Mga tula ng makatang Austríyako na si Georg Trakl.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
MGA DAGA
Sa bukirin, kumikislap ang puting buwan ng taglagas.
Bumabagsak ang mga kagila-gilalas na anino sa bubungan.
Umiiral ang katahimikan sa mga hungkag na bintana;
at mula roon, lumalabas nang marahan ang mga daga
na pawang kung saan-saan sumusuot, umiik-ik,
at sinusundan ang mga ito ng abuhing halumigmig
mula sa umaalingasaw na kubeta, at sumisinghot-singhot:
Sa halumigmig, nanginginig ang gamultong sinag-buwan.
Masiglang umiingit ang mga daga na parang nababaliw
at pinupuno saka ginagambala ang mga bahay at kamalig
na umaapaw sa mga prutas at butil.
Nakikipag-away ang malamig na simoy sa katahimikan.
DALAWANG PIRASONG PROSA
I
Gabi ng Taglamig
Umuulan ng niyebe. Lampas ng hatinggabi, ikaw na lango sa biyoletang alak ay iniwan ang madilim na silungan ng mga lalaki at ang mapulang apoy ng kanilang mga siga. Ay, ang dilim ng gabi.
Itim na yelo. Matigas ang sahig, at ang hangin ay mapakla ang lasa. Lumilikha ng malas na hulagway ang iyong mga bituin. Sa matigas na paglakad, tinahak mo ang gilid ng riles nang malalaki ang mata, gaya ng kawal na sumusugod sa maitim na pugad ng masinggan. Sugod!
Mapait na niyebe at buwan.
Isang pulang lobo ang sinasakal ng anghel. Kumikiskis ang mga hitang bahagi ng pantalon mo habang lumalakad ka, gaya ng asul na yelo; at ang ngiting nababalot ng pagdurusa at pagmamalaki ang nagpatigas ng iyong mukha; at namumuti ang iyong noo bago ang lubos na pagtigas ng helada, o kung hindi’y tahimik itong tutungó sa natutulog na panggabing taliba, na nakasalampak sa kaniyang kahoy na kanlungan.
Yelo at usok.
Lumiliyab ang puting damit ng mga bituin sa iyong may saplot na balikat, at ang lawin ng Diyos ay pinipilas ang himaymay ng matigas mong puso.
Ay, ang mabatong buról. Natutunaw ang malamig, nalimutan, at tahimik na lawas sa pinilakang niyebe. Itim ang pagtulog. Sa matagal na panahon, sinusundan ng tainga ang daloy ng mga bituin pababa sa yelo. Nang magising ka, kumakalembang ang mga batingaw ng simbahan. Sa labas ng pinto sa gawing silangan, ang kulay rosas na araw ay lumalakad sa pinilakang liwanag.
II
Mula sa Pagbubunyag at Kabiguan
Bumaba ako sa matinik hagdan nang pinilakan ang talampakan, at lumakad papasok sa puting silid. Tahimik na tumanglaw ang lampara, at binalutan ko ng biyoletang tela ang aking ulo nang walang imik; at ang lupa’y isinuka ang katawang tila mula sa bata, ang nilalang ng buwan, na marahang lumakad papalabas ng karimlan ng aking anino, na may mga baling braso. Lumubog palayo ang mabatong talón, ang makukulot na yelo.