Mga Kubling Lungsod ni Italo Calvino

salin ng akda ni Italo Calvino
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Olinda, kapag masusing nagsiyasat ka sa pamamagitan ng lente, matatagpuan mo ang pook na hindi hihigit sa ulo ng aspile, at kung titingnan iyon sa malaki-laki, ay mabubunyag sa loob nito ang mga bubungan, ang mga antena, ang klaraboya, ang mga hardin, ang mga tubigan, ang mga banderitas sa mga kalye, ang kiyosko sa mga plasa, ang ipodromo. Hindi nananatili roon ang dulo:  pagkalipas ng isang taon ay matutuklasan mo itong kasinlaki ng kalahating dayap, pagdaka’y kasinlaki ng kabute, at hanggang maging kasukat ng malukong. Saka magiging ganap na kasukat iyon ng lungsod, na napaliligiran ng naunang lungsod: isang bagong lungsod na iginigiit ang daan sa naunang lungsod at sinisikap na kumawala palabas. Ang Olinda ay hindi lamang ang tanging lungsod na lumalago nang paikid-ikid, gaya ng mga bunged ng punongkahoy na nagdaragdag ng bilog kada taon. Ngunit sa ibang lungsod, nananatili roon sa gitna ang luma’t makitid na sinturon ng mga pader na tinitirikan ng mga aguhong kalawangin, ng mga tisang bubong, ng mga bobeda, habang ang mga bagong kuwartel ay nakakalat paikot sa mga ito gaya ng maluwag na sinturon. Hindi ang Olinda: ang mga lumang dingding ay lumuluwang at taglay ang mga lumang kuwartel nito, na lalong lumalaki sa mga gilid at numinipis upang pagsidlan ng mga bagong kuwartel na tumutulak mula sa loob; at paulit-ulit, tungo sa puso ng lungsod, isang ganap na bagong Olinda, na sa binawasang sukat nito ay nag-iiwi pa rin ng mga katangian at daloy ng katas ng unang Olinda at ng lahat ng Olinda na sumibol mula sa iba; at sa loob ng pinakaubod na bilog nito ay palaging may pamumukadkad—bagaman napakahirap na unawain ang mga ito—ang susunod na Olinda at ang iba pang lalago pagkaraan niyon.