Pugad, ni Seamus Heaney

salin ng tulang “Nesting-Ground” ni Seamus Heaney.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PUGAD

Ang mga pugad ng mga balinsasayaw ay mga bútas ng karimlan sa gilid ng ilog. Naguguniguni niya ang kaniyang kamay na pumapasok doon hanggang kilikili, may mahabang manggas at tuwid na tuwid, ngunit minsan niyang nadama ang malamig na tusok ng kuko ng patay na layang-layang at tinitigan na lamang niya ang nakagugulat na densidad ng maliit nitong tuka.

Narinig niya ang siyap sa malayo dahil ipinakita sa kaniya minsan ng mga lalaki ang dimón ng daga sa puwitan ng mandala na ang mga dayami at balát ng mais ay pawang nakadikit sa mamasa-masa, mamula-mulang leeg at likod.

Nang tumindig siyang gaya ng talibang tumatanaw, naghihintay, naisip niyang idikit ang kaniyang tainga sa isa sa mga abandonadong bútas at pakinggan ang hugong ng katahimikan sa pusod ng lupa.