Salin ng “Ενας Θεός των” (1917) ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
ISA SA KANILANG MGA BATHALA
Kapag ang isa sa kanila’y dumaan sa palengke
ng Seleucia sa sandaling malapit nang dumilim,
siya na may tangkad at kisig ng ganap na kabataan,
na may tuwa ng inmortalidad sa kaniyang paningin,
na humahalimuyak ang maiitim na buhok,
mapapatitig sa kaniya ang mga dumaraan
at itatanong ng isa kung kilala niya ang binata,
kung siya ba’y Griyego ng Syria, o banyaga.
Ngunit ang ilan, na nagmamasid nang maigi,
ay nakauunawa at pupuwesto sa dapat asahan.
At kapag naglaho siya sa lilim ng mga arkada,
sa mga anino at papasók sa liwanag ng magdamag,
patungo sa distrito na umiiral lamang tuwing gabi
na hitik sa sama-samang karatan at kasiyahan,
at sa lahat ng uri ng paglalasing at kalibugan,
mag-iisip sila kung sino siya sa hanay Nila’t
kung para saang inaakalang layaw ng kaluguran
siya bumababa sa mga lansangan ng Seleucia,
mula sa Kapita-pitagan, Kataas-taasang Bulwagan.