Salin ng mga tula ni Ibrahim Nasrallah, batay sa bersiyong Ingles nina Ibrahim Muhawi, Omnia Amin at Rick London.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
TULIRO
Noong unang panahon,
ani mga kabayo, kailangan namin ng kapatagan
ani mga agila, kailangan namin ng mga bundok
ani mga ulupong, kailangan namin ng mga lungga
ngunit nanatiling tuliro itong sangkatauhan.
MGA ARAW
Sa unang araw,
pinigil ko ang kamay nang buksan ang kabaong
kaya binigyan nila ako ng pumpon ng bulaklak
Sa ikalawang araw,
pinigil ko ang kamay nang mag-alay ng bulaklak
kaya ipinadala nila sa akin ang isang kabaong
Sa ikatlong araw, sumigaw ako nang ubos-lakas,
Gusto ko pang mabuhay!
kaya pinadalhan nila ako ng isang pumapatay.
MGA MAKATA
Sa marikit at malayong lungsod
doon sa bakurang hitik sa mga damo
umaawit ang lahat ng bagay
at lahat ng nilalang ay sumasayaw.
Hilingin mo, aniya, na maisayaw
ang Palestinang iyan.
Nahiya ako.
Aniya’y kung mabibigo ang mga makata
ay walang matatamo ang daigdig na ito.
KUMPISAL
Oo,
ang bahay ay libingan na may pinto at bintana,
ang silid-tulugan ay kalahating lambong,
at ang higaan ay kalahating ataul.
Ikaw, babae, at wala nang iba pa,
ang tanging makapagpapabago ng tagpo.
KAMUSMUSAN
Tatlong munting pangarap
ay ulilang naglandas sa gabi,
naghahanap ng tahanan
nang sandaling ang mga bala’y
dinudurog ang puso ng bata.
MGA SIMULA
Kapag ang lahat ng ibon sa mundo’y sama-samang pumagaspas
bilang isang lawas, kapag ang mga bukál at batis ng kabundukan
ay natipon sa maalikabok na palad,
kapag tumakbo ang tao’t sumunod sa kaniya ang mga punò
at kubling kinabukasan,
kapag naging payak ang daigdig
at makasasampa ako sa mesa sa opisina ng arawang balitaan
at mabibigkas ang pag-ibig sa maririkit na saradong bintana,
sa magaganda at masasamang pinturang nakadikit sa dingding,
kapag malaya akong makapag-iiwan ng halik sa pisngi mo
sa harap ng publiko,
kapag makababalik ako nang kasama ka sa hatinggabi
nang walang rumorondang pulis na yuyurak sa ating katawan
para magsiyasat ng ikukumpisal,
kapag malaya tayong makatatakbo sa mga lansangan
nang walang sumisigaw na nababaliw lamang tayo,
kapag ako’y makaaawit
at makakasusunong sa payong ng isang estranghero,
at kung siya naman ay makahahati sa aking pan-de-unan,
kapag malaya ka nang makabibigkas ng Mahal kita
nang walang takot sa kamatayan o pagkakabilanggo,
at mabubuksan ko ang bintana pagsapit ng umaga
nang hindi patatahimikin ng isang punglo,
kapag káya ko nang lumaki at tumanda
at ang mga punongkahoy ay idaragdag sa iyong kasuotan,
at mabibilang natin ang mga patak ng ulan sa ating mga mukha,
at makaaawit at makapagmamahal nang malayo sa mga sandata,
pananalakay, ligalig, at pagdakip—
isang bagong daigdig ang magsisimula,
isang bagong Inang Bayan ang tiyak na maihahanda.
Ngunit ngayon, ihahayag natin ang bagong simula sa ating pagpanaw,
isang simula ng sukdulang pagmamahal.