Kahong Itim ni David Lazar

Tulang tuluyan ni David Lazar
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAHONG ITIM

Ibig kong lumipad sakay ng kahong itim; at mamuhay minsan sa loob ng itim na kahon. Oo, doon sa mga kahon na itinatago nila sa mga eroplano, na malimit natatagpuan at laging ligtas. Noong nakaraang linggo, isang maliit na eroplano ang bumulusok sa hilaga ng bayan. May kuha ng pagkawasak at tala ng mga edad ng nasawi. Madalas kahawig iyon ng munting eroplano, na animo’y kinuyumos na laruan sa kagubatan. May usok mula sa bumagsak na eroplano, o ulop lamang iyon? Ang ulop sa parehong di-kilalang tanawin, mga pino o olmo o abó, na may malawakang pagpaslang na nakalipas nang ganap. Saka pag-uusapan nila ang itim na kahon at ang malabong pangyayari. Walang maiuulat. Hihinto ang komunikasyon. Ang nawalang blip sa iskrin ng kompiyuter ay katumbas ng kamatayan sa lupain. Kung minsan ang eroplanong maliit at pribado ay hindi na lamang magpapakita sa dapat nitong lapagan. Dalawang araw pagkaraan, isang babae ang di-makabibiyahe sa uring pangnegosyo, at isang lalaki ang mawawala sa pagtitipon. At halos kisapmatang malilihis ang usapan ukol sa kahong itim, ang lantay na espasyo na may pangwakas na mga salita, mga salitang umaagos habang humihiyaw pabagsak ang eroplano. Naisip ko: Kung naroon lamang sila sa loob ng kahong itim ay ligtas sila ngayon, at nailigtas sana sila. At naisip ko: Hayaang makuyumos ang mga salita sa lupain, hayaang hindi makalabas ang mga salita. At hayaan ang mga itong mag-akay sa sinuman papalabas ng kahon, na binuksan ng dambuhalang susi na itinatago ng mga ahente mula sa ahensiya. Bukás ang takip, at naroon sila: edad kuwarenta y dos, at beynte siyete, at nuwebe, mula sa Dayton, mula sa Poughkeepsie, mula sa Encino, nakangiti at umiiling, kaya maiimbento natin ang gayong mahiwagang kahon. At kung gaano kadaling makuha ang kahon, at napakamura: para sa kotse, bangka, bahay. Palaging matatagpuan ang kahong itim, at madalas tayong naroon sa loob, at malimit ligtas, at lalabas tayo para magpaliwanag. Alam natin kung paano naganap ang mga bagay, at nakatitiyak na tayo’y makalilipad pang muli.

Kahong Itim

Kahong Itim, retrato mula sa commons.wikimedia.org. Dominyo ng publiko.