May nagbabago sa sarili mo, at nagising ka na lamang na waring napakabigat ng katawan at napakalapad ng higaan. Pagod na pagod ka, gayong hindi ka naman nagsaka ng bukid, bagkus nanood lamang ng telebisyon o kaya’y nagbasa ng magasin. Tumataba ka nang di-inaasahan, at ang sikmura’y tila masikip kompara sa dapat asahan. Hindi mo maunawaan kung bakit ang langitngit ng pinto ay nakahihindik, ang halakhak ng mga paslit ay nakatutulig, ang kalansing ng kutsarang nahulog sa sahig ay nakayayanig. Tumalas bigla ang iyong pandinig, at pambihira ang iyong pagdama. Dumadapyo ang simoy sa iyong balát at pakiramdam mo’y may yumayakap sa iyong estrangherong multo. Mayayamot ka sa sinumang tumabi sa iyo, at wari mo’y lahat ng nilalang sa daigdig ay biglang pumangit o umaskad o bumantot. Mauuhaw ka, at lalagukin mo ang isang pitsel ng malamig na tubig na parang tumutungga lamang ng tagay. Mawawalan ka ng ganang kumain kahit umaapaw sa mesa ang mga prutas o nagsisikip ang refrigerator sa ulam. Mabubuwisit ka sa iyong mister, na wika mo’y mabaho ang pawis kahit siya’y bagong paligo at nagwisik ng cologne. Minsan, pumasok ka sa banyo at nang maliligo na’y inakala mong iipitin ka ng mga pader o babagsak ang kisame, at malulunod sa shower. Iiyak ka nang iiyak. Iisipin mong bumibilis ang tibok ng iyong puso, napakainit ng katawang parang sinisilaban kung hindi man iniihaw, at pawis na pawis ka kahit napakalamig ng silid. Nang magpakonsulta ka sa ospital, ipinayo ng doktor ang matagal mo nang alam: uminom ng kispirin at yakapsule. At ikaw ay napaluha, napaluha na parang bata, habang kumikindat ang iyong kabiyak na sa iyo’y nakatanaw.