Gubat at Langaw, ni Eliot Weinberger

Dalawang tulang tuluyan ni Eliot Weinberger.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ANG GUBAT

Kapag nasa Angola, huwag pumasok sa kagubatan ng Cokwe kung gabi. Naroon si Muhangi, ang huklubang lalaki, ang dating dakilang mangangaso, na tumatakbo nang humihiyaw sa kahuyan. Si Kanyali, na may anyo ng batang babae, ay hinahabol ang mga lagalag nang sunong ang punso ng mga anay. Si Kapwala, ang batang namumuhay sa mga butas ng mga punongkahoy, ay winawaswas ang tapi na yari sa balát ng hayop. Naroon si Ciyeye, ang naglalakad na sigâ, at si Kalulu, ang munting pulang paslit na sumisitsit sa simoy. Si Samutambieka, na di-kilalang hayop na may isang paa, isang mata, isang tainga, isang ngipin, ay tangan ang pamalong tigmak sa dugo ng mga tao. At pinakamalubha sa lahat si Nguza, ang malaking matang nakasampay sa sanga ng punongkahoy, at nakatitig.

MGA LANGAW

Hindi mauunawaan ng langaw kung paanong nagkaroon ng daigdig na hindi nito makakamit. Ang langaw na nasa ibabaw ng tae, gaya ng madalas wikain, ay nasa paraiso; at isinumpa ang langaw na nasa pulut. Ang pamaypay-langaw ni Vishnu, na yari sa balahibo ng yak, ay nagpapahiwatig ng dharma: sila at tayo at tayong lahat ay walang magagawa kundi ipagaspas iyon. Batid ng langaw ang kalugurang ipinagkakait sa mga hayop: ang makipagkarát habang lumilipad. Beelzebub, ang Panginoon ng mga Langaw. Mababaliw ang tao na may paninging kalidoskopyo gaya ng langaw; ang langaw na may paninging gaya ng sa tao ay malulungkot sa tuwid na pagtanaw. Si Apollonius ng Tyana ay pinawi ang mga langaw sa Byzantium sa pamamagitan ng paglikha ng bronseng langaw at ibinaon yaon sa ilalim ng haligi. Maaaring umiisip ng ibang bagay ang langaw, o sadyang hindi nag-iisip; hindi nito tinitingnan kung saan pupunta, at bumabangga sa iskrin. Isinapelikula minsan ni Yoko Ono ang langaw na umaakyat sa suso na parang pagsakop sa Everest. Ang mga babaeng Ruso ay iniuukit ang mga ataul sa mga nabo, at inililibing ang mga langaw. Ang langaw sa nakabukang sugat ay gumaganap ng pagiging langaw lamang, ikinasisiya ang katotohanang ang tao ay tao lamang. Si Charles Reznikoff, na binigyan ng trabaho sa Hollywood at walang magawa, ay sumulat ng mga tula hinggil sa katahimikan at pag-iisa ng mga langaw sa kaniyang desk.

Mapapanaginipan ng bata ang kaniyang sarili sa unang bersiyon ng pelikulang Ang Langaw: munting ulo ng tao sa katawan ng langaw, na nasalalak sa sapot ng gagamba, at sumisigaw: Saklolo! Mapapanaginipan naman ng matanda ang kaniyang sarili sa ikalawang bersiyon ng pelikulang Ang Langaw: Mahal pa rin niya ang naturang nilalang gaano man ito naging kasuklam-suklam.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.