa tubig, ni Ivan Aivazovskiy (1817-1900)

Paglakad sa tubig, ni Ivan Aivazovskiy (1817-1900)

Dayaray, ni Jelaluddin Rumi

Tula ni Jelaluddin Rumi, batay sa bersiyong Ingles ni Coleman Barks
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

DAYARAY

Kumbaga sa kirot, gaya sa kamay na nahiwa
sa pakikidigma, ituring na damit na suot mo

ang katawan. Kapag nakatagpo mo ang iniibig,
hinahagkan mo ba ang kaniyang kasuotan?

Hanapin mo kung sino ang nasa loob. Higit
na matamis ang pakikipagkaisa sa Diyos

kaysa sa maibibigay na ginhawa ng katawan.
May mga kamay at paa tayo na naiiba rito.

Minsan, nakikita natin iyon sa ating panaginip.
Hindi iyon tagimpan, bagkus tunay na nasagap.

May kaluluwa ka; at huwag ikatakot ang paglisan
sa katawang pisikal. Madarama minsan ito ng kung

sino at makapamumuhay siya nang malusog,
at mag-isa sa kabundukan. Ang balisa, magiting

na gawain ng mga tao ay mahina’t walang saysay
sa mga dervish na nalulugod sa sariwang dayaray.

Kabayo sa ulop

Kabayo sa ulop, larawan mula sa http://www.wormsandgermsblog.com

Paghihiwalay, ni W.S. Merwin

salin ng tulang “Separation” ni W.S. Merwin (William Stanley Merwin).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGHIHIWALAY

Ang pagkawala mo’y tumagos sa aking loob
tulad ng sinulid na sa karayom sumuot.
Lahat ng gawin ko’y natatahi nang may kulay.

Der Wanderer über dem Nebelmeer (Manlalakbay sa ibabaw ng ulop ng dagat) ni Caspar David Friedrich, 1818, oleo sa kambas, 94.8 x 74.8 cm, Kunsthalle, Hamburg, Deutschland.

Der Wanderer über dem Nebelmeer (Manlalakbay sa ibabaw ng ulop ng dagat) ni Caspar David Friedrich, 1818, oleo sa kambas, 94.8 x 74.8 cm, Kunsthalle, Hamburg, Deutschland.

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Hormonal Imbalance

May nagbabago sa sarili mo, at nagising ka na lamang na waring napakabigat ng katawan at napakalapad ng higaan. Pagod na pagod ka, gayong hindi ka naman nagsaka ng bukid, bagkus nanood lamang ng telebisyon o kaya’y nagbasa ng magasin. Tumataba ka nang di-inaasahan, at ang sikmura’y tila masikip kompara sa dapat asahan. Hindi mo maunawaan kung bakit ang langitngit ng pinto ay nakahihindik, ang halakhak ng mga paslit ay nakatutulig, ang kalansing ng kutsarang nahulog sa sahig ay nakayayanig. Tumalas bigla ang iyong pandinig, at pambihira ang iyong pagdama. Dumadapyo ang simoy sa iyong balát at pakiramdam mo’y may yumayakap sa iyong estrangherong multo. Mayayamot ka sa sinumang tumabi sa iyo, at wari mo’y lahat ng nilalang sa daigdig ay biglang pumangit o umaskad o bumantot. Mauuhaw ka, at lalagukin mo ang isang pitsel ng malamig na tubig na parang tumutungga lamang ng tagay. Mawawalan ka ng ganang kumain kahit umaapaw sa mesa ang mga prutas o nagsisikip ang refrigerator sa ulam. Mabubuwisit ka sa iyong mister, na wika mo’y mabaho ang pawis kahit siya’y bagong paligo at nagwisik ng cologne. Minsan, pumasok ka sa banyo at nang maliligo na’y inakala mong iipitin ka ng mga pader o babagsak ang kisame, at malulunod sa shower. Iiyak ka nang iiyak. Iisipin mong bumibilis ang tibok ng iyong puso, napakainit ng katawang parang sinisilaban kung hindi man iniihaw, at pawis na pawis ka kahit napakalamig ng silid. Nang magpakonsulta ka sa ospital, ipinayo ng doktor ang matagal mo nang alam: uminom ng kispirin at yakapsule. At ikaw ay napaluha, napaluha na parang bata, habang kumikindat ang iyong kabiyak na sa iyo’y nakatanaw.

Mga Kubling Lungsod ni Italo Calvino

salin ng akda ni Italo Calvino
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Olinda, kapag masusing nagsiyasat ka sa pamamagitan ng lente, matatagpuan mo ang pook na hindi hihigit sa ulo ng aspile, at kung titingnan iyon sa malaki-laki, ay mabubunyag sa loob nito ang mga bubungan, ang mga antena, ang klaraboya, ang mga hardin, ang mga tubigan, ang mga banderitas sa mga kalye, ang kiyosko sa mga plasa, ang ipodromo. Hindi nananatili roon ang dulo:  pagkalipas ng isang taon ay matutuklasan mo itong kasinlaki ng kalahating dayap, pagdaka’y kasinlaki ng kabute, at hanggang maging kasukat ng malukong. Saka magiging ganap na kasukat iyon ng lungsod, na napaliligiran ng naunang lungsod: isang bagong lungsod na iginigiit ang daan sa naunang lungsod at sinisikap na kumawala palabas. Ang Olinda ay hindi lamang ang tanging lungsod na lumalago nang paikid-ikid, gaya ng mga bunged ng punongkahoy na nagdaragdag ng bilog kada taon. Ngunit sa ibang lungsod, nananatili roon sa gitna ang luma’t makitid na sinturon ng mga pader na tinitirikan ng mga aguhong kalawangin, ng mga tisang bubong, ng mga bobeda, habang ang mga bagong kuwartel ay nakakalat paikot sa mga ito gaya ng maluwag na sinturon. Hindi ang Olinda: ang mga lumang dingding ay lumuluwang at taglay ang mga lumang kuwartel nito, na lalong lumalaki sa mga gilid at numinipis upang pagsidlan ng mga bagong kuwartel na tumutulak mula sa loob; at paulit-ulit, tungo sa puso ng lungsod, isang ganap na bagong Olinda, na sa binawasang sukat nito ay nag-iiwi pa rin ng mga katangian at daloy ng katas ng unang Olinda at ng lahat ng Olinda na sumibol mula sa iba; at sa loob ng pinakaubod na bilog nito ay palaging may pamumukadkad—bagaman napakahirap na unawain ang mga ito—ang susunod na Olinda at ang iba pang lalago pagkaraan niyon.

Ang Hilig ng mga Lalaki

Salin ng tulang “What Men Want” ni Laura McCullough
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG HILIG NG MGA LALAKI

Hindi naman ito misteryo. Tsupain lamang.
Kausapin ang sinumang lalaki na maluwag
magkukuwento sa iyo ng mga usapang barako,
at aamin siya. Kainin. Tsupain siya.
Makipaghuntahan sa aling pangkat ng babae
at kukumpirmahin nila ang katotohanan.
Pagkatapos sumang-ayon, magbibiro sila
hinggil sa pagkaubos ng dugo sa utak,
at aastang nakaamoy ng mga bayag na hindi
lamang angkin ng mga lalaki. Makipag-usap
sa mga lalaki nang mag-isa, o may kapares;
magiging tapat sila, at waring magugulat,
at pabulong na magwiwika para maglingid.

Ang binatilyong isinusupot ang iyong pinamili,
ang matandang lalaking naghahatid ng pizzang
hindi mo na kayang iluto, ang kabataang kawal
na galing sa Iraq at kuyom ang kaniyang betlog,
ang anak na lalaki ng iyong kapitbahay
na sabik sumama hangga’t makakaya niya:
ngitian sila, anuman ang kanilang sabihin
hinggil sa mga anyo ng ngiti at panunupil.
Hipuin sila, at kung makalulusot ka,
halikan sila, halikan nang halikan silang lahat,
magpaalam, mangumusta, sa lahat ng publikong
pagtitipon na libre ang beso-beso, at bumulong
ng mga salitang hindi ginagamit na hudyat
sa kanilang mga kapisanan sa mga kahuyan.
Magsimula sa salitang misteryo. Huwag huminto.

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré